settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Chrislam?

Sagot


Ang relihiyong Chrislam ay isang pagtatangka na pagkasunduin ang Kristiyanismo at Islam. Nagsimula ang relihiyong ito sa Nigeria noong 1980’s, at mula noon, kumalat ito sa buong mundo. Ang pangunahing konsepto ng Chrislam ay maaaring pagkasunduin ang Kristiyanismo at Islam at ang isang tao ay maaaring maging isang Kristiyano at Muslim sa parehong panahon. Ang Chrislam ay hindi isang aktwal na relihiyon sa kanyang sarili, sa halip ito ay pagpapalabo sa mga pagkakaiba at pagkakakilanlan sa Kristiyanismo at Islam.

Itinuturo ng mga nagsusulong ng Chrislam na dapat pagkaisahin ang Kristiyanismo at Islam dahil nabanggit si Hesus ng may 25 beses sa Koran at dahil ang Kristiyanismo at Islam ay may pagkakatulad ang katuruan sa isyung moral, o kaya naman ay dahil may pangangailangan para sa pagkakaisa ng dalawang pinakamalaking relihiyon na naniniwala na may isa lamang Diyos upang labanan ang Ateismo at mga huwad na espiritwalidad. Ipinagpapalagay ng ilan na ang Chrislam ang solusyon sa nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng mga bansa sa Kanluran na karamihan ay Kristiyano at sa Gitnang Silangan na karamihan ay Muslim.

Habang hindi maikakaila na maraming pagkakahalintulad sa pagitan ng Kristiyanismo at Islam (at Judaismo), bigo ang Chrislam dahil ang dalawang relihiyon ay ganap na magkasalungat sa pinakamahalagang isyu – ang pagkakakilanlan sa Panginoong Hesu Kristo. Kinikilala si Hesus ng tunay na Kristiyanismo bilang Diyos na nagkatawang tao. Para sa mga Kristiyano, ang pagka-Diyos ni Kristo ay isang paniniwala na hindi maaaring ikompromiso, dahil kung hindi Siya Diyos, ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi sapat na handog para sa kasalanan ng tao (1 Juan 2:2).

Tahasang tinatanggihan ng Islam ang pagka Diyos ni Kristo. Idineklara ng Koran na isang pamumusong sa Islam ang ideya ng pagka-Diyos ni Kristo (5:17), Ang paniniwala sa pagka-Diyos ni Kristo ay ikinukonsidera sa Islam na isang shirk o pamumusong para sa mga Muslim. Gayundin, tinatanggihan ng Islam ang kamatayan ni Kristo sa krus (4:157-158). Ang pinakamahalagang doktrina ng pananampalatayang Kristiyano ay tinatanggihan ng Islam. Dahil dito, ang dalawang relihyion ay ganap na hindi magkakasundo at dapat na tanggihan ng mga tunay na Kristiyano. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Chrislam?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries