settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang ipangako ang isang buhay na ganap?

Sagot


Sa Juan 10:10, Sinabi ni Hesus, “Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay---isang buhay na ganap at kasiya-siya.” Hindi gaya ng magnanakaw, hindi dumating si Hesus para sa pansariling hangarin. Nagpunta Siya sa lupa upang magbigay hindi upang manghingi. Pumunta Siya upang ang mga tao ay makatagpo sa Kanya ng buhay, isang buhay na makabuluhan, maligaya at walang hanggan. Tinanggap natin ang ganap na buhay na ito ng tanggapin natin si Hesu Kristo bilang ating Tagapagligtas at nang tanggapin din naman Niya tayo bilang Kanyang mga anak.

Ang salitang “ganap” sa salitang Griyego ay “perisson,” na nangangahulugan na “napakasagana, lubos, sobra-sobra, hindi masukat, napakarami, napakasagana na higit sa hinihintay o inaasahan.” Sa madaling salita, ipinangako sa atin ni Hesus ang isang buhay na higit pa sa ating inaasahan, isang konsepto na ipinapaalala ni Pablo sa 1 Corinto 2:9, “Ganito ang sinasabi ng Kasulatan, “Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya” (Efeso 3:20).

Bago tayo magisip ng magarang bahay, mamahaling kotse, pagliliwaliw sa buong mundo at marami pang bagay na nabibili ng salapi, tumigil muna tayo at isiping mabuti kung ano ang itinuturo ng Panginoong Hesus tungkol sa isang buhay na ganap at kasiya siya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na hindi prayoridad ng Diyos para sa atin ang bigyan tayo ng kayamanan, kasikatan, posisyon sa lipunan at kapangyarihan (1 Corinto 1:26-29). Pagdating sa kayamanan, pinag-aralan, at katayuan sa lipunan, mas nakararaming Kristiyano ang hindi nanggaling sa mayayaman at kilalang pamilya. Malinaw kung gayon, na ang buhay na ganap ay hindi dahil sa kasaganaan ng materyal na bagay. Kung ito ang ibig sabihin ni Hesus, si Hesus dapat ang naging pinakamayaman sa lahat ng tao. Ngunit hindi ganito ang naging buhay ni Hesus (Mateo 8:20).

Ang buhay na ganap ay walang hanggang buhay, isang buhay na nagumpisa ng sandaling lumapit tayo kay Kristo at tinanggap Niya tayo bilang Kanyang Anak at Siya ang ating naging Tagapagligtas at nagpapatuloy ang buhay na ito hanggang sa walang hanggan sa langit. Ibinigay mismo ni Hesus ang kahulugan ng buhay na ganap sa Bibliya – lalo’t higit ang buhay na walang hanggan: “Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo” (Juan 17:3). Ang kahulugang ito ay hindi tumutukoy sa haba ng buhay, kalusugan, kayamanan, pamilya o trabaho. Ang totoo, ang tanging binabanggit dito ay ang kaalaman tungkol sa Diyos na siyang susi sa isang tunay na buhay na ganap at kasiyasiya.

Ano ngayon ang buhay na ganap? Una, ang kaganapan ng buhay na ito ay sa espiritwal hindi sa materyal. Sa katotohanan, hindi gaanong interesado ang Diyos sa pisikal na kalagayan ng ating mga buhay. Sinabi Niya na hindi natin kailangang magalala tungkol sa ating kakainin o daramtin (Mateo 6:25-32; Filipos 4:19). Ang pisikal na pagpapala ay maaaring hindi maging sangkap ng isang buhay na nakasentro sa Diyos; maging ang ating kahirapan o kayamanan ay hindi indikasyon ng ating katayuan sa harap ng Diyos. Na kay Solomon ang lahat ng materyal na pagpapala na ninanais na makamtan ng lahat ng tao ngunit kanyang natagpuan na ang lahat ng ito ay walang kabuluhan (Mangangaral 5:10-15). Gayun din naman, nakuntento si Pablo sa anumang kalagayan sa buhay na kanyang naranasan (Filipos 4:11-12).

Ikalawa, ang buhay na walang hanggan, ang buhay na hinahangad ng tunay na Kristiyano ay hindi nasusukat sa haba kundi sa pagkakaroon ng relasyon sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit noong tayo ay maging mananampalataya at tumanggap ng kaloob na Banal na Espiritu, sinasabi sa Bibliya na nagkaroon na tayo ng buhay na walang hanggan (1 Juan 5:11-13), bagama’t hindi pa natin naranasan ang buong kaganapan nito. Ang haba o kasaganaan ng buhay dito sa mundo ay hindi nangangahulugan ng isang buhay na ganap.

Panghuli, ang buhay ng Kristiyano ay umiikot sa “paglago sa kabutihan at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo” (2 Pedro 3:18). Itinuturo nito sa atin na ang ganap na buhay ay isang nagpapatuloy na proseso ng pagkatuto, pagsasanay, at paglago maging sa pagbagsak at pagbangon, pagsasaayos, pagtitiyaga at pagtatagumpay, dahil ang ating kasalukuyang kalagayan ay “tila malabong larawan na nakikita natin sa salamin” (1 Corinto 13:12). Isang araw makikita natin ng mukhaan ang Diyos at ganap natin Siyang makikilala (1 Corinto 13:12). Sa panahong iyon, hindi na tayo magtitis at makikipagbaka sa kasalanan. Ito ang buhay na ganap at kasiya siya.

Bagama’t natural pa rin nating ninanasa ang mga materyal na bagay dito sa lupa, ang ating buhay ay dapat na hindi na umaayon sa takbo ng mundong ito (Roma 12:2). Nang maging bagong nilalang tayo at ilapit ng Ama kay Kristo, (2 Corinto 5:17), dapat na ring mabago ang ating pananaw tungkol sa isang buhay na ganap . Ang tunay na masagana at ganap na buhay ay nagtataglay ng pag-ibig, kagalakan, at ng iba pang mga bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5:22-23), hindi ng kasaganaan sa mga bagay na materyal. Ang buhay na ganap ay ang pagkakaroon ng katiyakan ng buhay na walang hanggan at dahil dito, ang ating interes ay para sa mga bagay na eternal hindi sa mga bagay na panandalian lamang. Sinasabi sa atin ni Pablo, “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo'y natatago sa Diyos, kasama ni Cristo” (Colosas 3:2-3).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang ipangako ang isang buhay na ganap?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries