Tanong
Ano ang Calvinism (Calvinismo) at naaayon ba ito sa Bibliya? Ano ang limang puntos ng Calvinism?
Sagot
Ang limang puntos ng Calvinism (Calvinismo) ay mabubuod sa pamamagitan ng acronym na TULIP. Ang T ay kumakatawan sa Total depravity o ganap na kawalan ng kakayahan ng tao na iligtas ang sarili, U para sa unconditional election o walang kundisyong pagpili ng Diyos, L para sa limited atonement o limitadong pagtubos, I para sa irresistible grace o hindi natatanggihang biyaya ng Diyos, at P, para sa perseverance of the saints o pagpapatuloy ng mga tunay na ligtas hanggang wakas. Narito ang kahulugan ng limang puntos at mga talatang ginagamit ng mga Calvinists upang ipagtanggol ang kanilang paniniwala:
Total Depravity o radikal na kawalan ng kakayahan ng tao na iligtas ang sarili – Dahilan sa pagbagsak ni Adan sa pagkakasala, naapektuhan nito ang buong sangkatauhan; ang lahat ng tao ay namatay sa espiritu dahil sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Walang kahit anong kakayahan ang tao upang iligtas ang kanyang sarili (Genesis 6:5; Jeremias 17:9; Roma 3:10-18).
Unconditional Election o walang kundisyong pagpili ng Diyos – Dahil patay ang tao sa kasalanan, wala siyang kakayahan na kusang lumapit sa Diyos; kaya nga sa walang hanggang nakalipas, pumili na ang Diyos ng mga taong Kanyang ililigtas. Ang pagpili at pagtatalaga ng Diyos ay walang kundisyon; hindi ito dahil sa pagtugon ng tao (Roma 8:29-30; 9:11; Efeso 1:4-6, 11-12) dahil hindi kayang tumugon ng tao sa Diyos sa kanyang sariling kakayahan bukod sa ayaw niya talagang tumugon sa Diyos.
Limited Atonement o limitadong pagtubos – Dahil pinagpasyahan ng Diyos na ang Kanyang mga pinili lamang ang maliligtas ayon sa Kanyang walang kundisyong pagpili, Kanyang ipinasya na mamatay si Kristo para lamang sa Kanyang mga pinili. Ang lahat ng pinili ng Diyos na kinamatayan ni Kristo at tiyak na maliligtas (Mateo 1:21; Juan 10:11; 17:9; Gawa 20:28; Roma 8:32; Efeso 5:25).
Irresistible Grace o hindi natatanggihang biyaya ng Diyos – Palalapitin ng Diyos ang Kanyang mga pinili sa sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang hindi natatanggihang biyaya. Ang Diyos ang nagbibigay sa tao ng kagustuhan na lumapit sa Kanya. Kaya’t kung tatawagin ng Diyos ang Kanyang pinili, tiyak na tutugon iyon (Juan 6:37, 44; 10:16).
Perseverance of the Saints o pagpapatuloy ng mga tunay na ligtas hanggang wakas – Ang mga taong pinili ng Diyos bago pa lalangin ang sanlibutan at inilapit ng Diyos sa Kanyang sarili ay magpapatuloy sa kanilang pananampalataya hanggang wakas. Wala isa man sa mga pinili ng Diyos ang mawawala ang kaligtasan; sila ay ligtas magpakailan pa man (Juan 10:27-29; Roma 8:29-30; Efeso1:3-14).
Bagama’t ang lahat ng katuruang ito ay may basehan sa Bibliya, marami ang tinatanggihan ang lahat kung hindi man ang ilan sa mga puntos na ito. Tinatanggap ng mga tinatawag na “four-point Calvinists” ang Total Depravity, Unconditional Election, Irresistible Grace, at Perseverance of the Saints. Ang tao ay ganap na makasalanan at hindi kayang sumampalataya sa Diyos sa Kanyang sariling kakayahan. Pinili ng Diyos ang sariling Kanya ayon sa Kanyang mabiyayang kalooban – hindi ayon sa anumang gawa na Kanyang nakita sa taong Kanyang pinili. Ang lahat ng pinili ng Diyos ay lalapit sa Kanya sa pananampalataya at ang lahat ng mga tunay na isinilang na muli ay magpapatuloy sa kanilang pananampalataya hanggang wakas. Gayunman tungkol sa limitadong pagtubos o limited atonement, naniniwala ang mga four-point Calvinists na para sa lahat ng tao ang pagtubos ni Kristo, hindi lamang para sa Kanyang mga pinili “Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao” (1 Juan 2:2). Ang iba pang mga talata na sumasalungat sa limitadong pagtubos ay ang Juan 1:29; 3:16; 1 Timoteo 2:6; at 2 Pedro 2:1.
Sa kabilang banda may nakikitang problema ang mga five-point Calvinists sa mga four-point Calvinists. Una, ikinakatwiran nila na kung totoo ang ganap na kawalang kakayahan ng tao na lumapit sa Diyos, hindi totoo ang pagtubos para sa lahat ng tao dahil kung namatay si Hesus para sa kasalanan ng bawat tao, lalabas na ang kamatayan ni Kristo ay nakadepende sa pagtanggap ng tao kay Kristo. Ngunit gaya ng aming pagpapakahulugan sa ganap na kawalang kakayahan ng tao, sa kanyang likas na kalagayan, wala anumang kapasidad ang tao na piliin ang Diyos o kagustuhan man na lumapit sa Diyos. Bilang karagdagan, kung totoo ang pagtubos ng Diyos sa lahat ng tao, puno kung gayon ang impiyerno ng mga taong kinamatayan ni Kristo. Ibinuhos Niya kung gayon ang Kanyang dugo ng walang kabuluhan para sa kanila. Para sa mga 5 point Calvinists, hindi nila ito kayang pagkasunduin. Pakatandaan lamang: Ang artikulong ito ay isang maiksing pagbubuod lamang ng limang puntos ng Calvinism. Para sa mas malalimang pagtalakay, mangyaring bisitahin ang aming mga sumusunod na pahina: Total Depravity, Unconditional Election, Limited Atonement, Irresistible Grace, at Perseverance of the Saints.
Ano ang Calvinism (Calvinismo) at naaayon ba ito sa Bibliya? Ano ang limang puntos ng Calvinism?