settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan?

Sagot


Ang kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan ay ang ideya na ang buong pamilya ay maaaring maligtas na lahat. Ang kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan ay maaaring maganap sa pamamagitan ng pananampalataya ng pinuno ng pamilya. Kung ang isang ama o pinuno ng tahanan ay magdeklara na siya ay isang Kristiyano, dahil sa kanyang pangunguna sa kanyang pamilya, ang mga miyembro ng kanyang pamilya/sambahayan ay natural na magiging mga Kristiyano, base sa desisyon ng ama o ng pinuno ng pamilya. Ayon sa konseptong ito, inililigtas ng Diyos ang isang buong pamilya/sambahayan, hindi lamang ang indibidwal na nagpapahayag ng pananampalataya.

Ang tamang pangunawa sa katuruan ng Bibliya tungkol sa kaligtasan ng isang buong pamilya ay dapat na magsimula sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaligtasan sa pangkalahatan. Alam natin na may isa lamang daan sa kaligtasan at iyon ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo (Mateo 7:13-14; Juan 6:67-68; 14:6; Gawa 4:12; Efeso 2:8). Alam din natin ang utos na sumampalataya ay iniuutos sa mga indibidwal at ang pananampalataya ay isang personal na desisyon. Kaya nga, ang kaligtasan ay dumarating lamang sa isang indibidwal na personal na sumasampalataya kay Hesus. Ang pananampalataya kay Kristo ay isang bagay na hindi maaaring gawin ng isang ama o pinuno ng pamilya para sa kanyang mga anak. Ang katotohanan na sumasampalataya kay Kristo ang isang miyembro ng pamilya ay hindi naggagarantiya na ang ibang miyembro ng pamilya ay sasampalataya din kay Kristo.

Itinuro ng Panginoong Hesu Kristo na kadalasang nagiging dahilan ng pagkakahati-hati ng pamilya ang Ebanghelyo. Sinabi ni Hesus sa Mateo 10:34-36, “Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak. Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae: At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.” Ang mga pananalitang ito ni Hesus ang nagpapawalang bisa sa konsepto ng kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan.

Kung indibidwal na naliligtas ang tao, paano natin ngayon ipapaliwanag ang mga talata sa Bibliya na tila naglalaman ng pangako ng kaligtasan para sa isang buong pamilya? Paano natin pagkakasunduin ang pangangailangan ng indibidwal na manampalataya upang makaranas ng kaligtasan sa mga talata sa Bibliya gaya ng Gawa 11:14? Sa talatang ito, pinangakuan ni Pedro si Cornelio na maliligtas ang kanyang buong sambahayan. Una sa lahat, gaya ng ibang mga talata sa Bibliya, dapat muna nating malaman ang uri ng aklat kung saan matatagpuan ang pangakong ito. Sa talatang ito na matatagpuan sa aklat ng mga Gawa, ito ay isang salaysay tungkol sa isang aktwal na pangyayari. Ang prinsipyo patungkol sa kasaysayan ng Bibliya ay walang isang pangyayari sa kasaysayan na awtomatikong mailalapat sa lahat ng sitwasyon. Halimbawa, binunot ni Samson ang tarangkahan ng isang siyudad ng Gaza at dinala iyon sa isang burol (Hukom 16:3), ngunit hindi ito nangangahulugan na kung magpapatubo tayo ng mahabang buhok ay kaya din nating gawin ang kanyang ginawa. Sa Gawa 11, ang katotohanan na ipinangako ng Diyos kay Cornelio ang kaligtasan ng kanyang buong sambahayan ay nangangahulugan na mangyayari din ang parehong pangako sa lahat ng sambahayan sa lahat ng panahon. Sa ibang salita, ang Gawa 11:14 ay isang partikular na pangako sa isang partikular na tao sa isang partikular na panahon. Dapat tayong maging maingat sa pangunawa sa mga pangako ng Diyos sa Bibliya at huwag nating ipagpalagay na iyon ay para sa lahat ng tao; dapat silang unawain ayon sa partikular na sitwasyon sa kasaysayan.

Ikalawa, mahalagang malaman kung paanong tinupad ng Diyos ang kanyang pangako kay Cornelio. Sa Gawa 10, pinatuloy ni Cornelio si Pedro sa kanyang bahay at sinabi, “Narito kaming lahat” (Gawa 10:33). Sa ibang salita, tinipon ni Cornelio ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya upang makinig sa ipapangaral ni Pedro. Nakarinig silang lahat ng Ebanghelyo, sumampalataya at nabawtismuhan (Gawa 11:15-18). Ito ang eksaktong ipinangako ng Diyos kay Cornelio. Naligtas ang buong sambahayan ni Cornelio hindi dahil sumampalataya si Cornelio kundi dahil sumampalataya ang bawat miyembro ng kanyang pamilya kay Hesu Kristo.

Ang isa pang talata na may parehong pangako ng kaligtasan para sa isang buong pamilya ay ang Gawa 16:31. Sa talatang ito, tinanong ng bantay-bilanggo sa Filipos si Pablo at Silas, “Mga Ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Sumagot ang mga misyonero, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan.” Muli, ang pangakong ito ay ibinigay sa isang partikular na indibidwal sa isang partikular na konteksto; gayunman, ang isang ito ay naglalaman ng karagdagang pangako na malinaw na para sa pangkalahatan at nasasakop ang lahat ng panahon at konteksto. Ang pangakong ito ay hindi para sa kaligtasan ng isang buong sambahayan kundi sang-ayon sa lahat ng mga talata ng Bibliya patungkol sa kaligtasan. Ito ay ang pangako na kung sasampalataya ka sa Panginoong Hesus, “maliligtas ka.” Gayundin, dumating ang kaligtasan sa pamilya ng bantay-bilanggo bilang resulta ng kanilang pakikinig sa Salita ng Diyos at indibidwal silang tumugon sa pamamagitan ng pananampalataya: “At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay” (Gawa 16:32). Nakapakinig ang buong pamilya ng bantay-bilanggo ng mensahe ng Ebanghelyo. Naligtas silang lahat, gaya ng ipinangako ng Diyos, ngunit ang kanilang kaligtasan ay hindi dahil kabilang sila sa pamilya ng bantay-bilanggo; naligtas sila dahil ang bawat isa sa kanila ay sumampalataya sa Ebanghelyo.

Ang ikatlong talata sa Bagong Tipan na ginagamit ng iba upang ituro ang kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan ay ang 1 Corinto 7:14: “Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal.” Tila itinuturo ng talatang ito na ang asawang hindi mananampalataya ay maliligtas dahil sa pananampalataya ng kanyang asawa. Tila itinuturo din nito na ang kanilang mga anak ay nagiging banal sa harapan ng Diyos dahil ang isa sa kanilang mga magulang ay ligtas. Ngunit ang konklusyong ito ay salungat sa pangkalahatang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaligtasan. Sa talatang ito, ang salitang pinabanal ay hindi tumutukoy sa kaligtasan o sa pagiging banal sa harapan ng Diyos. Sa halip, tumutukoy ito sa kabanalan ng pagaasawa. Itinuro ni Pablo na hindi dapat na makipamatok ang isang Kristiyano sa isang hindi mananampalataya (2 Corinto 6:14). Natatakot ang ibang mga mananampalataya sa Corinto na kung kasal sila sa isang hindi mananampalataya, namumuhay sila sa kasalanan – at ang kanilang pagaasawa ay “hindi banal” at ang kanilang mga anak ay hindi kinikilala ng Diyos. Pinawi ni Pablo ang kanilang takot: ang mga mananampalataya na kasal sa mga hindi mananampalataya ay dapat na manatili sa kani-kanilang asawa hanggat hindi nakikipaghiwalay sa kanila ang kanilang asawang hindi mananampalataya. Hindi sila dapat makipaghiwalay; ang kanilang pagsasama ay pinaging banal (banal o ibinukod sa mata ng Diyos) base sa pananampalataya ng asawang mananampalataya. Gayundin naman, ang kanilang mga anak ay lehitimo sa paningin ng Diyos.

Ang katotohanan na ang 1 Corinto 7:14 ay hindi tungkol sa kaligtasan ng isang buong sambahayan ay makikitang malinaw sa katanungan ni Pablo sa 1 Corinto 7:16: “Sapagka't paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa?” Kung totoong ligtas na ang asawang hindi mananampalataya dahil sa pananampalataya ng kanyang asawa; hindi na sana sinabi ni Pablo na maaaring mailigtas ang isa sa kanila.

Hindi ipinangako ng Bibliya ang kaligtasan para sa isang buong pamilya/sambahayan dahil sa pananampalataya ng isang miyembro nito. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang isang Kristiyanong ama o ina ay walang malakas na impluwensyang espiritwal sa kanyang mga anak sa pamilyang iyon. Ang isang pinuno ng sambahayan ang “nagtatakda” sa direksyon ng isang pamilya sa maraming kaparanaan, kabilang ang mga bagay na espiritwal. Dapat tayong umasa, manalangin at gumawa para sa ikaliligtas ng ating buong pamilya. Maraming beses na ang Diyos ni Abraham ay naging Diyos ni Sara at naging Diyos din ni Isaac at naging Diyos ni Jacob. Gaya ng sinabi ni Charles Spurgeon, “bagamat hindi dumadaloy sa dugo ang biyaya ng Diyos. At ang kapangakang muli ay hindi sa pamamagitan ng dugo o likas na kapangakanan, ngunit sa maraming pagkakataon, ang Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa isang miyembro ng pamilya, ay inilalapit ang iba pang miyembro ng pamilya sa Kanyang sarili. Tinatawag niya ang isang indibidwal, at pagkatapos ay ginagamit ang indibidwal na iyon upang maging espiritwal na gabay upang akayin ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya patungo sa Ebanghelyo.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaligtasan ng isang buong pamilya/sambahayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries