settings icon
share icon
Tanong

Posible ba na ang pangalan ng isang tao ay mabura sa Aklat ng Buhay?

Sagot


Sinasabi sa Pahayag 22:19, "At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito." Ang talatang ito ay kadalasang binabanggit sa mga debate patungkol sa seguridad ng kaligtasan. Ang ibig bang sabihin ng Pahayag 22:19 ay, matapos na maisulat ang pangalan ng isang tao sa Aklat ng Buhay ng Kordero, ito ay maaaring mabura anumang oras sa hinaharap? Sa madaling salita, nawawala ba ang kaligtasan ng isang Kristiyano?

Una, malinaw sa Banal na Kasulatan na ang tunay na mananampalataya ay may ganap na kasiguraduhan sa kapangyarihan ng Diyos, tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos (Mga taga-Efeso 4:30), at ang lahat na ibinigay ng Ama sa Anak, ay hindi maiwawala (Juan 6:39). Ipinahayag ng Panginoong Hesu Kristo, "At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa Aking kamay. Ang Aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kaysa lahat; at hindi sila maaagaw ninuman sa kamay ng Ama." (Juan 10:28-29). Ang Kaligtasan ay gawa ng Diyos, hindi sa atin (Tito 3:5), at ang Kanyang Kapangyarihan ang nagpapanatili sa atin.

Kung ang "sinuman" sa Pahayag 22:19 ay hindi mananampalataya, sino sila? Samakatwid, sino ang maaaring magnais na magdagdag o magbura mula sa Bibliya? Malamang, ang pagbabago o pakikialam sa Salita ng Diyos ay hindi gagawin ng isang tunay na mananampalataya kundi ng mga nagsasabing sila ay Kristiyano at ipinapalagay na ang kanilang pangalan ay nasa Aklat ng Buhay. Sa pangkalahatan, ang dalawang grupo na karaniwang iniiba ang pakahulugan ng Aklat ng Pahayag ay ang mga tinatawag na "pseudo-Christian cults" at ang mga nanghahawak sa mga liberal na paniniwala. Maraming kulto at mga liberal ang nagaangkin na sila ay kay Kristo, ngunit hindi "isinilang na muli" - ang biblikal na pakahulugan para sa isang Kristiyano.

May ilang mga halimbawa na makikita sa Bibliya ng mga taong inakala na sila ay mananampalataya ngunit napatunayang hindi pala tunay na mananampalataya. Sa Juan 15, inahalintulad sila ni Hesus sa mga sanga na hindi nanatili sa Kanya, na Siyang tunay na Puno ng Ubas, at hindi nagbubunga. Malalaman na sila ay hindi sa Panginoon dahil "sa kanilang bunga ay makikilala sila" (Mateo 7:16, 20); ang mga tunay na alagad ay magpapamalas ng mga bunga ng Banal na Espiritu na nananahan sa kanila (Galacia 5:22). Sa 2 Pedro 2:22, ang mga bulaan ay inihalintulad sa aso na nagbabalik muli sa kaniyang sariling suka, at tulad sa baboy na naglulublob muli sa pusali pagkatapos paliguan. Ang hindi nagbubungang mga sanga, ang aso, at baboy ay sumisimbolo sa mga nagsasabing sila ay may kaligtasan ngunit walang inaasahan kundi ang kanilang sariling katuwiran, hindi ang katuwiran ni Kristo na tunay na nakapagliligtas.

Sadyang nakapagdududa na ang mga nagsisi sa kanilang mga kasalanan at mga isnilang na muli ay sasalangsang sa Salita ng Diyos" at magdadagdag dito o magbabawas. Bagamat kinikilala natin na kahit ang mga tao na nagtitiwala sa kanilang kabutihan para maligtas ay iba ang pagpapaliwanag sa mga tekso ng Bibliya, makikita natin kung paanong ang mga kulto at liberal ay paulit-ulit na ginagawa ang pagdadagdag at pagbabawas sa Salita ng Diyos. Maiintindihan natin ang babala ng Diyos sa Pahayag 22:19 sa ganitong paraan: ang sinoman na magbago sa napakahalagang mensaheng ito ay matutuklasan na hindi siya isinulat ng Diyos sa Aklat ng Buhay, at hindi makakarating sa Banal na Lugar, at hindi makakamtan ang kaniyang inaasahang mabubuting bagay na ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Sa isang lohikal na pananaw, paanong ang Diyos na makapangyarihan at nakakaalam ng lahat - Siya na simula at wakas (Isaias 46:10)" ay susulat ng pangalan sa Aklat ng Buhay kung alam Niya na buburahin niya rin ito pagkatapos na ang kanyang isinulat ang pangalan doon ay tumalikod at itanggi ang pananampalataya? Bukod pa rito, ang pagbabasa ng babala na ito sa tamang kontekso sa kabuuan ng talata kung saan ito nasusulat (Pahayag 22:6-19) ay malinaw na nagpapakita nananatili ang mensahe ng Diyos: ang mga nagsipanatili lamang ng Kanyang babala, nagsisi, at nabuhay na muli ang mga may mabuting aasahan sa walang hanggan. Ang lahat maliban sa mga ito, nakalulungkot man, ay may naghihintay na kakila-kakilabot at nakatatakot na hinaharap.

Ang Pahayag 3:5 ay isa pang talata na malimit na ginagamit sa usaping ito. "Ang magtagumpay ay hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay." Ang "magtatagumpay" na binabanggit dito ay ang mga tunay na Kristiyano. Ikumpara natin ito sa 1 Juan 5:4: "Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanglibutan." At sa talata 5: "At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Hesus ay anak ng Diyos?" (Tingnan din ang 1 Juan 2:13.) Lahat ng mananampalataya ay "mapagtagumpay" sapagkat kanilang nadaig ang kasalanan at hindi pinaniniwalaan ang sanlibutan.

Nakikita ng iba ang Pahayag 3:5 bilang larawan na ang Diyos ay may panulat at handang magbura ng pangalan ng sinomang Kristiyano na magkakasala. Binabasa nila ito ng ganito: "Kung ikaw ay magkasala at hindi magtagumpay, samakatuwid ay mawawala ang iyong kaligtasan! Sa katunayan buburahin ko ang iyong pangalan sa Aklat ng Buhay!" Ngunit HINDI ito ang sinasabi ng talata. Ibinibigay dito ni Hesus ang Kanyang pangako, hindi isang babala.

Wala saan man sa Kasulatan na sinasabi na nagbubura ang Diyos ng pangalan ng mananampalataya sa Aklat ng Buhay; wala kailan mang babala na Kanya itong pinag-isipan! Ang napakagandang pangako sa Pahayag 3:5 ay wala ni isang pangalan na buburahin ang Panginoong Hesus. Tinutukoy dito ang mga "mapagtagumpay" - lahat ng mga tinubos sa pamamagitan ng dugo ng Kordero. Ibinigay ni Hesus ang Kanyang panagko na hindi Niya buburahin ang kanilang mga pangalan. Kanyang pinagtibay na sa sandaling ang pangalan ay nakasulat na, naroroon na ito magpakailanman. Ito ay batay sa katapatan ng Diyos.

Ang pangako ng Pahayag 3:5 ay para sa mga mananampalataya, na may kasiguraduhan sa kanilang kaligtasan. Sa kabilang banda, ang babala sa Pahayag 22:19 ay para sa mga hindi mananampalataya, na mas nanaising baguhin ang kanilang puso patungkol sa Diyos na sinisikap na baguhin ang Salita ng Diyos ayon sa kanilang kagustuhan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba na ang pangalan ng isang tao ay mabura sa Aklat ng Buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries