Tanong
Buhay pa ba si Jesus? Ano ang ibig sabihin na si Jesus ay buhay?
Sagot
Lumakad si Jesus sa mundo mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan. Narinig natin ang tungkol sa pagpapapako sa Kanya sa krus at ang Kanyang mga katuruan. Ang Linggo ng Pagkabuhay ay tungkol sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Ngunit ito ang nakakatisod sa ilan. Nangangahulugan ba ito na si Jesus ay buhay ngayon? Paanong ang isang tao na pinatay sa harap ng mga tao ay mabubuhay na mag-uli mula sa mga patay? Nagbibigay ang kasaysayan ng mga hindi matatanggihang ebidensya na nabuhay sa mundo si Jesus na taga Nazareth. Ngunit buhay pa ba Siya hanggang ngayon? Ang mga Kristiyano ay sumasamba, umaawit at nananalangin na parang si Jesus ay buhay. Mali ba sila sa kanilang ginagawang ito? Paanong si Jesus ay nabubuhay pa rin hanggang ngayon?
Habang nasa materyal na mundo ang mga tao, naiintindihan nating ang buhay ay direktang nakaugnay sa mga pisikal na bagay—ang isang tao ay buhay kung ang kanyang katawan ay nabubuhay pa. Ngunit hindi lamang ganito kababaw ang buhay. Ang espiritwal na mundo ay kasing totoo ng pisikal na mundo. Ipinapaliwanag sa Filipos 2:5–11 na nabubuhay na si Jesus bago pa man Siya magkatawang tao kasama ng Diyos, bago pa likhain ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng Kanyang salita (Juan 1:1–3). Ang walang hanggang Anak ng Diyos ay laging nabubuhay. Hindi si Jesus tumigil sa pagiging buhay, kahit na noong ang Kanyang katawan ay nakahiga sa libingan.
Laging nagtuturo si Jesus patungkol sa buhay sa kabila ng materyal na mundo (Juan 10:10). Ipinangako Niya ang buhay na walang hanggan sa sinumang sumasampalataya sa Kanya (Juan 3:16–18). Ipinaliwanag Niya na ang Kaharian na Kanyang itatayo ay hindi sa mundong ito (Juan 18:36).
Nang likhain ng Diyos ang unang tao, "hiningahan niya ito sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay" (Genesis 2:7). Ang buhay na iyon ay nanggaling sa Dios na walang hanggan. Inihinga ng Diyos ang Kanyang sariling buhay sa tao at iyon ang dahilan kung bakit ang buhay ng tao ay hindi kagaya ng nuhay ng mga hayop at halaman. Ang tao ay nagtataglay ng isang espiritu na ginawa para mabuhay magpakailanman, gaya ng Diyos na nabubuhay magpakailanman. Ang katawan ay mamamatay, ngunit ito ay muli ring bubuhayin. Nang mamatay si Jesus sa krus, tunay na namatay ang Kanyang katawan at inilibing, ngunit ang Kanyang espiritu ay nasa ibang lugar. Itinalaga Niya ang Kanyang espiritu sa mga kamay ng Kanyang Ama (Lukas 23:46).
Nang buhayin ng Diyos si Jesus mula sa mga patay, muling nagsanib ang Kanyang espiritu at katawan na ginawang maluwalhati (Filipos 3:21). Isinulat ni Pablo na mahigit sa limandaang katao ang nakakita kay Jesus pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli (1 Corinto 15:6). Ang Bagong Tipan ay isinulat ng mismong mga buhay na saksi na nakasaksi na tunay na buhay si Jesus sa katawan.
Si Jesus ay buhay pa rin ngayon. Bumangon ang Kanyang katawan mula sa mga patay at umakyat Siya sa langit. Isinalaysay sa unang kabanata ng aklat ng mga Gawa kung paanong apatnapung araw pagkatapos na mabuhay na mag-uli ni Jesus habang kasama Niya ang mga alagad, bigla Siyang umangat sa lupa at lumutang sa hangin. Tumitig sila sa pagkamangha habang unti-unti Siyang nawala sa kanilang paningin (Gawa 1:9–11). Hinulaan ni Jesus na babalik Siya sa Ama at iyon nga ang eksaktong ginawa Niya (Juan 14:1–2; Juan 20:17).
Si Jesus ay buhay sa langit kasama ng Diyos, ng mga anghel, at ng lahat na nagtiwala sa Kanya para sa kanilang kaligtasan (2 Corinto 5:8). Nakaupo Siya sa kanan ng Diyos Ama (Colosas 3:1), "sa kaitaasan ng kalangitan" (Efeso 4:10). "Lagi Siyang nabubuhay para mamagitan" sa Kanyang mga alagad sa mundo (Hebreo 7:25). At ipinangako Niya na muli Siyang magbabalik (Juan 14:1–2).
Gaya ng espiritu ni Jesus na hindi namatay, hindi rin mamamatay ang ating mga espiritu (Juan 11:25–26). Mabubuhay tayo magpakailanman sa isang lugar sa kabilang buhay. Kung paano tayo tutugon sa alok ng Diyos na kaligtasan ang siyang magdidikta sa ating magiging hantungan (Juan 3:16–18). Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod: "Dahil Ako'y nabubuhay, kayo man ay muling mabubuhay" (Juan 14:19). Sa dakilang pag-asang ito natin maitatatag ang ating mga buhay na nalalaman na gaya ng ating Panginoong Jesus, tayo din ay mamamatay ngunit hindi iyon ang ating katapusan.
English
Buhay pa ba si Jesus? Ano ang ibig sabihin na si Jesus ay buhay?