Tanong
Ang "cessationism" ba o pagtigil ng ilang mga kaloob na espiritwal ay ayon sa Bibliya?
Sagot
Ang "cessationism" ay ang paniniwala na ang mga kaloob ng paghihimala gaya ng pagsasalita ng ibang wika at himala ng pagpapagaling ay tumigil na - at ang pagwawakas ng panahon ng mga apostol ang dahilan ng pagtigil ng mga kaloob na ito dahil ang mga kaloob na ito ay para lamang sa mga apostol at sa kanilang kapanahunan. Marami sa mga yumayakap sa pananaw na ito ang naniniwala na bagamat gumagawa pa rin ang Diyos ng mga himala sa panahong ito, hindi na gumagamit ang Banal na Espiritu ng mga "natatanging" tao upang gumawa ng mga mahimalang tanda.
Ipinakikita ng tala sa Bibliya na nangyari ang mga himala sa mga partikular na panahon sa kasaysayan para sa natatanging layunin na patunayan na sa Diyos nanggaling ang isang bagong mensahe. Binigyan ng Diyos ng kakayahan na gumawa ng himala si Moises sa harap ni Faraon upang patunayan na Siya ang nagbigay kay Moises ng gawain ng pagliligtas sa mga Israelita sa kamay ng mga Ehipsyo (Exodo 4:1-8). Binigyan din si Elias ng kakayahang gumawa ng mga himala upang patunayan na sinugo siya ng Diyos upang sawayin si Haring Acab sa mga ginagawa nitong kasalanan sa Diyos (1 Hari 17:1; 18:24).Binigyan din ni Hesus ng kakayahan ang mga apostol na gumawa ng mga himala upang patunayan sa mga tao na ang Diyos ang nagbigay ng kanilang ministeryo sa harap ng mga Israelita (Gawa 4:10, 16).
Ang ministeryo ni Hesus ay punong puno rin ng mga himala na tinatawag ni Apostol Juan na mga "tanda" (Juan 2:11). Sinasabi ni Juan na ang mga himala ni Hesus ay katibayan na ang Kanyang mensahe ay nagmula sa Diyos.
Pagkatapos ng pagkabuhay na muli ni Hesus, habang itinatatag ang iglesya at isinusulat ang BagongTipan, nagpakita ang mga apostol ng mga "mahimalang tanda" gaya ng pagsasalita sa iba't ibang wika at kapangyarihang magpagaling ng mga karamdaman. "Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang wika ay isang tanda para sa mga di sumasampalataya, hindi sa mga sumasampalataya" (ang 1 Corinto14:22 ay isang talata na simpleng nagsasabi na ang kaloob ng pagsasalita ng ibang wika ay hindi para sa ikatitibay ng Iglesya).
Hinulaan ni Apostol Pablo na titigil ang pagsasalita sa ibang wika (1 Corinto13:8). Narito ang anim na katibayan na ito ay tumigil na:
1) Ang mga apostol, na siyang unang nagsalita sa ibang wika, ay natatangi sa kasaysayan ng Iglesya. Nang matapos na ang kanilang ministeryo, ang pangangailangan ng katibayan sa pamamagitan ng mga mahimalang tanda ay hindi na kailangan.
2) Ang mga mahimalang tanda o kaloob ay binanggit lamang sa mga naunang mga sulat ng mga apostol gaya ng 1 Corinto. Ang mga nahuling sulat ng mga apostol gaya ng sulat ni Pablo sa Efeso at sa Roma ay naglalaman ng detalyadong mga talata tungkol sa mga kaloob ng Espiritu ngunit ang mga kaloob ng paghihimala ay hindi nabanggit bagama't binanggit ni Pablo ang tungkol sa kaloob ng "propesiya." Ngunit ang salitang Griyego na isinalin sa Tagalog na "propesiya" ay nangangahulugan ng pangangaral ng salita ng Diyos hindi ang panghuhula sa mga mangyayari sa hinaharap.
3) Ang kaloob ng pagsasalita sa iba't ibang wika ay isang tanda sa mga hindi nananampalatayang Israelita na ang pagliligtas ng Diyos ay para din sa ibang bansa hindi lamang sa bansang Israel. Tingnan din ang 1 Corinto14:21-22 at Isaias 28:11-12.
4) Ang pagsasalita sa ibang wika ay isang kaloob na mas mababa ang halaga kaysa sa kaloob ng pangangaral. Ang pangangaral ng Salita ng Diyos ay nagpapatibay sa mga mananampalataya samantalang walang layunin ang pagsasalita sa ibang wika para sa mga mananampalataya. Sinabihan ang mga mananampalataya na higit na pakanasain ang makapangaral ng Salita ng Diyos kaysa sa pagsasalita sa ibang wika (1 Corinto 14:1-3).
5) Ipinakikita sa kasaysayan na tumigil na ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika. Hindi man lamang nabanggit ang tungkol sa kaloob na ito sa alinmang aklat na sinulat ng mga nangunguna sa Iglesya pagkatapos na mamatay ang mga apostol. Isinulat nina Justin Martyr, Origen, Chrysostom, at Augustine na ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay isang bagay na naganap lamang sa mga unang taon ng iglesya.
6) Ang matapat na obserbasyon sa kasalukuyan ay nagpapatunay na ang himala ng pagsasalita sa iba't ibang wika ay tumigil na. Kung ang kaloob na ito ay ibinibigay pa rin sa mga mananampalataya ngayon, hindi na kailangan pa ng mga misyonero na mag-aral ng wika ng bansang kanilang pupuntahan upang mangaral. Makakapaglakbay ang mga misyonero sa anumang bansang nais nilang puntahan at makapangangaral sila doon sa pamamagitan ng ibang wika, gaya ng ginawa ng mga apostol sa Aklat ng Gawa kabanata 2. Para naman sa kaloob ng himala ng pagpapagaling, makikita natin sa Kasulatan na ang himala ng pagpapagaling ay konektado sa ministeryo ni Hesus at ng mga apostol (Lukas 9:1-2). Makikita natin na sa pagtatapos ng panahon ng mga apostol, naging bihira na ang himala ng pagpapagaling. Nagawang buhayin ni Apostol Pablo si Eutiko ng mahulog ito mula sa sa bintana habang siya'y nangangaral isang gabi (Gawa 20:9-12), samantalang hindi niya napagaling si Efaprodito (Filipos 2:25-27), Trofimus (2 Timoteo 4:20), Timoteo (1 Timoteo 5:23), at maging ang kanya mismong sarili (2 Corinto 12:7-9). Ang dahilan sa kabiguan ni Pablo na magpagaling ay ang mga sumusunod: 1) Hindi intensyon ng kaloob na pagalingin ang bawat isang mananampalataya, kundi upang pagtibayin ang awtoridad ng mga apostol at 2) sapat na ang mga patunay sa awtoridad ng mga apostol, kaya't hindi na kinakailangan pa ang ibang mga tanda at himala.
Ang mga dahilan sa itaas ang mga ebidensya sa "cessationsim" o pagtigil sa kaloob ng paghihimala ng pagpapagaling at pagsasalita sa iba't ibang wika. Ayon sa1 Corinto 13:13-14:1, mas mabuting naisin ang kaloob ng "pag-ibig" ang pinakadakilang kaloob sa lahat ng kaloob. Kung magnanasa tayo na magkaroon ng kaloob na espiritwal, dapat nating naisin na makapangaral ng Salita ng Diyos, upang makapagpatibay sa bawat isang mananampalataya sa halip na nasain ang mga kaloob na hindi na para sa panahong ito.
English
Ang "cessationism" ba o pagtigil ng ilang mga kaloob na espiritwal ay ayon sa Bibliya?