settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tanging dahilan kung kailan pinahihintulutan ni Jesus ang muling pag-aasawa pagkatapos makipagdiborsyo?

Sagot


Ang tanging dahilan kung kailan pinahihintulutan ni Jesus ang muling pag-aasawa pagkatapos makipagdiborsyo ay mababasa sa Mateo 5:32 at 19: 9. Sa mga talatang ito ibinibigay ang "pahintulot" para sa muling pag-aasawa pagkatapos ng diborsyo. Sinasabi sa Mateo 5:32, "Ngunit ngayo'y sinasabi ko sa iyo kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa ng hindi naman ito nangangalunya, at ito'y nag-asawang muli, ang lalaking iyo'y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya." Gayundin naman, mababasa sa Mateo 19: 9, "Kaya sinasabi ko sa iyo; sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anomang pagkakataon maliban sa pangangalunya, at mag-asawa sa iba, ay nangangalunya." Kaya, ano mismo ang "maliban sa pangangalunya," at bakit ito ay isang tanging dahilan sa pahayag ni Jesus para sa muling pagaasawa pagkatapos ng diborsyo?

Ang kahulugan ng Mateo 5:32 at 19: 9 ay malinaw. Kung ang isang tao ay nakipagdiborsyo at pagkatapos ay nag-asawang muli, ito ay itinuturing na pangangalunya maliban sa isang dahilan. Ang katagang "pangangalunya" ay isang salin mula sa salitang Griyego na porneia, ang salita kung saan nakuha natin ang ating modernong salitang "pornograpiya." Ang pangunahing kahulugan ng porneia ay "sekswal na kasalanan." Sa mga panitikang Griyego sa panahon ng Bagong Tipan, ang porneia ay ginamit upang tukuyin ang pangangalunya, pakikiapid, prostitusyon, pakikipagtalik sa kamaganak, at pagsamba sa diyus-diyusan. Ito ay ginamit ng 25 beses sa Bagong Tipan, at madalas na isinalin sa salitang "pakikiapid."

Ang kahulugan ng porneia sa Bagong Tipan ay tila ang pangkalahatang konsepto ng sekswal na kasalanan. Ang iba pang mga salitang Griyego ay ginagamit upang tumukoy sa mga tiyak na anyo ng sekswal na kasalanan, tulad ng pangangalunya. Sa ganitong kaisipan, ayon sa pahayag ni Jesus, ang pakikilahok sa sekswal na kasalanan o pangangalunya ay isang dahilan sa muling pag-aasawa pagkatapos ng diborsyo. Kung ang isang asawa ay nagkasala ng pangangalunya, o anumang sekswal na kasalanan, at ang naging resulta ay diborsyo, ang "walang-salang" asawa ay malaya ng mag-asawang muli ng hindi ito itinuturing na pangangalunya.

Pakiunawa na ito ay hindi isang utos para sa diborsyo at/o muling pag-aasawa. Hindi sinasabi ni Jesus na kung mangyari ang isang di-pagtatapat sa asawa ay dapat ng magdiborsyo ang mag-asawa. Hindi sinasabi ni Jesus na kung ang diborsyo ay mangyari dahil sa pagtataksil ng asawa, ang asawang walang kasalanan ay dapat mag-asawang muli. Hindi si Jesus humihimok upang ang diborsyo at pag-aasawang muli ay mangyari. Kailan man ay hindi ipinahayag ni Jesus na ang diborsyo at muling pag-aasawa ang pinakamagandang solusyon o tanging pagpipilian. Ang pagsisisi, pagpapatawad, pagpapayo, at panunumbalik ay ang nais ng Diyos para sa mga mag-asawa na nasira ang relasyon dahil sa pagtataksil. Magagawa ng Diyos na pagalingin ang anumang nasirang relasyon kung ang magasawa ay nakatalaga sa Kanya at handang sumunod sa Kanyang Salita.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tanging dahilan kung kailan pinahihintulutan ni Jesus ang muling pag-aasawa pagkatapos makipagdiborsyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries