Tanong
Ano ang Confucianismo?
Sagot
Ang Confucianismo bilang isang relihiyon ng positibo at makataong pananaw ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa buhay, istrukturang sosyal, at pampulitikang pilosopiya ng Tsina. Ang relihiyon ay nagsimula sa pamamagitan ng isang tao na nagngangalang Confucius na ipinanganak 500 taon bago ipinanganak si Kristo. Ang relihiyong ito ay nagsusulong ng moralidad at maayos na pamumuhay at sa tuwina ay higit na kinikilala bilang isang etikal na sistema sa halip na isang relihiyon. Binibigyang diin nito ang mga panlupa sa halip na ang mga makalangit na bagay. Ang doktrina ng Confucianismo ay nakasentro sa mga sumusunod na paniniwala at gawain:
1. Pagsamba sa mga ninuno – ang pagsamba sa mga namatay na ninuno at paniniwala na ang espiritu ng mga namatay ay may kakayahang impluwensyahan ang kapalaran ng mga nabubuhay.
2. Paggalang sa mga magulang – Ang debosyon, pagsunod at pagbibigay galang ng mga nakababatang miyembro ng pamilya sa mga nakatatanda.
Ang mga sumusunod ang mga pangunahing prinsipyo ng Confucianismo:
1. Jen – ang ginintuang utos
2. Chun-tai – ang pagiging maginoo
3. Cheng-ming – ang tamang pagganap sa papel sa sosyedad
4. Te – ang kapangyarihan ng kabutihan
5. Li – ang ideyal na pamantayan ng paguugali
6. Wen – ang mga mapayapang sining (musika, tula, atbp.)
Ang sistemang etikal ng Confucianismo ay kapuri puri dahil isinusulong nito ang mga bagay na kanais-nais para sa indibidwal at maging sa sosyedad. Gayunman, ang pilosopiyang etikal ni Confucius ay nagugat sa kanyang paniniwala sa sariling kakayahan at walang lugar sa pilosopiyang ito para sa Diyos. Itinuro ni Confucius na may kakayahan ang tao na pagandahin ang kanyang sariling buhay at ang kanyang kultura, habang nagtitiwala sa kanyang sariling kabutihan at kakayahan. Gayunman, itinuturo ng Kristiyanismo ang kasalungat nito. Hindi lamang walang kakayahan ang tao na “linisin ang kanyang gawa,” kundi wala rin siyang kakayahan na bigyang kasiyahan ang Diyos sa kanyang sariling lakas o magkamit man ng buhay na walang hanggan sa langit sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa.
Itinuturo ng Bibliya na ang tao ay likas na makasalanan mula pa sa kanyang pagsilang (Jeremias 17:9) at wala siyang kakayahan na gumawa ng sapat na kabutihan upang maging katanggap tanggap sa isang banal at makatwirang Diyos. “Sapagkat walang sinumang aariing ganap sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa Kautusan” (Roma 3:20). Mahigpit ang pangangailangan ng tao ng isang Tagapagligtas upang gawin ito para sa kanya. Ipinagkaloob ng Diyos ang Tagapagligtas, ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo, na namatay sa krus upang pagdusahan ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan at upang gawin tayong katanggap tanggap sa Diyos. Ipinagpalit Niya ang Kanyang perpektong buhay para sa ating makasalanang buhay: “Sapagkat Siya na hindi nagkasala ay inari ng Diyos na kasalanan para sa atin, upang tayo ay maging mga katuwiran ng Diyos sa Kanya” (2 Corinto 5:21).
Ang Confucianismo, gaya ng ibang huwad na relihiyon, ay nagtitiwala sa sariling gawa at kakayahan ng tao. Ang Kristiyanismo lamang ang kumikilala na “ang lahat ay nagkasala at walang sinuman ang karapatdapat sa paningin ng Diyos” (Roma 3:23), at ang mga tagasunod nito ay nagtitiwala lamang kay Hesu Kristo, na ang handog doon sa krus ang nagbibigay ng kaligtasan sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya at naglalagak ng kanilang pagtitiwala hindi sa kanilang sariling kakayahan, kundi sa Kanya lamang. English
Ano ang Confucianismo?