Tanong
Sino ang mga Cananeo?
Sagot
Ang mga Cananeo ay isang grupo ng sinaunang tao na nanirahan sa Silangang baybayin ng Dagat Mediteraneo. Inilarawan sa Bibliya na ang hangganan ang Canaan ay mula sa Lebanon hanggang sa ilog ng Ehipto sa Timog at sa Kapatagan ng ilog Jordan sa Silangan. Sa Bibliya, partikular sa Genesis 10 at mga Bilang 34, tinatawag ito na "lupain ng Canaan" at nasasakop ang parehong lugar na inookupahan ng modernong Lebanon at Israel, at ilang bahagi ng Jordan at Siria.
Binanggit ang mga Cananeo sa Bibliya ng mahigit sa 150 beses. Sila ay masasama, sumasamba sa mga diyus-diyusan at mga taong nagmula sa apo ni Noe na si Canaan, na anak ni Ham (Genesis 9:18). Sinumpa si Canaan dahil sa kanyang kasalanan at kasalanan ng kanyang ama laban kay Noe (Genesis 9:20–25). Sa ilang mga talata, ang mga Cananeo ay partikular na tumutukoy sa mga taong naninirahan sa dalisdis at kapatagan ng Canaan (Josue 11:3). Sa ibang mga talata, ang salitang Cananeo ay ginagamit ng mas malawak para tukuyin amg lahat ng naninirahan sa lupain kabilang ang mga Heveo, Gergaseo, Jebuseo, Amoreo, Heteo at Perezeo (tingnan ang Hukom 1:9–10).
Ang lupain ng Canaan ay ang lupaing ipinangako ng Diyos na Kanyang ibibigay kay Abraham at sa kanyang mga inapo (Genesis 12:7). Inilarawan sa Bibliya ang mga Cananeo bilang matatangkad at mababangis na tao na hindi madaling matalo, kaya kinakailangan ng mga Israelita ang tulong ng Diyos para magwagi laban sa kanila at maagaw sa kanila ang lupain. Ipinangako ng Diyos kina Moises at Josue ang Kanyang tulong para magawa ito (Josue 1:3).
Pagkatapos ng kanilang pag-alis sa Ehipto, ng sabihin ng Panginoon kay Moises na sakupin ang Canaan, nagsugo si Moises ng isang grupo ng mga espiya sa lupain ng Canaan para tingnan kung anong klase ng mga tao ang naninirahan doon. Bumalik ang mga espiya na may parehong maganda at nakakapanghinang ulat. Ang bunga ng lupain ay malalaki —kinailangan ang dalawang lalaki para lamang madala ang isang buwig ng ubas (Bilang 13:23)—at ang lupain ay masagana sa lahat ng paraan. Gayunman, ang mga Cananeo ay malalakas at ang mga siyudad ay malalaki at matitibay. Gayundin, nakakita ang mga Israelitang espiya ng mga higante na kanilang inilarawan bilang Nefilim na buhat sa angkan ni Anak (Bilang 13:28, 33)—kumpara sa mababangis na taong ito, sila ay tulad lamang sa mga "tipaklong" (talata 33). Sa huli, sobrang natakot ang mga Israelita anupa't tumanggi silang pumasok sa lupain na ipinangako sa kanila ng Diyos. Tanging sina Caleb at Josue lamang ang may lakas ng loob at nagsabing tutulungan sila ng Diyos na talunin ang mga Cananeo. Dahil sa kanilang kawalan ng pagtitiwala sa Diyos, ang henerasyong iyon ng mga Israelita ay hindi pinapasok ng Diyos sa Canaan maliban kina Caleb at Josue (Bilang 14:30-35).
Pagkamatay ni Moises, tinawag ng Diyos si Josue para pangunahan ang Kanyang bayan sa Ilog Jordan at sa pagpasok sa Lupang Pangako. Ang unang siyudad na kanilang kakalabanin ay ang siyudad ng Jericho, isang siyudad ng mga Cananeo na may matibay na moog. Sumampalataya si Josue sa Diyos at sinabi sa mga tao na palalayasin nila ang mga Cananeo mula sa lupain upang kanilang maangkin ang lupain ng Canaan (Josue 3:10). Ang pagbagsak ng moog ng Jericho ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari dahil ang Diyos ang ang nagwasak sa siyudad na iyon (Josue 6). Ang tagumpay na ito ay isang tanda sa mga Israelita at mga Cananeo na ibinigay na ng Diyos ang lupain ng Canaan sa mga Israelita.
Sa kabila ng mahabang panahon ng kampanya ng mga Israelita laban sa mga Cananeo, may natira pa ring ilang lugar ng mga Cananeo sa Israel pagkatapos na hatiin ang lupain sa ladindalawang tribo (Hukom 1:27–36). Ang ilan sa mga Cananeo na nanatili sa Israel ay pinuwersa ng mga Israelita sa sapilitang pagtatrabaho, ngunit marami pa rin sa mga kuta ng mga Cananaeo ang nanatili sa lupain. Ang hindi lubos na pagsunod ng Israel ang dahilan ng pananatili ng mga kutang ito ng mga Cananeo, at naging dahilan ng kaguluhan sa Israel sa buong panahon ng mga Hukom.
English
Sino ang mga Cananeo?