Tanong
Itinuturo ba ng Bibliya na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi?
Sagot
Itinuturo ng Bibliya na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi. Ang pananaw ng lahat ng kultura sa panahon ng pagsisimula ng buhay ay nagbabago habang ang pinahahalagahan ng isang lipunan ang pamantayang moral at nagbabago rin ang kaalaman sa proseso ng embryonic development. Sa Amerika, bago ang ginawang pagpapasya ng US Supreme Court noong 1973 na nagpahintulot ng aborsyon o pagpapalaglag ayon sa pangangailangan, ang nabubuong embryo ay ipinapalagay na isang ganap na tao o sanggol na hindi pa isinisilang. Ngayon, kahit ang fetus na maaari nang mabuhay sa labas ng tiyan ng ina ay maaari ng legal na ipalaglag, sa mga tanging kalagayang medikal. Ipinapakita nito na hindi natin isinasaalang-alang na ang isang hindi pa isinisilang na sanggol ay isa nang ganap na tao.
Sinasabi sa atin ng Siyensya na ang buhay ng isang tao ay nagsisimula sa oras ng paglilihi. Mula sa oras na naganap ang fertilization, ang genetic make-up ng isang bata ay kumpleto na. Ang kanyang kasarian ay malalaman na, ganoon din ang kanyang taas o haba, ang buhok, ang mata at ang kulay ng balat. Ang tanging bagay na kinakailangan upang maging isang ganap na taong nabubuhay ay ang panahon para lumaki at mabuo.
Ang higit na mahalaga, ipinahayag sa atin ng Diyos sa Kanyang mga Salita na hindi lamang nagsisimula ang buhay sa paglilihi, kundi kilala na Niya tayo bago pa tayo isilang (Jeremias 1:5). Ito ang sinabi ni Haring David tungkol sa papel na ginagampanan ng Diyos sa paglilihi sa atin sa tiyan ng ating ina: “Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha, sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata. Ako’y iyong nakita na, hindi pa man sumisilang. Batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito’y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam” (Awit 139:13, 16).
Patuloy na ibinababa ng lipunan ang halaga ng buhay ng mga hindi pa isinisilang na bata. Gumagawa ang lipunan ng kanyang sariling pagpapakahulugan sa buhay ng sangkatauhan na nakasalalay sa mga hindi makadiyos na pananaw sa moralidad. Ngunit ang hindi maitatanggi ang katotohanan na ang buhay ay nagsisimula sa paglikha ng Diyos, at ang tao ay nilikha sa oras na siya ay ipaglihi. Naroon ang Diyos sa paglikha sa atin, Siya ang ating Manlilikha. Ang ating halaga bilang mga tao na nilikha ayon sa Kanyang wangis ay buo na bago pa tayo isilang.
English
Itinuturo ba ng Bibliya na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi?