settings icon
share icon
Tanong

Paano masasabi na mayroon tayong buhay na walang hanggan gayong namamatay pa rin naman tayo?

Sagot


Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na ang lahat ng nananalig sa Panginoong Hesu Kristo ay may buhay na walang hanggan (Juan 3:16; 6:47; 1 Juan 5:13). Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na "walang hanggan" ay nangangahulugan na "walang katapusan, walang wakas, magpakailanman." Maaaring ang salitang 'walang katapusan' ang pinakamagandang paliwanag sa konsepto ng walang hanggan sa Bibliya; ito ay isang buhay na kapag nagsimula ay hindi na matatapos magpakailanman. Ang ideyang ito ay nagtuturo na ang buhay ay hindi lamang sa pisikal. Sa halip, ang tunay na buhay ng lahat ng tao ay espiritwal, at kahit na magwakas ang pisikal na buhay, magpapatuloy ang espiritwal na buhay hanggang sa walang hanggan. Ito ay hindi nagwawakas. Ito ay isang walang hanggang buhay.

Nang likhain ng Diyos sina Adan at Eba, inilagay Niya sila sa isang hardin kung saan naroon ang puno ng buhay upang mabuhay sila ng maligaya ng walang hanggan sa pisikal at espiritwal, ngunit nagkasala sila at ito ang naging sanhi ng kanilang pisikal at espiritwal na kamatayan na kanilang ipinasa sa lahat ng kanilang salinlahi (Roma 5:12–14). Pagkatapos magkasala, pinalabas ng Diyos sina Adan at Eba mula sa hardin ng Eden at pinabantayan sa isang kerubin ang daanan patungo sa puno ng buhay. Ginawa ito ng Diyos dahil sa Kanyang habag dahil ayaw Niyang mabuhay magpakailanman ang tao na taglay ang sumpa ng kasalanan. Ngunit kailangang parusahan ang kasalanan at ang tanging katanggap-tanggap na parusa para sa isang banal na Diyos ay ang walang hanggang kaparusahan (Markos 9:43–48). Gayunman, ipinadala ng ating mahabaging Diyos ang Kanyang anak bilang perpektong handog upang magdusa, minsan sa lahat ng panahon upang akuin ang kaparusahan para sa kasalanan ng sangkatauhan, at Siyang nagkaloob ng perpektong daan patungo sa puno ng buhay para sa sinuman na mananalig sa Kanya (1 Juan 5:12; Pahayag 22:14).

Tinanggap natin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagkamatay sa ating sariling kakayahan at sa pagtanggap sa Panginoong Hesu Kristo sa ating mga puso at buhay bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Sa oras na iyon, iglap tayong isinilang na muli at binuhay kay Kristo. Maaaring hindi natin agad naramdaman ang kagyat na pagbabago, ngunit naranasan natin ang pagsilang na muli sa ating mga puso (Juan 3:6–7), at malaya na tayo ngayon mula sa takot sa kamatayan; at pinangakuan tayo ng Diyos na hindi na tayo mamamatay sa espiritwal sa halip mabubuhay tayo magpakailanman kasama ng ating Panginoong Hesu Kristo (1 Tesalonica 5:9–10). Sa huli, pagkatapos nating mamatay sa pisikal, ang ating kaluluwa ay agad na tutungo sa Panginoon, at hindi magtatagal, sa Kanyang muling pagbabalik, bubuhaying muli ng Panginoon ang ating mga katawan at gagawing maluwalhati upang salubungin Siya sa papawirin. Para sa mga Kristiyanong aabutang buhay sa Kanyang muling pagparito, babaguhin din ang kanilang katawan at gagawing maluwalhati sa isang "kisap mata," at hindi na sila daranas pa ng kamatayang pisikal (1 Corinto 15:51–52).

Inutusan ni Hesu Kristo si Apostol Juan upang isulat ang huling aklat sa Bibliya, at doon, muli nating mababasa ang tungkol sa puno ng buhay: "Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay, na nasa Paraiso ng Dios. " (Pahayag 2:7). Posibleng ang puno ng buhay sa aklat ng Pahayag ay sumisimbolo sa Panginoong Hesu Kristo (1 Pedro 1:3–5). Tutuparin ng nagiisang tunay na Diyos na lumikha sa lahat ng bagay, maging sa buhay, kamatayan at muling pagsilang sa espiritu sa pamamagitan ng Kanyang salita ang Kanyang mga pangako. Ang ating Diyos ay makapangyarihan sa lahat at puspos ng biyaya at katotohanan (Juan 1:14), at ninanais Niya na malaman natin na tiyak na ang ating hantungan sa walang hanggan: Sinabi ni Jesus, "Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man" (Juan 11:25). Mayroon ka na bang buhay na walang hanggan?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano masasabi na mayroon tayong buhay na walang hanggan gayong namamatay pa rin naman tayo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries