settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Daniel?

Sagot


Mababasa natin ang tungkol sa buhay ni Daniel sa kanyang sariling talambuhay sa aklat ng Daniel gayundin sa Ezekiel 14:14, 20 at 28:3. May ilang malaking pagkakahawig sa buhay ni Daniel at sa buhay ni Jose na anak ni Jacob. Pareho silang naging maganda ang kalagayan sa ibang bansa pagkatapos nilang maipaliwanag ang mga panaginip ng kanilang pinuno, at pareho silang itinaas ng ranggo sa korte ng hari dahil sa kanilang katapatan sa Diyos.

Pagkatapos na salakayin ni Nabucodonosor na hari ng Babilonia ang Jerusalem, pumili siya ng mga lalaki mula sa maharlikang lahi ng Israel na magagandang lalaki at nagpakita ng kakayahan sa pagkatuto para sanayin sa paraan ng mga taga-Babilonia. Pagkatapos ng tatlong taon ng pagsasanay, itatalaga sila sa paglilingkod sa hari (Daniel 1:1-6). Pinili si Daniel, na ang kahulugan ng pangalan ay "ang Diyos ang aking Hukom," at ang kanyang tatlong kababayan mula sa Juda at binigyan sila ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay naging "Belteshazzar," habang si Hananiah, Mishael, at Azariah ay naging "Shadrach," "Meshach," at "Abednego." Maaaring binigyan sila ng mga bagong pangalan na ganap na walang kaugnayan sa kanilang pangalang Hebreo para mapabilis ang pagkatuto ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan sa kultura ng Babilonia.

Napatunayan na sina Daniel at ang kanyang mga kasama ang pinakamatalino sa lahat ng mga nagsasanay at sa pagtatapos ng kanilang pagsasanay, naging tagapaglingkod sila ni haring Nabucodonosor. Ang unang tanda ng katapatan ni Daniel sa Diyos ay noong tanggihan niya at ng kanyang mga kaibigan ang mga pagkain at inumin mula sa hapag ng hari dahil itinuturing nilang ang pagkain sa mga pagkaing iyon ay kasalanan sa Diyos at nagdesisyon sila na kumain lamang ng gulay. Habang gumaganda ang kanilang kalusugan, pinahintulutan sila na pumili ng kanilang pagkain. Sa kanilang edukasyon, naging dalubhasa ang apat sa mga bagay-bagay patungkol sa Babilonia at binigyan ng Diyos si Daniel ng kakayahan na maunawaan ang lahat ng uri ng mga pangitain at panaginip (Daniel 1:17).

Sa ikalawang taon ng kanyang paghahari, nagulumihanan si Nabucodonosor dahil sa isang panaginip na hindi niya maipaliwanag. Dahil dito, iniutos ng hari sa kanyang mga madyikero, mangkukulam, mga espiritista at mga astrologo na ipaliwanag sa kanya ang kanyang panaginip. Nakahanda ang mga lalaking ito na ipaliwanag ang panaginip kung sasabihin sa kanila ng hari kung ano iyon, ngunit sinabi nila na ang paghahayag ng mismong panaginip ng hari ay imposible para sa sinuman. Iniutos ng hari na patayin ang lahat ng matatalinong tao sa kanyang kaharian, kabilang sina Daniel at ang kanyang tatlong kaibigan. Gayunman, humingi si Daniel ng tulong sa Diyos at dinala siya sa hari upang ipaliwanag ang panaginip. Agad na sinabi ni Daniel na sa nagiisang tunay na Diyos nanggaling ang kanyang kakayahan na makapagpaliwanag ng mga panaginip (Daniel 2:28). Ang pangunahing elemento ng panaginip ng hari ay magkakaroon isang araw ng isang kaharian ang Diyos na mananatili magpakailanman at pupuksain ng kaharian ng Diyos ang lahat ng kahariang itinayo ng tao (Daniel 2:44-45). Dahil sa kanyang karunungan, pinarangalan ni haring Nabucodonosor si Daniel at ginawang pinuno ng lahat ng matatalinong lalaki sa Babilonia. Sa kahilingan ni Daniel, inilagay din sa mataas na tungkulin bilang tagapamahala ng Babilonia ang kanyang tatlong kababayan.

Kalaunan, nagkaroon muli ng panaginip si haring Nabucodonosor, at muli itong naipaliwanag ni Daniel. Kinilala ng hari na nagtataglay si Daniel ng Espiritu ng kanyang Banal na Diyos (Daniel 4:9). Tama ang paliwanag ni Daniel sa panaginip ng hari. Pagkatapos na makaranas ng isang yugto ng pagkabaliw, ibinalik ng Diyos ang kalusugan ni haring Nabucodonosor at pinuri niya at pinarangalan ang Diyos ni Daniel bilang Diyos na pinakamataas sa lahat (Daniel 4:34-37).

Naging bagong hari ang anak ni Nabucodonosor na si Belsasar at sa isang piging, iniutos niya na dalhin sa kanya ang mga ginto at tansong kopa na ninakaw sa banal na templo sa Jerusalem para gamitin. Bilang tugon sa pagyurak sa mga banal na artikulong ito, nakakita si Belsasar ng kamay na nagsusulat sa pader. Hindi siya matulungan ng kanyang mga astrologo para basahin ang sulat, kaya't ipinatawag si Daniel para ipaliwanag iyon (Daniel 5:13-16). Bilang gantimpala sa pagpapaliwanag sa sulat, itinaas si Daniel sa posisyon sa kaharian ng Babilonia bilang ikatlo sa pinakamataas sa buong kaharian (talata 29). Nang gabing iyon, inihula ni Daniel na mapapatay ang hari sa labanan at ang kanyang kaharian ay aagawin ng hari ng Persia na si Ciro na Dakila, at si Dario na Medo ang magiging hari sa Babilonia.

Sa ilalim ng bagong pinuno, naging napakagaling ni Daniel sa pagganap ng kanyang mga tungkulin bilang isa sa mga tagapamahala hanggang sa punto na pinagisipan ni haring Dario na gawin siyang pinuno sa buong kaharian (Daniel 6:1-3). Ikinagalit ang ideyang ito ng ibang mga tagapamahala anupa't naghanap sila ng paraan para pabagsakin si Daniel. Wala silang makitang pagkakamali kay Daniel kaya pinagbalingan nila ang katapatan ni Daniel sa kanyang relihiyon. Sa pamamagitan ng paglalangis sa hari, sinulsulan ng mga tagapamahala si haring Dario na magisyu ng isang batas na nagbabawal sa pananalangin sa ibang Diyos maliban sa hari sa loob ng tatlumpung araw. Ang susuway ay itatapon sa kulungan ng mga leon. Hindi sumunod si Daniel sa utos at nagpatuloy siya sa pananalangin habang nakikita ng lahat sa tunay na Diyos. Dahil hindi itinago ni Daniel ang kanyang pananalangin sa Diyos, nakita siyang nananalangin at dinakip. Buong pagsisising iniutos ng hari na itapon si Daniel sa kulungan ng mga leon, ngunit nanalangin siya na nawa'y iligtas si Daniel ng kanyang Diyos (Daniel 6:16). Kinabukasan, nagpunta ang hari sa kulungan ng mga leon para kumustahin si Daniel. Buhay at malusog, sinabi ni Daniel sa hari na nagpadala ang Diyos ng isang anghel at isinarado ang bibig ng mga leon kaya't hindi siya sinaktan ng mga ito. Ang himalang ito ang dahilan ng paguutos ng hari na ang lahat ng kanyang nasasakupan ay sasamba sa Diyos ni Daniel. Patuloy na nanagana si Daniel sa buong paghahari ni haring Dario.

Kilala rin si Daniel sa mga hula sa panaginip at mga pangitain na ibinigay sa kanya ng Diyos at itinala niya ang mga iyon sa kanyang aklat. Nasasaklaw ng mga hula ni Daniel ang malawak na aspeto ng kasaysayan ng sangkatauhan. Hinulaan niya ang pagtatatag at pagbagsak ng imperyong Griyego at Romano at ang paglabas ng isang makapangyarihang hari na gagawin ang kanyang anumang magustuhan. "Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda" (Daniel 11:36). Ang hula ni Daniel tungkol sa 70 linggo ay tumutukoy sa isang Mesiyas na papatayin (Daniel 9:24–27). Nakita nating naganap ang hulang ito ni Daniel sa Panginoong Jesus. Ang natitira sa kanyang hula—ang ika-pitumpung linggo—ay matutupad sa mga huling araw. May iba pang mga hula si Daniel tungkol sa mga magaganap sa mga huling araw, at ang pangunawa sa kanyang mga hula ay mahalaga sa eskatolohiya (pagaaral sa mga magananap sa mga huling araw).

Nagpakita si Daniel ng hindi matatawarang integridad at dahil dito, tumanggap siya ng paggalang at pagmamahal ng mga makapangyarihang pinuno na kanyang pinaglingkuran. Gayunman, ang kanyang katapatan sa kanyang mga pinuno ay hindi naging dahilan para ikompromiso niya ang kanyang pananampalataya sa nagiisang tunay na Diyos. Sa halip na maging hadlang sa kanyang tagumpay, ang patuloy na pagsamba at paglilingkod ni Daniel sa Diyos ang naging dahilan ng paghanga ng mga hindi mananampalataya sa kanyang paligid. Sa pagpapaliwanag sa mga panaginip, agad niyang ibinabalik sa Diyos ang karangalan at hindi sa inaangkin sa kanyang sarili (Daniel 2:28).

Ang integridad ni Daniel bilang isang lalaki ng Diyos ang naging daan para siya bigyan ng pabor ng sekular na mundo ngunit tumanggi siyang ikompromiso ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Kahit na sa pananakot ng mga hari at mga pinuno, nanatiling tapat si Daniel sa kanyang pagtatalaga ng sarili sa Diyos. Itinuturo din sa atin ni Daniel na sinuman ang ating kausap, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, dapat natin silang tratuhin ng may kahabagan. Tingnan natin kung paano nagmalasakit si Daniel sa pagpapaliwanag sa ikalawang panaginip ni Nabucodonosor (Daniel 4:19). Bilang mga Kristiyano, tinawag tayo para sundin ang ating mga pinuno at mga tagapamahala na itinalaga ng Diyos para sa atin, at tratuhin natin sila ng may paggalang at kahabagan; gayunman, gaya ng ating makikita sa halimbawa ni Daniel, laging dapat na nauuna ang ating pagsunod sa Diyos sa halip na pagsunod sa tao (Roma 13:1–7; Gawa 5:29).

Dahil sa kanyang debosyon, kinalugdan si Daniel ng mga tao at ng Diyos (Daniel 9:20-23). Pansinin din sa mga talata kung ano ang sinabi ni Anghel Gabriel kay Daniel kung gaano kabilis na ipinadala sa kanya ng Diyos ang sagot sa kanyang panalangin. Nagpapakita ito kung gaano kahanda ang Diyos na pakinggan ang ating mga panalangin. Ang lakas ni Daniel ay nakasalalay sa kanyang pagtatalaga ng sarili sa pananalangin ay isang aral para sa ating lahat. Hindi lamang sa mga mahihirap na sitwasyon sa buhay tayo dapat na lumapit sa Diyos sa panalangin kundi araw-araw sa bawat sandali ng ating mga buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Daniel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries