Tanong
Sino ang dalawang saksi sa aklat ng Pahayag?
Sagot
May tatlong pangunahing pananaw sa pagkakakilanlan ng dalawang saksi sa Pahayag 11:3–12: 1) Si Moises at Elias; 2) Si Enoc at Elias; at 3) Dalawang hindi kilalang mananampalataya na tinawag ng Diyos upang maging mga saksi sa mga huling araw.
Isang posibilidad na ang dalawang saksi ay sina Moises at Elias dahil sa kapangyarihan ng dalawang saksi na gawing dugo ang tubig (Pahayag 11:6), isang himala na kilala si Moises (Exodo kabanata 7); at ang kanilang kapangyarihan na pumuksa ng tao sa pamamagitan ng apoy na mula sa langit (Pahayag 11:5), na kilala naman si Elias (2 Hari kabanata 1). Nagpapatibay din sa pananaw na ito ang katotohanan na nagpakita sina Moises at Elias kasama ni Hesus sa Kanyang pagbabagong anyo (Mateo 17:3–4). Dagdag pa rito, inaasahan sa tradisyon ng mga Hudyo na magbabalik sina Moises at Elias sa hinaharap. Hinulaan ni Malakias ang pagbabalik ni Elias, at may mga Hudyo na naniniwala sa pangako ng Diyos na muli Siyang tatawag ng isang propeta na gaya ni Moises (Deuteronomio 18:15, 18) at siya ring dahilan sa pagbabalik ni Moises.
Posible rin na ang dalawang saksing ito ay sina Enoc at Elias dahil sila ang tanging dalawang tao sa kasaysayan na hindi nakaranas ng kamatayan (Genesis 5:24; 2 Hari 2:11). Ang katotohanan na hindi namatay ang dalawang ito ang dahilan sa kamatayan at muling pagkabuhay ng dalawang saksi (Pahayag 11:7–12). Inaangkin ng mga nagsusulong ng pananaw na ito na ang sinasabi sa Hebreo 9:27 na minsan lamang mamatay ang tao ang nagdidiskwalipika kay Moises bilang isa sa dalawang saksi dahil namatay si Moises (Deuteronomio 34:5). Gayunman, may ilang tao sa Bibliya ang namatay na ng dalawang beses – halimbawa si Lazaro, Dorcas, at ang anak na babae ni Jairo —kaya walang sapat na dahilan upang hindi isama si Moises sa mga posibilidad.
Ang ikatlong pananaw ay ang pangangatwiran na hindi iniugnay sa dalawang saksi ang pangalan ng sinumang kilalang tao sa Bibliya. Kung ang dalawang saksing ito ay sina Moises at Elias o si Enoc at Elias, bakit tahimik ang Bibliya sa kanilang pagkakakilanlan? Perpektong may kakayahan ang Diyos na gamitin ang dalawang ordinaryong mananampalataya at bigyan sila ng kapangyarihan na gumawa ng mga tanda at himala na gaya nina Moises at Elias. Walang makikitang anumang dahilan sa Pahayag 11 para tayo maghaka-haka sa pagkakakilanlan ng dalawang saksi.
Aling pananaw ang tama? Hindi natin matitiyak. Ang posibleng kahinaan ng unang pananaw ay namatay na si Moises ng minsan kaya hindi na siya maibibilang sa dalawang saksi (dahil ang kanyang unang kamatayan ay sasalungat sa Hebreo 9:27); Gayunman, ikinakatwiran ng mga nanghahawak sa pananaw na ito na may mga tao na mahimalang binuhay na mag-uli sa Bibliya (halimbawa si Lazaro) ang muli ring namatay. Maituturing na ang Hebreo 9:27 ay pangkalahatang tuntunin ngunit hindi isang pangkalahatang prinsipyo. Gaya ng mga hula sa Bibliya tungkol sa pagdating ni Elias at ng isang propetang gaya ni Moises, malinaw ang sinasabi ng Bibliya na ang mga hulang ito ay ginanap na ni Juan Bautista at mismong ng Panginoong Hesu Kristo.
Walang malinaw na kahinaan sa ikalawang pananaw na ang dalawang saksi ay sina Enoc at Elias dahil sa problema na “minsan lamang mamatay ang tao.” Maaaring dinala ng Diyos sina Enoc at Elias sa langit at hindi pinaranas ng kamatayan upang iligtas sila at gamitin para sa isang espesyal na layunin kalaunan. Wala ring malinaw na kahinaan ang ikatlong pananaw.
Ang tatlong pananaw ay mga katanggap-tanggap na paliwanag, ngunit hindi natin lubusang matitiyak kung alin sa tatlo ang pinakatamang pananaw dahil hindi ipinaalam sa Bibliya ang kanilang pagkakakilanlan. Kaya nga, hindi dapat na maging dogmatiko ang mga Kristiyano sa isyung ito.
English
Sino ang dalawang saksi sa aklat ng Pahayag?