settings icon
share icon
Tanong

Ang isa bang taong clone ay may kaluluwa?

Sagot


Ang pagko-clone sa tao para sa pagpaparami ay naging dahilan ng maraming katanungnang moral, etikal at medikal. Nagbunga din ito sa mas malalim na katanungang teolohikal. Maaaring ang pinakamahalagang katanungan ay ito: magkakaroon ba ng kaluluwa ang isang taong clone?

Para sa ilan, alam nila ang kasagutan. Para sa iba, may dahilan para magtaka. May ilan na nagaangkin na imposible ang pag-clone sa tao dahil hindi maaaring likhain ang kaluluwa! Ang pananaw ng isang tao sa usaping ito ay nakasalalay sa kabuuan sa kanyang pananaw kung paano nalilikha ang kaluluwa. Para sa ibang paksa na walang kinalaman sa kaligtasan, hindi nagbibigay ng direktang kasagutan ang Bibliya. Sa mga usaping ito, hindi tayo dapat maging dogmatiko ngunit dapat tayong maging maingat.

Dahil sa lahat ng ito at ayon sa ilang espiritwal, siyentipiko at praktikal na argumento, tila ang pinakamagandang sagot sa katanungan kung magkakaroon ba ng kaluluwa ang isang taong clone ay “Oo.”

May magkakaibang opinyon ang mga Kristiyano kung paano nalilikha ang imateryal na kaluluwa. May dalawang posisyon na sinusuportahan ng Bibliya tungkol sa isyung ito na kilala sa tawag na creationism at traducianism. Sinasabi ng una na nililikha ng Diyos ang kaluluwa habang ipinagbubuntis ang isang bata sa tiyan ng ina. Ang ikalawa naman ay nagsasabi na namamana sa mga magulang ang kaluluwa. Ang ibang paniniwala gaya ng pagkakaroon ng mga kaluluwa bago magkaroon ng katawan ay hindi naaayon sa Bibliya at hindi maaaring gamitin sa isyung ito.

Bago tayo pumalaot sa argumento, mahalaga na maipaliwanag muna ang ilang terminolohoya. Sa isyung ito, ang isang tao ay tumutukoy sa biolohikal na miyembro ng homo sapiens sa materyal at aspetong genetiko. Ang persona ay tumutukoy sa kumpletong indibidwal: ang isip, katawan, kaluluwa, at espiritu, na may diin sa espiritwal na aspeto. Ang clone at MZ twin ay tumutukoy sa mga taong nalilikha sa pamamagitan ng prosesong inilalarawan sa ibaba.

Sa isang tipikal na nuclear transfer cloning, ang nucleus (ang sentro ng impormasyon) ng isang unfertilized egg cell ay inaalis. Ito ay pinapalitan ng nucleus ng isang donor cell na kinuha mula sa organismong kino-clone. Ang bagong nabubuong cell ay inii-stimulate at magsisimulang mahati. Nagreresulta ito sa isang organismo na may DNA na kapareho ng sa donor. Sa therapeutic cloning, nagaganap ang paglaki sa loob ng isang laboratoryo at lumilikha ng mga tissue. Sa reproductive cloning, nagaganap ang paglaki ng bata sa matris ng isang surrogate mother at maaaring magresulta sa pagsilang ng isang bata na duplicate ng donor.

Sa usapang biolohikal, mayroon ng katulad sa clones ng tao. Ang magkamukhang kambal o mono-zygotic twins (MZ twins), ay resulta ng natural na prosesong ito: nagsasama ang isang sperm at isang egg cell at lumilikha ng isang nagiisang fertilized cell, na tinatawag na zygote. Pagkatapos nahahati sa dalawa o higit pang magkahiwalay na embryo ang zygote at magkahiwalay na lalaki. Para sa lahat ng praktikal na depinisyon, ang MZ twins ang clone ng isa’t isa.

Sa ibang salita, mayroon ng clone sa natural na proseso. Ang mekanismo sa paglikha sa kanila ay sobrang kakaiba sa paglikha ng clone sa laboratoryo, ngunit pareho ang resulta. Ito ang isang susing argumento na dapat tandaan sa pagsusuri sa iba’t ibang pananaw kung ang mga clones ba ay may kaluluwa. Ang posisyon ng isang tao ay dapat na hindi nagbabago at mailalapat sa natural na clones gaya ng MZ twins at ng mga taong maaaring dumaan sa proseso ng reproductive cloning.

Mas madaling panindigan ng mga naniniwala sa creationist view na magkakaroon ng kaluluwa ang mga clones at direktang sangkot ang Diyos sa paglikha ng bawat kaluluwa sa itinakda Niyang panahon. Maaaring lumikha ang Diyos ng kaluluwa para sa isang fertilized zygote, at pagkatapos ay lumikha ng karagdagang kaluluwa kung mahati ang zygote. Hindi malinaw ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito pero alang-alang sa isyung ito, hindi mahalaga ang mga detalye. Ayon sa pananaw na creationism, ang paraan sa paglikha sa pisikal na katawan ay walang kinalaman sa paraan ng paglikha sa kaluluwa. Ipinaglihi man o cloned, pinaniniwalaan ng creationism na nililikha ng Diyos ang kaluluwa at walang dahilan sa Kasulatan o sa espiritwal na usapin para isipin na hindi Niya iyon gagawin sa lahat ng tao.

Sa isang banda, ang pananaw na traducian ay may kinakaharap na problema. Ayon sa traducianism, ang katawan at kaluluwa ay namamana sa mga magulang. Sa partikular, ang makasalanang kalikasan ng tao ay namamana mula kay Adan sa pamamagitan ng tatay. Ipinapahiwatig nito na sa sandaling magsama ang semilya ng babae at lalaki para makagawa ng DNA ng isang bagong tao, kasabay na nalilikha ang isang kaluluwa. Pero sa cloning, walang mga “magulang na tao.” Isa lamang tao ang pinanggalingan ng genetic material na ginaya pagkatapos. Walang pagbubuntis sa halip ay panggagaya lamang ng DNA.

Ito ang lalabas na katanungan tungkol sa paglilipat o pagmamana ng kaluluwa ayon sa traducianism. Ang isang clone ay walang tatay at nanay sa normal na proseso. Ang mabubuong tao ay mula lamang sa nagiisang donor. Sa genetics, ang tatay ng clone ay ang tatay ng donor at ang nanay ng clone ay ang nanay ng donor. Pero walang sariling mga magulang ang mismong clone. Kung ang pagsasama ng DNA ng mga magulang ng tao ang lumilikha ng kaluluwa, saan manggagaling ang kaluluwa ng isang clone?

Hindi rin sasang-ayon ang traducianism sa konsepto ng pagmamana ng makasalanang kalikasan ng tao mula sa tatay. Halimbawa, naniniwala ang traducianism na ang dahilan kung bakit walang makasalanang kalikasan si Jesus ay dahil wala siyang tatay na tao. Kung literal na walang tatay ang isang clone, maaari din ba na hindi siya magmana ng makasalanang kalikasan? Maduduplika ba ang makasalanang kalikasan sa pamamgitan ng DNA ng clone? Sa istriktong argumento, ang pagmamana ng makasalanang kalikasan ay isang hiwalay na argumento sa pagkakaroon ng kaluluwa at posibleng pagmulan ng isang debate. Ang simpleng punto ay kung ang traducianism ay naniniwala na parehong ang kaluluwa at makasalanang kalikasan ng tao ay naipapasa sa pamamagitan ng pagbubuntis, ito rin ang mangyayari sa proseso ng cloning.

Siyempre, dapat tandaan na ang pananaw ng isang tao sa isyung ito ay siya rin niyang pananaw sa natural na cloning gaya sa pagkabuo ng kambal (MZ twins). Sa oras ng pagbubuntis, mayroon lamang isang zygote. Kalaunan, maaaring magkaroon ng dalawang embryo ng walang nangyayaring muling pagbubuntis. May ilang traducians (kung mayroon man) ang magsasabi na isa lamang sa kambal o isa sa mga triplets ang may kaluluwa o maaaring nagbabahaginan sila ng iisang kaluluwa, kaya kailangang magkaroon ng hindi nagbabagong pananaw para panghawakan ang pagsasalin ng mga kaluluwa para sa lahat ng tao na isinisilang sa natural na paraan na maaari ding ikumpara sa proseso ng cloning.

Sa madaling salita, may argumento sa pananaw na traducianism para sa pagkakaroon ng kaluluwa ng isang clone kung ang kaluluwa ay nalilikha sa pamamagitan ng pagbubuntis. Ang paniniwala na ang Diyos ang nagpapasya kung kailan bibigyan ng kaluluwa ang tao ay hindi na traducianism kundi creationism. Bilang sagot, maaari ding ikatwiran ng isang tao na naniniwala sa traducianism na ang paglikha sa kaluluwa ay simpleng isang bagay na nangyayari sa tuwing ang isang tao ay nalilikha sa anumang proseso/pamamaraan ng paglikha. Ang anumang malalim na pagsusuri sa paksang ito ay makabubuting pagusapan sa isang hiwalay na diskusyon.

Sa isang mas praktikal na pananaw, kakaunting Kristiyano ang maaaring mangatwiran na maakakaapekto sa moral at espiritwal na estado ng tao ang paraan ng pagbuo sa isang tao. Halimbawa, ang pangunahing paniniwala na dapat na payagan ang pagpapalaglag “sa mga kaso ng rape o incest” ay nagpapahiwatig na ang mga taong isinilang sa ganitong mga kaso ay mas maliit ang halaga o hindi kasing imporante ng iba kaysa sa mga ipinanganak sa “tamang” paraan. Ito ay isang debate sa moralidad kaysa sa teolohikal, pero ang ating posisyon ay dapat na matatag at hindi pabagu-bago. Kung ang mga pangyayari na may kaugnayan sa pagbubuntis sa isang bata (o kawalan ng pagbubuntis gaya sa cloning) ay nakakaapekto sa pananaw tungkol sa pinanggagalingan o sa pagkakaroon ng kaluluwa, ito ay may kinalaman sa moral at espiritwal na halaga ng isang tao. Dapat na maingat na suriin ng mga Kristiyano ang kanilang pananaw sa isyung ito.

Walang matibay, mabilis at napakalinaw na sagot sa isyu ng pagkakaroon ng kaluluwa ng clones. Bagama’t ganito ang aming sinasabi, karamihan ng interpretasyon sa Bibliya at sa pangkalahatang diwa ng teolohiyang Kristiyano ang nagpapahiwatig na ang mga clones ay magkakaroon ng kaluluwa. Posible na makabuo ng isang balangkas ng teolohiya sa mga bagay na posibleng maganap. Pero nakakaraming Kristiyano ang sasalungat sa kanilang balangkas ng teolohiya kung maging totoo ang cloning.

Dahil sa ating kawalan ng perpektong pangunawa, dapat nating ituring ang lahat ng tao na karapatdapat sa halaga na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga nilikha (Awit 104:24) at ibigin natin ang iba gaya ng Kanyang inaasahan na dapat nating ipakita sa isa’t isa (Santiago 2:8). Kabilang dito ang mga artificially cloned humans, kung magkakaroon man ng ganitong mga tao sa mundo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang isa bang taong clone ay may kaluluwa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries