settings icon
share icon
Tanong

Ano ang canon o panukat sa Kasulatan?

Sagot


Ang salitang “canon” ay nagmula sa batas ng panukat na ginagamit upang tiyakin kung ang isang aklat ay nakapasa sa pamantayan upang isama sa Bibliya. Mahalagang malaman na ang mga Aklat ng Bibliya ay may iisang pamantayan ng panahon na sila ay isulat. Ang Kasulatan ay Banal na noon pa man ng dumampi ang panulat ng may akda sa susulatan. Ito ay napakahalaga dahil ang Kristiyanismo ay hindi nagumpisa sa pagbibigay kahulugan sa Diyos, o kay Hesu Kristo o sa kaligtasan. Ang basehan ng Kristiyanismo ay matatagpuan sa awtoridad ng Kasulatan. Kung hindi natin malalaman kung ano ang Kasulatan, hindi natin mapaghihiwalay ang tama at maling teolohiya o mga katuruan patungkol sa Diyos at pananampalataya.

Anong sukatan o pamantayan ang ginamit upang malaman kung aling aklat ang ituturing na kasulatang mula sa Diyos? Ang isang pangunahing talata sa pang-unawa sa proseso at layunin at maging sa panahon ng pagbibigay ng kasulatan ay ang Judas 3, kung saan sinasabi na ang pananampalatayang Kristiyano ay “pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal.” Dahil ipinapaliwanag ng Kasulatan ang ating pananampalataya, sinasabi ni Judas na ang Kasulatan ay ibinigay ng minsan para sa kapakinabangan ng mga Kristiyano. Hindi ba't kahanga-hangang malaman na walang anumang nakatago o nawalang mga kopya at walang lihim na mga aklat na iilang piling tao lamang ang nakaaalam at walang taong nabubuhay na may espesyal na kapahayagan na kailangan pa nating puntahan sa tuktok ng Himalaya upang ating mapagtanungan ng mga bagay tungkol sa Diyos? Maaari tayong magtiwalang ganap na hindi tayo iniwan ng Diyos ng walang ebidensya. Ang mahimalang kapangyarihan ng Diyos sa pagpapasulat ng Bibliya ang Kanya ding ginamit upang panatilihin ito.

Ipinahahayag ng Awit 199:60, na sa kabuuan, ang Bibliya ay katotohanan. Mula sa saligang ito, maaari nating ikumpara ang mga kasulatan sa mga kasulatan na hindi pumasa sa sukatan o canon upang makabilang sa Bibliya upang makita kung papasa sila sa pagsusulit. Isang halimbawa, inaangkin ng Bibliya na si Hesu Kristo ay Diyos (Isaias 9:6-7; Mateo 1:22-23; Juan 1:1, 2, 14 20:28; Gawa 16:31; Filipos 2:5-6; Colosas 2:9; Tito 2:13; Hebreo 1:8; 2 Pedro 1:1). Ngunit maraming mga hindi Biblikal na mga aklat, na inaangkin bilang kasulatan na ang pangangatuwiran ay hindi Diyos si Hesus. Kung may matagpuang malinaw na salungatan, ang Bibliya na naitatag na ang katuruan ang nararapat paniwalaan at ang iba ay dapat na ituring na hiwalay sa Kasulatan.

Sa mga unang siglo ng Iglesya, may mga Kristiyano na ipinapatay dahil sa pagkakaroon ng mga kopya ng Kasulatan. Dahil sa mga paguusig na ito, isang tanong ang lumitaw, “Anong klaseng aklat ang sukat na maaaring ikamatay ng tao para lamang ipagtanggol?” May ilang aklat na maaaring may nakasulat na mga kasabihan ni Hesus ngunit sila ba ay hiningahan din ng Diyos gaya ng sinasabi sa 2 Timoteo 3:16? Ang mga konseho ng Iglesya ay gumanap ng mga tungkulin upang kilalanin sa publiko ang Canon o sukatan ng Kasulatan ngunit madalas, isang tao o isang Iglesya o kaya'y grupo ng mga Iglesya ang kumilala na ang isang aklat ay kinasihan ng Diyos (halimbawa ay ang Colosas 4:16 at 1 Tesalonica 5:27). Mula pa ng unang mga siglo ng Iglesya, kakaunting aklat lamang sa Bibliya ang pinagtalunan kung kasama ba sa Kasulatan o hindi at ang listahan ay nagawa at inaprubahan na noon pang A.D. 303.

Pagdating sa Lumang Tipan, tatlong mahalagang katotohanan ang isinasaalang-alang: 1) Ang Bagong Tipan ay mga sipi mula sa Lumang Tipan o tumutukoy sa bawat Aklat ng Lumang Tipan. 2) Inendorso ni Hesus ang Canon ng Lumang Tipan sa Mateo 23:35, ng Kanyang banggitin ang isa sa mga unang salaysay at ang isa sa mga Aklat ng Kasulatan ng Kanyang panahon. 3) Ang mga Hudyo ay napakamabusisi o metikuloso sa pagpapanatili ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan at nagkaroon lamang ng kaunting kontrobersya kung aling bahagi ng isang Aklat ang dapat isama o hindi dapat isama. Ang Apocrypha ng mga Romano Katoliko ay hindi nakapasa sa ginagamit na panukat upang makasama sa Bibliya at hindi nakaabot sa pamantayan upang tawagin bilang Kasulatan at hindi ito kailanman tinanggap ng mga Hudyo.

Maraming mga tanong tungkol sa kung ano ang mga aklat na kasama sa Bibliya ang mga sinulat sa panahon ni Kristo at ang iba pang aklat kalaunan. Ang unang Iglesya ay may tiyak na pamantayan o panukat upang ang isang aklat ay maituring na bahagi ng Bagong Tipan. Kasama sa mga pamantayang ito ay: Ang sumulat ba ng aklat ay isang taong nakasaksi sa buhay ng Panginoong Hesu Kristo? Nakapasa ba ang aklat sa pagsusulit ng katotohanan? (halimbawa: ang nilalaman ba ng aklat ay sumasang ayon sa ibang mga Kasulatan?). Ang mga aklat ng Bagong Tipan na kanilang tinanggap noon ay nagtagumpay sa pagsubok ng panahon at ang kanilang katotohanan ay niyakap ng mga Kristiyano at hindi gaanong pinagdudahan sa pagdaan ng maraming siglo.

Ang pagtitiwala sa mga partikular na aklat ng Bibliya ay nagumpisa pa noong unang siglo ng mga naunang sinulatan na nagbigay ng mga unang patotoo ng mga mismong saksi sa mga nangyari at sa mga nilalaman ng mga aklat upang patunayan ang kanilang katotohanan. Idagdag pa dito ang paksa ng aklat ng Pahayag tungkol sa katapusan ng panahon at ang pagbabawal sa pagdadagdag sa mga hula sa Pahayag 22:18. Ito ang nagpapatunay sa argumento na ang Canon o pagdadagdag ng kasulatan sa Bibliya ay natapos na sa panahon ng pagsulat sa aklat ng Pahayag (c. A.D. 95).

May isang napakahalagang punto sa teolohiya na hindi dapat kalimutan. Ginamit ng Diyos ang Kanyang Salita sa loob ng libo libong taon para sa isang pangunahing layunin: upang ipakilala ang Kanyang sarili at ipaalam ang kanyang kalooban sa sangkatauhan. Sa huli, hindi pa rin ang mga konseho ng Iglesya ang nagdesisyon kung ang isang aklat ay kasama sa Kasulatan. Ito ay pinagpasyahan ng Diyos mismo sa umpisa pa lamang ng pumili siya ng mga tao upang ipasulat ang Kanyang mga Salita. Upang maabot ang nais Niyang resulta, kasama ang pagiingat sa Kanyang salita sa loob ng maraming mga siglo, ginabayan din ng Diyos ang mga konseho ng Iglesya sa kanilang pagsukat kung aling aklat ang dapat isama sa Bibliya.

Ang pagkakaroon ng karunungan tungkol sa mga bagay na ito kabilang ang kalikasan ng Diyos, ang pinagmulan ng sansinukob, ang layunin at kahulugan ng buhay, ang kahanga hangang kaligtasan at ang mga mangyayari sa hinaharap (maging ang hantungan ng sangkatauhan) ay hindi kayang malaman ng likas na karunungan ng tao at maging ng siyensya. Ang ipinahayag ng Salita ng Diyos, na pinahalagahan at isinapamuhay ng mga Kristiyano sa maraming siglo, ay sapat na upang ipaliwanag ang lahat ng dapat nating malaman tungkol kay Kristo (Juan 5:18; Gawa 18:28; Galacia 3:22; 2 Timoteo 3:15), upang turuan tayo, ituwid ang ating mga likong gawain at akayin tayo sa matuwid na pamumuhay (2 Timoteo 3:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang canon o panukat sa Kasulatan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries