settings icon
share icon
Tanong

Paano tayo magdedesisyon kung aling aklat ang kasama sa Bibliya gayong hindi sinabi sa Bibliya kung aling aklat ang kasama sa Kasulatan?

Sagot


Kung ang Kasulatan ang ating tanging awtoridad ng katotohanan, sa kaninong awtoridad naman natin malalaman kung aling aklat ang kasama sa Bibliya - dahil hindi naman binanggit sa Bibliya kung aling aklat ang dapat na kasama dito? Ito ay isang napakahalagang katanungan dahil ang isang kadena ay kasintibay lamang ng pinakamahinang bahagi nito. Sa serye ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan, mayroon bang mahinang bahagi doon? Kung mayroon, malalagot ang kadena at ang pakikipag-ugnayan ng Diyos ay hindi mapagtitiwalaan.

Isaalang alang natin ang iba't ibang kadena ng pakikipagugnayan ng Diyos sa atin: Una, ay ang pagnanais ng Diyos na gawin ito. Ito ay nag-ugat sa Kanyang pag-ibig, dahil ang pinakamabuting magagawa ng Diyos na umiibig ay ang ipahayag ang Kanyang sarili sa Kanyang mga nilikha. Ikalawa, ay ang aktwal na pagpapahayag ng Kanyang mensahe sa tao sa pamamagitan ng Kanyang mga manunulat. Ito ay kinapapalooban ng proseso ng tinatawag na “pagkasi,” kung saan “inihinga” ng Diyos ang Kanyang mga salita na itinala ng mga taong Kanyang ginamit (2 Timoteo 3;16). Ikatlo, ay ang pagpapamahagi ng Kanyang mga salita sa mga tao sa pamamagitan ng pangangaral, pagtuturo at iba pang kaparaanan. Ikaapat, ay ang pagkilala ng mga anak ng Diyos sa Banal na Kasulatan na natatangi sa ibang mga aklat pangrelihiyon. Panglima, ay ang pag-iingat ng Diyos sa Kanyang mga Salita hanggang sa kasalukuyang panahon sa kabila ng maraming pagtatangka na wasakin ang mga Kasulatan. At sa huli, ang iluminasyon, kung saan, binubuksan ng Banal na Espiritu ang pangunawa ng mga mananampalataya, upang kanilang maunawaan ang Kanyang mga Salita.

Ito ang kadena ng demonstrasyon ng pag-ibig ng Diyos - ang pagkasi, pagpapamahagi, pagkilala, pag-iingat at iluminasyon ng Kanyang Salita. Naniniwala kami na sangkot ang Diyos sa bawat proseso dahil hindi naman kakasihan ng Diyos ang Kanyang Salita at pagkatapos ay pababayaan na lamang ito. Tiyak na iingatan Niya ang Kanyang mga Salita na Kanyang inihinga upang maganap ang Kanyang layunin na ipakilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga nilikha. Tiyak na Siya rin ang magbibigay sa atin ng pang-unawa upang maintindihan natin ang Kanyang ibig sabihin.

Ang pagkilala sa Salita ng Diyos ay kalimitang tinatawag na “kanonisasyon” (canonization). Maingat nating sinasabi na ang Diyos ang kumilala ng canon at ang Iglesya ang nakatuklas ng canon. Ang canon ng Kasulatan ay hindi nilikha ng iglesya; sa halip, natuklasan o kinilala lamang ito ng Iglesya. Sa ibang salita, ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at ito ay may awtoridad mula sa umpisa - ito “ay di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan” (Awit 119:89), “at simpleng kinilala at tinanggap lamang ng Iglesya ang katotohanang ito.

Ang pamantayan na ginamit ng Iglesya upang tipunin at kilalanin ang mga aklat na isinama sa Bibliya ay ang mga sumusunod:

1) Ang aklat ba ay isinulat ng isang propeta ng Diyos?

2) Ang manunulat ba ng aklat ay gumawa ng mga himala upang patunayan ang kanyang mensahe?

3) Ipinahahayag ba ng aklat ang katotohanan tungkol sa Diyos ng walang kasinungalingan at pagsasalungatan?

4) Ang mensahe ba ng aklat ay may kakayahang bumago ng buhay ng tao?

5) Ang aklat ba ay tinanggap bilang Salita ng Diyos ng mga unang mambabasa?

Sa mga pamantayang ito, ang pinakamahalaga ay ang una: Ang manunulat ba ng aklat ay isang propeta? Kaugnay nito, kinilala ba ng mga tao ang kanyang pagiging propeta at ang kanyang aklat bilang aklat na mapagkakatiwalaan? Ito ang pangunahing pamantayan ng unang Iglesya sa pagiging “Salita ng Diyos” ng isang aklat. Ang pamantayang ito ay lohikal na resulta ng pagkilala kung ano ang isang tunay na apostol. Ang mga apostol ay pinagkalooban ng Diyos ng pribelihiyo na maging haligi at tagapanguna ng Iglesya, kaya katanggap tanggap na sa kanila nagmula ang mga Salita ng Diyos na pinaniniwalaan ng Iglesya.

Ipinangako sa mga apostol ang Banal na Espiritu na siyang nagpapaalala sa kanila ng mga sinabi ni Kristo (Juan 14:26), upang gabayan sila sa “lahat ng katotohanan” (Juan 16:13). Pagkatapos na umakyat ni Hesus sa langit, tumanggap ang mga apostol ng mga kaloob ng paghihimala upang makapagbahagi sila ng Kanyang salita at kumpirmahin ang kanilang mensahe (Gawa 2:4). Ang sangbahayan ng Diyos ay “natayo sa pundasyon ng mga apostol at propeta” (Efeso 2:20). Dahil sa espesyal na tungkulin na mayroon ang mga apostol, tama lamang na gawing pamantayan ng Iglesya ang kanilang pagiging apostol sa pagkilala sa kanilang mga aklat. Kaya ang Ebanghelyo ni Mateo ay itinuturing na kanoninado (isinulat ito ng isang apostol) at maging ang Ebanghelyo ni Markos, dahil sa malapit na kaugnayan ni Markos kay Apostol Pedro.

Noong isinusulat ang Bagong Tipan, agad na tinanggap bilang Salita ng Diyos ang mga indibidwal na aklat at sulat ng mga apostol at ipinakalat para sa kapakinabangan ng mga mananampalataya. Tinanggap ng mga taga Tesalonica ang sulat ni Apostol Pablo bilang Salita ng Diyos (1 Tesalonica 2:13). Ipinakalat ang mga sulat ni Pablo sa mga Iglesya sa panahon ng mga apostol (Colosas 4:16). Kinilala ni Pedro ang mga sulat ni Pablo at sinabing ang kanyang mga sulat ay “kapantay ng ibang mga aklat ng Kasulatan” (2 Pedro 3:15-16). Binanggit din ni Pablo ang Ebanghelyo ni Lukas at tinawag itong “Kasulatan” (1 Timoteo 5:18). Ang malawakang pagtanggap na ito sa sulat ng mga apostol bilang Salita ng Diyos ay salungat sa hindi pagkilala sa ilang mga pinagdedebatehang aklat na kinilala lamang sa loob ng maiksing panahon at sa huli ay hindi tinanggap bilang Salita ng Diyos.

Kalaunan, nang dumami ang mga maling katuruan at nagkaroon ng mga tao sa mismong loob ng Iglesya na nagpipilit na kilalanin din ang ibang mga aklat na hindi naman nakapasa sa pamantayan ng kanonisasyon, nagdaos ng isang konseho ang Iglesya at kinumpirma ang kanilang pagtanggap sa dalawampu’t pitong aklat ng Bagong Tipan. Ang mga pamantayang nabanggit sa itaas ang kanilang ginamit at nagbigay sa kanila ng kakayahan na kilalanin kung aling aklat ang nagmula sa Diyos. Nagpasya silang manatili sa mga aklat na malawakang tinatanggap ng unang iglesya at pinagpasyahan na manatili sa mga itinuro ng mga “apostol” (Gawa 2:42). Ang mga ito ang parehong mga aklat na mayroon din tayo sa kasalukuyan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano tayo magdedesisyon kung aling aklat ang kasama sa Bibliya gayong hindi sinabi sa Bibliya kung aling aklat ang kasama sa Kasulatan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries