settings icon
share icon
Tanong

Sino ang bulaang propeta sa katapusan ng panahon?

Sagot


Ang bulaang propeta sa katapusan ng panahon ay inilarawan sa Pahayag 13:11-15. Tinukoy siya bilang ang "pangalawang halimaw" (Pahayag 16:13, 19:20, 20:10), kasama siya ng antikristo at ni Satanas na siyang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan. Ang bulaang propeta ang ikalawang persona sa trinidad ng kasamaan.

Inilarawan ni Apostol Juan ang taong ito at binigyan tayo ng pagkakakilanlan sa kanya sa kanyang pagdating. Una, lumabas siya mula sa lupa. Maaaring nangangahulugan ito na nanggaling siya sa impiyerno kasama ang mga demonyo na kanyang pinangungunahan. Maaari din itong mangahulugan na nanggaling siya sa isang mababang kalagayan, hindi napapansin at hindi kilala sa mundo hanggang sa bigla siyang lumabas sa eksena ng pandaigidigang entablado bilang kanang kamay ng antikristo. Inilarawan siya na tulad sa isang batang tupa na may sungay, at nagsasalita na gaya ng isang dragon (ang mga sungay ng batang tupa ay tulad lamang sa isang bukol sa kanilang ulo). Hindi gaya ng antikristo na maraming ulo at sungay na nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at kabagsikan, ang bulaang propeta ay lalabas na gaya ng isang maamong batang tupa, at makahihikayat ng mga tao at makakalikom ng mga taga suporta sa pamamagitan ng kanyang magagandang pananalita. Maaaring ang bulaang propetang ito ay isang napakagaling na mangangaral na binigyan ng kakayahan ng demonyo upang mandaya ng maraming tao. Ngunit magsasalita siya na gaya ng isang dragon na nangangahulugan na ang kanyang menshae ay ang mensahe ng dragon. Ipinakilala ang dragon sa Pahayag 12:9 bilang ang demonyo o si Satanas.

Sinasabi sa talata 12 ang misyon ng bulaang propeta sa mundo at ito ay ang sapilitang pasambahin ang sangkatauhan sa antikristo. Mayroon siya ng lahat ng kapamahalaan ng antikristo, dahil binigyan din siya ng kapangyarihan ni Satanas gaya ng antikristo. Hindi malinaw kung ang mga tao ba ay pwersahang sasamba o maaakit sila ng makapangyarihang nilalang na ito at madadaya sila at dahil doon ay kusang sasamba sa antikristo. Ang katotohanan na gagamit ang pangalawang halimaw ng mga mahimalang tanda at kababalaghan, at magpapaulan ng apoy mula sa langit upang itatag ang kanyang kredibilidad ay nagpapahiwatig na kusang sasamba ang mga tao sa antikristo dahil sa kanilang paniniwala at paghanga sa kanyang mensahe at kapangyarihan. Sinasabi sa talata14 na ang pandaraya ay napakalalim at darating sa punto na gagawa pa ang mga tao ng imahen ng antikristo at sasambahin iyon. Ang magaganap ay katulad ng ginawa ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia na nagpagawa ng isang malaking imahen na yari sa ginto (Daniel 3) upang sambahin at yukuran ng mga tao. Gayunman, inilalarawan sa Pahayag 14:9-11 ang nakakatakot na kahihinatnan ng mga taong sasamba sa imahen ng antikristo.

Sa yugtong ito, ang mga nakaligtas sa pitong taon ng Dakilang Kapighatian ay haharap sa dalawang napakahirap na pagpipilian. Ang mga tatangging sumamba sa imahen ng halimaw ay papatayin (tal. 15). Ngunit ang mga sumamba sa kanya ay daranas naman ng poot ng Diyos. Hindi pangkaraniwan ang imaheng ito dahil may kakayahan itong magsalita. Hindi nangangahulugan na mabubuhay ang imahen dahil ang salitang Griyegong ginamit ay pneuma na nangangahulugan na "hininga" o "daloy ng hangin" hindi bios (o buhay). Nangangahulugan ito na ang imahen ng halimaw ay may kakayahan na ipahayag ang mensahe ng antikristo at ng bulaang propeta. Hindi lamang bilang tagapagsalita para sa kanila, hahatulan din ng imahen ng kamatayan ang mga tatangging sumamba sa bulaang propeta at sa antikristo. Sa makabagong mundo ng teknolohiya ngayon, hindi mahirap isipin ang ganitong senaryo.

Kung sinuman ang bulaang propetang ito, magiging napakalawak ng kanyang pandaraya at ng pagtalikod sa Diyos ng buong sangkatauhan sa kanyang pagdating. Ang mga bulaang guro at bulaang propeta sa panahon ngayon ay palatandaan ng paparating na antikristo at bulaang propeta at hindi tayo dapat padaya. Napakarami na ng mga bulaang guro at propeta sa ngayon at sila ang palatandaan ng nalalapit na paghahari ni satanas. Kailangan nating ipangaral ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo ng buong katapatan upang makaranas ng kaligtasan ang mga mga tao sa paparating na pandaigdigang kapahamakan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang bulaang propeta sa katapusan ng panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries