Tanong
Kung ang mabuntis ng lalaki ang kanyang kasintahang babae, dapat ba silang magpakasal?
Sagot
Ang pagtatalik bago ang kasal ay karaniwan na lamang sa ating kultura hanggang sa punto na ito ay inaasahan na sa isang relasyon at maraming nagsasabing Kristiyano ang nagaakalang hindi ito isang kasalanan. Ipinagpapalagay ng ating kultura na walang kakayahan ang tao kontrolin ang saril upang magpigil sa pakikipagtalik hanggang hindi nagaganap ang kasalan, kaya ang ideya ng paghihintay hanggang matapos ang kasal ay hindi na makatotohanan. Gayunman, hindi nagbabago ang Salita ng Diyos at sinasabi nito sa atin na ang pagtatalik bago ang kasal ay isang kasalanan (Mateo 15:19; 1 Corinto 6:9, 6:13, 7:2; 2 Corinto 12:21; Galacia 5:19; Efeso 5:3).
Ang sinuman na isinilang na muli sa pamamagitan ng paglalagak ng pagtitiwala at pananampalataya kay Kristo ay hindi na pagaari ang kanyang sarili. Sinasabi sa 1 Corinto 6:18-20, “Huwag kayong makikiapid. Sa alinmang ibang kasalanan na ginagawa ng tao, iba ang napipinsala, ngunit sa pakikiapid, sariling katawan ang kanyang pinipinsala. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.”
Ang pagbalewala sa plano ng Diyos sa pagaasawa, pagtatalik at pamilya ay laging nagreresulta sa mga sumusunod na konsekwensya: pagpighati sa Banal na Espiritu (Efeso 4:30), paguusig ng budhi, kahihiyan, pagsisisi, pagkawala ng respeto sa sarili at sa iba, alitan sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya at kapwa mananampalataya, hindi magandang patotoo, sakit ng kalooban ng magiging asawa, hindi inaasahang pagdadalang tao, aborsyon, at sakit na nakakahawa sanhi ng pakikipagtalik. Ang intensyon ng Diyos sa pagtatalik ay upang maging ekspresyon ito ng pag-ibig at pagtatalaga na ibinabahagi lamang sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae. Ang pakikipagtalik dahilan lamang sa kasiyahang idinudulot nito ay sumisira sa espiritwalidad at sumisira sa ating relasyon sa Diyos.
Ang sinuman na nagkasala ng pakikipagtalik sa hindi asawa ay maaaring mapatawad maging dahilan man ito ng hindi inaasahang pagbubuntis. Sinasabi sa 1 Juan 1:9, “Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid.” Hindi ito nangangahulugan na papawiin Niya ang konsekwensya ng ating kasalanan, ngunit maaaring maibalik ang ating relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kasalanan at paghingi ng tawad sa Kanya. Nangangahulugan ito na tatalikod tayo sa ating mga kasalanan at itatalaga ang ating sarili sa pag-ibig at paglilingkod kay Kristo.
May mga kaso kung saan ang pagpapakasal bago isilang ang sanggol ay isang matalinong desisyon, kung ang magkasintahan ay talagang nagpaplano ng magpakasal bago mabuntis ang babae. Magiging madali para sa magkasintahan na nagtalaga na ng sarili sa isa’t isa at sa isisilang na bata na magpakasal bago pa isilang ang kanilang anak. Ngunit kung ang magkasintahan ay hindi pa handang magtalaga ng sarili sa isa’t isa at hindi pa handang lumagay sa tahimik, hindi maitatama ng pagpapakasal ang kanilang kasalanan sa mata ng Diyos. Sa ganitong sitwasyon, ang pagpapakasal ay maaari lamang humantong sa bigong buhay may asawa. Hindi itinuturo ng Bibliya na magpakasal ang magkatipan sa ganitong mga pagkakataon bagama’t dapat na obligado ang mga magulang na suportahan ang kanilang magiging anak sa emosyonal, espiritwal at pinansyal.
Walang sinuman sa atin ang magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng gawa. Naligtas tayo sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiwala sa pagliligtas sa atin ni Hesu Kristo mula sa ating mga kasalanan. Sinasabi sa Roma 6:23 “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.” Hindi nais ng Diyos na sikapin nating itama ang ating mga pagkakamali sa pamamagitan ng ating sariling lakas. Sa halip, nais Niyang ipagkaloob natin sa Kanya ang ating mga puso. Sa pamamagitan ng pagsusuko ng ating sariling kalooban at pagpapasakop sa ating makapangyarihang Diyos, makatitiyak tayo na magaganap Niya ang layunin Niya sa ating mga buhay dito sa lupa hanggang sa dumating tayo sa isang lugar na inihanda Niya para sa atin sa langit, doon sa walang hanggan.
English
Kung ang mabuntis ng lalaki ang kanyang kasintahang babae, dapat ba silang magpakasal?