settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo (ikatlong bahagi)?

Sagot


Ang mga sumusunod ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo at ang mga aklat sa Bibliya kung saan inilarawan ang bawat isa sa kanila (ikatlong bahagi):

Huling Hapunan: (Mateo 26:1-30; Markos 14:12-26; Lukas 22:7-38; Juan 13:1-38) – Ang madamdaming huling tagpo kasama ng kanyang mga alagad na Kanyang minamahal ay nagsimula sa isang aralin mula kay Jesus. Nagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila (Lukas 22:24), na nagpapakita ng kanilang makalamang pananaw. Tahimik na lumuhod si Jesus para hugasan ang kanilang mga paa, isang gawain na normal na ginagawa ng pinakamababang uri ng alipin. Sa pamamagitan ng simpleng gawang ito, ipinalala Niya na ang Kanyang mga alagad ay dapat maglingkod sa isa't isa at hindi dapat umasa na paglingkuran ng iba. Nagpatuloy Siya sa pagpapaliwanag na malibang hugasan ng Kordero ng Diyos ang isang tao sa kanyang mga kasalanan, ang taong iyon ay hindi kailaman magiging malinis: "Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin" (Juan 13:8). Sa huling Hapunan, ipinakilala din ni Jesus kung sino ang traydor, si Judas, ang magkakanulo at magsusuplong sa Kanya sa mga awtoridad para Siya arestuhin. Nalungkot ang mga alagad ng sabihin ni Jesus na isa sa kanyang mga alagad ang magtataksil sa Kanya at inisip nila kung sino sa kanila ang taong iyon. Naguguluhan pa rin sila ng kumpirmahin ni Jesus na iyon ay si Judas na Kanyang inutusang umalis at gawin ang kailangan nitong gawin. Pagkatapos na umalis ni Judas, itinatag ni Jesus ang bagong Tipan sa Kanyang dugo at ibinigay ang isang bagong utos na ang mga susunod sa Kanya ay dapat mag-ibigan sa isa't isa at mabuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Natatandaan natin ang pagbibigay ni Jesus ng Bagong Tipan sa tuwing nakikibahagi tayo sa kumunyon at ipinagdiriwang ang katawan ni Jesus na nasugatan para sa atin at ang kanyang dugo na nabuhos para sa atin.

Pagaresto sa Getsemane: (Mateo 26:36-56; Markos 14:32-50; Lukas 22:39-54; Juan 18:1-12) -Pagkatapos ng Huling Hapunan, pinangunahan ni Jesus ang mga alagad patungo sa hardin ng Getsemane kung saan ilang bagay ang naganap. Humiwalay si Jesus sa Kanyang mga alagad para manalangin at inutusan din sila na magbantay at manalangin. Ngunit sa Kanyang ilang beses na pagbalik, natagpuan Niya sila na natutulog dahil sa pagod at kalungkutan sa posibilidad na mawalay Siya sa kanila. Habang nananalangin si Jesus, hiniling Niya sa Ama na ilayo sa Kanya ang saro ng pagdurusa na kanyang iinumin sa pagbubuhos ng Diyos ng Kanyang poot para sa kaparusahan sa kasalanan ng sanlibutan. Ngunit, gaya sa lahat ng bagay, nagpasakop si Jesus sa kalooban ng kanyang Ama at inihanda ang Kanyang sarili sa Kanyang kamatayan. Ipinadala ng Diyos ang isang anghel para palakasin ang kanyang loob sa Kanyang mga huling oras. Dumating si Judas kasama ang maraming kalalakihan at ipinakilala si Jesus sa pamamagitan ng isang taksil na halik, at inaresto si Jesus at dinala kay Caifas para sa una sa mga serye ng paglilitis na palabas lamang.

Pagpapapako at paglilibing: (Mateo 27:27-66; Markos 15:16-47; Lukas 23:26-56; Juan 19:17-42) – Ang kamatayan ni Cristo sa krus ang kaganapan ng Kanyang ministeryo sa lupa. Ito ang dahilan kung bakit Siya isinilang bilang tao— upang mamatay para sa kasalanan ng sanlibutan at hindi mapahamak ang sinumang sumasampalataya sa Kanya kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16-18). Pagkatapos na matagpuang inosente sa lahat ng bintang sa kanya, ibinigay pa rin si Jesus sa mga Romano para ipako sa krus. Ang mga kaganapan sa araw na iyon ay naitala maging ang Kanyang mga huling wika sa krus, ang pagtuya at panunudyo ng mga sundalo at ng mga tao, ang pagsasapalaran ng mga sundalo para sa Kanyang kasuutan, at ang tatlong oras ng kadiliman sa buong lupain. Sa oras na iyon, ibinigay ni Jesus ang kanyang Espiritu, nagkaroon ng isang lindol at ang malaki at mabigat na tabing na naghihiwalay sa Dakong kabanal-banalan sa iba pang bahagi ng templo at napunit mula sa itaas pababa, na nagpapahiwatig na bukas na ang daan patungo sa Diyos para sa lahat ng sumasampalataya kay Jesus. Ibinaba ang katawan ni Jesus sa krus, inilibing sa isang hiram na libingan, at iniwan doon hanggang sa matapos ang Sabbath.

Pagkabuhay na mag-uli: (Mateo 28:1-10; Markos 16:1-11; Lukas 24:1-12; Juan 20:1-10). Hindi gaanong itinala sa Bibliya ang aktwal na pagkabuhay na mag-uli kundi ang bukas na libingan at ang balita na nabuhay na mag-uli si Jesus. Sinasabi din dito ang Kanyang pagpapakita sa marami. Nalaman natin na nabuhay si Jesus mula sa mga patay ng pumunta ang ilang babae sa libingan upang ihanda ang kanyang katawan. May iba't ibang detalye ang mga ebanghelyo patungkol sa talang ito. Sa madaling salita, wala ng laman ang libingan, nagulumihanan ang mga babae, at ibinalita sa kanila ng mga anghel na nabuhay na mag-uli si Jesus. Nagpakita sa kanila si Jesus. Pinatotohanan nina Pedro at Juan na wala na nga ang katawan ni Jesus sa libingan, at nagpakita din sa mga alagad si Jesus.

Mga pagpapakita pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli: (Mateo 28:1-20; Markos 16:1-20; Lukas 24:1-53; Juan 20:1-21:25; Gawa1:3; 1 Corinto 15:6) – Sa loob ng 40 araw sa pagitan ng pagpako at ng Kanyang pag-akyat sa langit, ilang beses na nagpakita si Jesus sa Kanyang 500 alagad at sa iba pa. Una Siyang nagpakita sa mga babae malapit sa libingan para ihanda ang Kanyang katawan sa paglilibing, pagkatapos ay kay Maria Magdalena kung kanino Niya idineklara na hindi pa Siya umaakyat sa Ama. Muling nagpakita si Jesus sa dalawang lalaki na naglalakbay patungong Damasco, at nakilala nila Siya habang kumakain at nakipagusap Siya sa kanila. Bumalik ang dalawang lalaki sa Jerusalem at pinatotohanan ang pakikipagtagpo sa kanila ni Jesus. Tumagos Siya sa isang pader at nagpakita sa Kanyang mga alagad sa Jerusalem kung saan pinatunayan Niya sa nagdududang si Tomas na nabuhay nga Siyang mag-uli at nagpakita Siyang muli sa Galilea kung saan sila nakasaksi ng isang pang himala. Bagama't nangisda sila sa buong magdamag at walang nahuling kahit ano, sinabi sa kanila ni Jesus na muling ihagis ang lambat at napuno ang kanilang lambat ng isda. Nagluto si Jesus ng almusal para sa kanila at tinuruan sila ng mahahalagang katotohanan. Sinabihan ni Jesus si Pedro na pakainin ang mga tupa ng Panginoon at sinabi ang kaparaanan ng kanyang kamatayan. Sa sandaling iyo, tinanggap din ng mga alagad ang Dakilang Utos.

Pagakyat sa Langit: (Markos 16:19-20; Lukas 24:50-53; Acts 1:9-12) – Ang huling gawa ni Jesus sa lupa ay ang Kanyang pag-akyat sa langit sa presensya ng kanyang mga alagad. Iniakyat Siya sa isang alapaap at itinago Siya sa kanilang paningin, ngunit dumating ang dalawang anghel para sabihin sa kanila na muli Siyang magbabalik sa parehong paraan. Sa ngayon, nakaupo si Jesus sa kanan ng Ama sa langit. Ang pag-upo ay nangangahulugan na tapos na ang Kanyang gawain gaya ng Kanyang pinagtibay ng Kanyang sabihin habang nakapako sa krus, "Naganap na." Wala ng anumang gagawin pa para tiyakin ang kaligtasan ng mga nananalig sa Kanya. Tapos na ang Kanyang buhay sa lupa, nabayaran na ang halaga, nakamit na ang tagumpay, at nagapi na ang mismong kamatayan. Halleluiah!

"At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat" (Juan 21:25).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo (ikatlong bahagi)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries