Tanong
Ano ang ibig sabihin na nabubuhay tayo sa isang mundo na bumagsak sa kasalanan?
Sagot
Ang salitang “bumagsak” ay ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang isang tao o isang bagay na naging imoral o naging masama. Inilarawan ang Israel na “bumagsak” (Amos 5:2), gayundin ang mga anghel (Isaias 14:12; Pahayag 12:4) at ang sangkatauhan mula sa kanyang kaluwalhatian (1 Pedro 1:24). Ang bawat isa sa mga nabanggit ay bumagsak mula sa mabuting kalooban ng Diyos, bumagsak sa kasalanan, at dahil doon, bumagsak sa ilalim ng makatuwirang poot ng Diyos. Ang mga nasa kalagayan ng pagbagsak ay nagdaranas ng nakakahiya at nakamamatay na espiritwal, moral, at sosyal na konsekwensya ng pagiging makasalanan.
May ilang mga talata sa Bibliya kung saan tinutukoy ang uring ito ng pagbagsak: Binalaan ang mga tagasunod ni Cristo sa 1 Corinto 10:12, “Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal!” Ang pagbagsak sa kasalanan ay kasalungat ng paglago sa katuwiran. Sa Pahayag 2:5, sinabi ni Jesus sa iglesya sa Efeso na iniwan na nito ang kanyang unang pag-ibig: “Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan.”
Ang buong sangkatauhan ay bumagsak:
• Mula sa pakikipagkaibigan sa Diyos patungo sa mapagmataaas na pakikipaghiwalay at paglaban sa Kanya; at iniwan tayo ng pagbagsak natin sa kasalanan na nagkakasakit at namamatay sa bawat bahagi ng ating personalidad at katawan (Genesis 2:16; 3:2–19; Exodo 15:26; Deuteronomio 30:15–20)
• Mula sa buong repleksyon ng Kanyang wangis patungo sa isang nabasag, at pilipit na imahe na pinagdudusahan ang resulta ng ating pagbagsak (Genesis 6:5; Mateo 15:19; Roma 1:14—2:16; Roma 3:9–20)
• Mula sa isang maligayang pagsunod sa mga utos ng Diyos para magampanan ang disenyo Niya sa atin patungo sa isang walang batas na rebelyon at patuloy na kabiguan at digmaan sa bawat antas ng sosyedad (Genesis 3:14–16; Santiago 4:1–10)
• Mula sa kagandahan, kapayapaan, at kasiglahan ng makadiyos na pamilya patungo sa basura ng pagkalito sa sekswalidad, away sa pamilya, at kawalan ng direksyon sa buhay (Genesis 3:16; Roma 1:14—2:16; Galacia 5:19–21)
• Mula sa pamamahala bilang mga katiwala ng Diyos sa mundo patungo sa isang makasariling pagsasamantala sa lupa at kalikasan na nagbubunga sa mga kalamidad (Genesis 3:17–19; Mangangaral 5:8–17; Ageo 1:6)
• Mula sa kaalaman sa mga katotohanan ng Diyos patungo sa kadiliman ng kamangmangan at kalituhan ng makasalanang pagiisip (Genesis 2:17; Kawikaan 1—31; Hukom 1—21; Roma 1:28)
Ang mabuhay sa isang “bumagsak” na mundo ay nangangahulugan na nakikipaglaban tayo sa kasalanan araw-araw. Nakakaranas tayo ng sakit at sama ng loob. Nasasaksihan natin ang mga natural na kalamidad, at nakakapanlumong kawalan. Tila naghahari ang kawalan ng katarungan, kalupitan at kasinungalingan. Pangkaraniwan na lamang ang hindi pagkakasundo at kaguluhan. Wala sa mga ito ang orihinal na plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Bumagsak tayo mula sa ating orihinal na posisyon sa Hardin ng Eden. Nabubuhay tayo ngayon sa isang bumagsak na mundo, at ang lahat sa sangnilikha ay nasa ilalim ng konsekwensya ng ating kasalanan (Roma 8:22).
Ang Mabuting Balita ay hindi nais ng Diyos na dumaing tayo magpakailanman. Sa pamamagitan ni Jesu Cristo, isinasaayos ng Diyos ang Kanyang sangnilikha:
• Pinapanumbalik Niya ang ating pakikipagkaibigan sa Kanya sa pamamagitan ni Jesu Cristo at binibigyan tayo ng buhay na walang hanggan (Juan 10:10; 15:15; Roma 3:21–31; 5:1–11; 6:1–14; 8:1–4; 8:22–23; 1 Corinto 15:26; Efeso 1:3—2:22; Colosas 1:15–22)
• Pinapanumbalik Niya ang repleksyon ng Kanyang wangis sa atin sa pamamagitan ni Jesu Cristo (Roma 8:28–32; 1 Corinto 6:11)
• Pinapanumbalik Niya ang ating tungkulin para sa isang buhay na kasiya-siya kay Kristo Jesus, na nagreresulta sa tunay na kapayapaan at kasaganaan (Mateo 5—7; Efeso 5:15–21; Santiago 2:8)
• Pinapanumbalik Niya ang Kanyang disenyo para sa pamilya sa pamamagitan ni Jesu Cristo (Lukas 1:17; 1 Corinto 6:11; Efeso 5:21—6:4; Colosas 3:18–21)
• Pinapanumbalik Niya ang tamang pamamahala ng tao sa pangangalaga sa nilikha ng Diyos (Roma 8:18–21)
Ipinangako ni Jesu Cristo ang Kanyang pagbabalik at sa Kanyang pagdating, tatapusin Niya ang Kanyang pagsasaayos sa lahat ng bagay magpakailanman (Isaias 2:2–4; 25:6–9; 65:17–25; Pahayag 20—22). Huwag mong tanggihan ang huling imbitasyon ng Diyos sa lahat ng makasalanan: “Lumapit kayo sa Akin!” (Pahayag 22:17). Ang lahat ng tunay na lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo ay Kanyang papapanumbalikin.
English
Ano ang ibig sabihin na nabubuhay tayo sa isang mundo na bumagsak sa kasalanan?