settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kumpatibilismo (compatibilism)?

Sagot


Ang kumpatibilismo (compatibilism) ay isang pagtatangka na pagkasunduin ang proposisyon sa teolohiya na ang bawat pangyayari ay itinakda, itinalaga at ipinanukala na ng Diyos mula pa noong una bago pa ang mga iyon maganap sa kasaysayan (o determinismo na hindi dapat na ipagkamali sa fatalismo (fatalism)—kasama na ang malayang pagpapasya ng tao. Orihinal na ipinanukala mula sa pananaw sa pilosopiya ng mga Griyegong stoics at ng maraming mga pilosopo katulad nina Thomas Hobbes at David Hume, at mula sa pananaw panteolohiya nina Augustine ng Hippo at John Calvin, ang konsepto ng kumpatibilismo (compatibilism) ay nagsasaysay na bagama’t tila napakahirap na pagkasunduin ang kalayaan ng tao at ang pagtatakda ng Diyos sa lahat ng magaganap sa kasaysayan, ang dalawang ito ay parehong totoo at nagkakasundo sa isa’t isa.

Ang pundasyon ng konseptong ito ng pagtatakda ng malayang pagpapasya ng tao ayon sa plano ng Diyos ay ang kahulugan ng kalayaan ng tao. Sa panteolohiyang pananaw, ang kahulugan ng kalayaan ng tao ay tinitingnan sa liwanag ng nahayag na biblikal na katotohanan patungkol sa orihinal na kasalanan ng tao at ang kanyang kawalang kakayahan na lumapit at manampalataya sa Diyos. Ang dalawang katotohanang ito ang kinapapalooban ng “kalayaan” ng tao bilang isang makasalanan (Gawa 8:23), at “alipin ng kasalanan” (Juan 8:34; Roma 6:16-17) at nasa ilalim lamang ng kapamahalaan ng kanyang “panginoon,” na walang iba kundi ang kasalanan (Roma 6:14). Kaya nga, bagama’t malaya ang tao na gawin ang kanyang anumang ninanais, ang kanyang naisin ay ayon lamang sa kanyang kalikasan, at dahil ang kanyang kalikasan ay makasalanan, ang lahat ng nasa ng puso ng makasalanang tao ay pawang kasamaan lamang sa tuwina (Genesis 6:5; Genesis 8:21). Ang laging ninanais tao, bilang likas na lumalaban sa lahat ng mabuti (Roma 8:7-8; 1 Corinto 2:14), ay “maghimagsik” sa Diyos (Kawikaan 17:11). Sa esensya, “malaya” ang tao na gawin ang kanyang anumang maibigan, at talagang ginagawa niya ang kanyang nais gawin, ngunit hindi niya kayang gawin ang salungat sa kanyang makasalanang kalikasan. Ang “kalayaan ng tao” ay nakapailalim at nakadepende lamang sa kanyang makasalanang kalikasan.

Dito ngayon pumapasok ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng tao ng kalayaang magpasya at ang tao bilang isang malayang nilalang. Malaya ang tao na magpasya ayon sa itinatakda ng kanyang kalikasan o ng batas ng kalikasan. Bilang paglalarawan, sinasagkaan ng batas ng kalikasan na makalipad ang tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na wala siyang kalayaang lumipad. Malaya siyang lumipad lamang, wala siyang kakayahang lumipad. Malaya lamang ang tao na gawin ang ayon sa sa kanyang kalikasan o sa batas ng kalikasan kung saan siya nakapailalim. Sa usaping panteolohiya, bagama’t waalang kakayahan ang tao na ipasakop ang sarili sa mga kautusan ng Diyos (Roma 8:7-8) at walang kakayahan na lumapit kay Kristo hanggat hindi siya inilalapit ng Diyos Ama (Juan 6:44), malaya pa rin ang tao ayon sa kanyang kalikasan. Malaya at aktibo niyang pinipigilan ang katotohanan dahil sa kanyang likas na kasamaan (Roma 1:18) dahil ang kalikasan niya ang nagdidikta sa kaya na gawin ang salungat sa lahat ng mabuti (Job 15:14-16; Awit 14:1-3; 53:1-3; Jeremias 13:23; Roma 3:10-11). Ang dalawang magandang halimbawa sa kumpirmasyon ng Panginoong Hesus sa konseptong ito ay matatagpuan sa Mateo 7:16-27 at Mateo 12:34-37.

Kung maipaliliwanag ng maayos ang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging malaya ng tao at sa kanyang kakayahang magpasya, sinasagot ng kumpatibilismo (compatibilism) ang kalikasan ng pagiging malaya ng tao sa liwanag ng proposisyong teolohikal na determinismo o ang biblikal na katotohanan tungkol sa walang hanggang kaalaman ng Diyos. Ang pundasyong isyu ay paano mapananagot ang tao sa kanyang mga masamang ginagawa kung itinakda na rin ang kanyang masasamang gagawin (dahil hindi na magbabago ang hinaharap ayon sa itinakda ng Diyos) at hindi siya gagawa ng mga bagay na hindi itinakda ng Diyos. Bagama’t napakaraming mga talata sa Bibliya ang tumatalakay sa isyung ito, may tatlong pangunahing salaysay sa Bibliya ang ating sisiyasatin.

Ang kuwento tungkol kay Jose at ng kanyang mga kapatid
Ang una ay ang kuwento tungkol kay Jose at ng kanyang mga kapatid sa Genesis 37. Kinamuhian si Jose ng kanyang mga kapatid dahil minahal siya ng kanilang amang si Jacob ng higit sa lahat ng kanyang mga anak (Genesis 37:3) at dahil din sa kanyang mga panaginip at sa kanyang mga interpretasyon sa mga ito (Genesis 37:5-11). Sa itinakdang panahon, ipinagbili si Jose ng kanyang mga kapatid sa mga Madianitang mangangalakal na noon ay naglalakbay patungong Egipto. Pagkatapos, itinubog nila ang kanyang tunika sa dugo ng kanilang pinatay na kambing upang dayain ang kanilang amang si Jacob na pinatay si Jose ng mabangis na hayop (Genesis 37:18-33). Pagkaraan ng maraming taon, sa panahon na pinagpala ng Diyos si Jose, nagtungo ang kanyang mga kapatid sa Egipto upang katagpuin siya, at ipinakilala ni Jose ang kanyang sarili sa kanila (Genesis 45:3-4). Ang paguusap ni Jose at ng kanyang mga kapatid ang pinakamahalaga sa isyung ito ng determinismo o pagtatakda ng Diyos sa gagawin ng tao sa hinaharap:

“Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto" (Genesis 45:8).

Ang mas nakamamangha sa pangungusap na ito ay ang sinabi ni jose sa kanyang mga kapatid na ang kanyang mga kapatid ang nagbenta sa kanya sa Egipto (Genesis 45:4-5). Ilang kabanata pagkatapos, ipinaliwanag ni Jose ang ang konsepto ng kumpatibilismo:

“Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami” (Genesis 50:20).

Makikita natin sa kuwento ng Aklat ng Genesis na sa katotohanan, ang mga kapatid ni Jose ang nagbenta sa kanya sa Egipto. Gayunman, nilinaw ni Jose na ang Diyos ang gumawa niyon. Ikinakatwiran ng mga tumatanggi sa konsepto ng kumpatibilismo na ang mga talatang ito ay simpleng nagsasaad na “ginamit: ng Diyos ang mga aksyon ng kapatid ni Jose para sa ikabubuti. Gayunman, hindi ito ang sinasabi ng mga talata. Mula Genesis 45 hanggang 50, sinasabi sa atin na (1) Ang mga kapatid ni Jose ang nagdala sa kanya sa Egipto, (2) Ang Diyos ang nagdala kay Jose sa Egipto, (3) Masama ang intensyon ng mga kapatid ni Jose sa pagdadala sa kanya sa Egipto, at (4) may magandang layunin ang Diyos sa pagdadala kay Jose sa Egipto. Kaya ang tanong ay, sino talaga ang nagpadala kay Jose sa Egipto? Ang nakalilitong sagot ay parehong ang mga kapatid ni Jose at ang Diyos ang nagdala sa kanya sa Egipto. Ito ay isang aksyon na ginampanan ng dalawang may kinalaman, ang mga kapatid ni Jose at ang Diyos mismo ang gumawa ng bagay na ito sa buhay ni Jose.

Ang komisyon sa Asiria
Ang ikalawang salaysay na nagpapakita ng kumpatibilismo ay matatagpuan sa Isaias 10, isang babala para sa bansang Israel. Gaya ng ipinangako ng Diyos sa Deuteronomio 28-29, ipadadala ng Diyos ang isang bansa upang parusahan ang kanyang bayan dahil sa kanilang mga kasalanan. Sinabi sa Isaias 10:6 na ang Asiria ang pamalo ng poot ng Diyos, at inutusan ng Diyos laban sa Kanyang bayan upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman at yurakang parang putik sa lansangan.” Gayunman, pansinin kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa Asiria:

“Ngunit wala ito sa kanyang [Asiria] isipan, hindi ito ang kanyang hangad. Ang layunin niya'y manira at magpasuko ng maraming bansa” (Isaias 10:7).

Ang layunin ng Diyos sa pananakop ng Asiria sa Israel ay upang ipadanas ang Kanyang makatarungang hatol laban sa kasalanan, samantalang ang layunin ng Asiria ay “magpasuko ng maraming bansa.” Dalawang magkaibang layunin, dalawang magkaibang kumikilos upang isakatuparan ang layunin, sa nagiisang aksyon. Gaya ng ating patuloy na mababasa, ipinahayag ng Diyos na bagama’t ang pagkawasak na ito ng Israel ay kanyang ipinanukala at itinakda (Isaias 10:23), parurusahan din Niya “palalong hari ng Asiria. Sapagkat ganito ang sabi niya: Nagawa ko iyan pagkat ako'y malakas, marunong at matalino. Inalis ko ang hangganan ng mga bansa, at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan, at ibinagsak sa lupa ang mga nakaluklok sa trono” (Isaias 10:12, tingnan din ang Isaias 10:15). Bagama’t ang Diyos mismo ang walang pagkakamaling nagtakda ng kaparusahan sa Kanyang masuwaying bayan, Kanya pa ring sisingilin ang nagdala ng hatol na iyon sa Kanyang bayan dahil sa kanilang masamang gagawin.

Ang pagpapako kay Hesu Kristo
Ang ikatlong pangyayari sa Bibliya na malinaw na nagpapakita ng kumpatibilismo ay matatagpuan sa Aklat ng mga Gawa 4:23-28. Gaya ng inihayag sa Gawa 2:23-25, ang kamatayan ni Kristo sa krus ay isinakatuparan “ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula't mula pa.” Inihayag din sa Gawa 4:27-na ang mga ginawa ni Herodes, Pilato, ng mga Hentil at ng mga Hudyong nagpapako sa Panginoong Hesu Kristo ay ipinasya at itinakdang maganap ng Diyos mismo habang sila ay “nagkakatipon at nagkakaisa laban kay Hesus” at “Isinagawa nila ang lahat ng bagay na dapat mangyari na itinakda Mo noon pa” (Gawa 4;28). Bagama’t ang Diyos ang nagpasya at nagtakda na mamatay si Hesus, ang mga responsable sa Kanyang kamatayan ay sisingilin Niya dahil sa kanilang mga ginawa. Ipinapatay si Hesus sa pamamagitan ng mga masasamang tao, “Gayon ma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog Siya; inilagay niya Siya sa pagdaramdam” (Isaias 53:10 KJV). Minsan pa, ang sagot sa tanong na “sino ang nagpapatay kay Hesus?” ay parehong ang Diyos at ang masasamang tao – dalawang layunin na isinakatuparan ng dalawang may kinalaman sa pamamagitan ng isang aksyon.

Marami pang mga talata sa Kasulatan ang tumatalakay sa konsepto ng kumpatibilismo, gaya ng pagpapatigas ng Diyos sa puso ng ilang indibidwal (halimbawa: Exodo 4:21; Josue 11:20; Isaias 63:17). Habang nakakalito ang kumpatibilismo para sa atin (Job 9:10; Isaias 55:8-11; Roma 11:33), ang katotohanang ito ay ipinahayag ng Diyos mismo bilang kasangkapan kung saan ang Kanyang walang hanggang kapamahalaan ay ipinakipagkasundo sa kalooban ng tao. Ang Diyos ang may kapamahalaan sa lahat ng bagay (Awit 115:3, Daniel 4:35, Mateo 10:29-30), Alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay (Job 37:16; Awit 147:5; 1 Juan 3:19-20), at pinapanagot Niya ang tao sa lahat ng kanyang ginagawa (Genesis 18:25; Gawa 17:31; Judas 1:15). Tunay na ang kanyang mga paraan ay hindi kayang masayod ng ating pahat na isipan (Job 9:10; Roma 11:33), kaya nga dapat tayong magtiwala sa Panginoon ng ating buong puso at huwag manangan sa ating sariling karunungan (Kawikaan 3:5-6).



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kumpatibilismo (compatibilism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries