Tanong
Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga dalagang ina?
Sagot
Hindi direktang tinalakay sa Bibliya ang paksa tungkol sa mga dalagang ina, ngunit maraming halimbawa ng pakikipagugnayan ng Diyos sa mga babae, mga ina, balo, at sa kanilang mga anak. Ang Ang pagiging magiliw ng Diyos ay makikita sa mga dalagang ina, may asawa o balo o diborsyada. Kilala ng Diyos ang bawat tao at lubos na nalalaman ang lahat sa kanilang buhay. Nagbabala ang Bibliya na kasalanan, mapanganib at nagdadala ng kaguluhan ang pakikipagtalik ng hindi kasal, ang isa sa mga ito ay ang pagkakaroon ng dalaga ng anak na kanyang itataguyod na magisa na sadyang napakahirap. Kung ang kanyang pagiging dalagang ina ay dahil sa kanyang sariling kasalanan, ang mapagbiyayang Diyos ay nakahanda pa ring tumulong at magbigay sa kanya ng kaaliwan. Ang pinakamaganda sa lahat ay nagaalok Siya ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo at ng walang hanggang kaaliwan ng langit para sa mga ina, sa mga bata at sa mga humiwalay na ama na nagsisisi at tumatanggap sa Kanya!
Ngunit kalimitan, natatagpuan ng babae ang kanyang sarili na nagiisang itinataguyod ang kanyang anak dahil sa kasalanan ng iba. Nakalulungkot na ang mga babae ang karaniwang nagiging biktima ng mundong puno ng digmaan at terorismo. Nagtutungo ang mga asawang lalaki sa digmaan at hindi na muling nagbabalik dahil sa pagaalay ng kanilang sariling buhay para sa kanilang bansa. Kung ang kamatayan ng isang asawang lalaki ay magbunga sa magisang pagtataguyod ng babae sa kanilang anak, walang duda na aaliwin at tutulungan ng Diyos ang babaeng iyon.
Nagmamalasakit ang Diyos sa mga pamilya. Ngunit higit siyang nagmamalasakit na ang bawat tao, anuman ang kalagayan sa buhay ay magsisi sa kanilang mga kasalanan at makipagrelasyon sa Kanya. Nais Niya na makilala natin Siya, dahil ang mga nilalang na nakakakilala sa Kanya ang nagbibigay sa Kanya ng papuri at kagalakan. Pinagtutuunan natin ng pansin ang mga detalye ng ating buhay, nagaalala kung ano ang sasabihin ng ibang tao o kung tatanggapin ba tayo ng Iglesya. Ngunit bilang mga Kristiyano, tinatawag tayo ng Diyos sa kagalakan ng pagtitiwala sa Kanya. Sinabi Niya na ilagak natin sa Kanya ang ating mga kabalisahan dahil nagmamalasakit siya sa atin (1 Pedro 1:7). Nais Niyang alisin ang ating kabigatan at patawarin ang ating mga kasalanan at kalimutan ang ating nakaraan at tulungan tayong makapagpatuloy sa buhay. Ang Kanya lamang hinihingi ay kilalanin natin Siya,hanapin sa Kanya ang kaligayahan at magtiwala sa Kanya. Karaniwang ang mga dalagang ina ay mga responsableng tao at kadalasan, napakahirap para sa kanila na isantabi pansamantala ang pagtatrabaho at pagaalala sa kanilang mga anak. Ang isang dalagang ina ay maaaring makaramdam ng paguusig ng budhi dahil lamang sa ganitong pagiisip! Ngunit inuutusan tayo ng Diyos na gawin ito, at maglaan ng kaunting sandali bawat araw at ituon ang pansin sa Kanya at ipagtiwala sa Kanya ang nalalabing oras sa maghapon na umaasang ibibigay Niya ang ating mga pangangailangang pisikal at emosyonal.
Ang nararapat para sa isang dalagang ina ay maglaan ng panahon sa pananalangin at pagbabasa ng Bibliya. Maaaring maisip niya, “wala akong panahon dahil sa pagtatrabaho at pagtataguyod sa aking anak at pagaasikaso sa bahay at sa iba pang bagay.” Ngunit kahit na sa loob ng kalahating oras, habang natutulog ang kanyang anak o habang binabantayan ng isang kamaganak o kaibigan, maaari siyang maglaan ng panahon sa pananalangin sa Diyos at sa pakikinig sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos. Kahit mangahulugan ito ng hindi muna paghuhugas ng plato, makakatagpo siya ng kalakasan at kaaliwan na kanyang mararanasan sa buong maghapon. Ang pagmememorya ng mga talata gaya ng, “Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?” (Awit 118:6) o “Magagawa ko ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo” (Filipos 4:13) ay makatutulong upang magpaalala ng pag-ibig at pagiingat ng Diyos sa tuwing dumarating ang mga sandali ng kabagabagan.
Kaya ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos sa mga dalagang ina? Pareho rin ng sinasabi ng Salita ng Diyos para sa lahat ng tao. Magsisi sa mga kasalanan. Magtiwala kay Kristo para sa kapatawaran, makipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, makinig sa Kanya sa pamamagitan ng Kasulatan, magtiwala sa Kanya sa panahon ng mga pagsubok at ilagak ang pag-asa sa isang buhay na walang hanggan na kasama Niya sa kalangitan ayon sa Kanyang malaon ng panukala. “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya” (1 Corinto 2:9).
English
Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga dalagang ina?