Tanong
Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni David?
Sagot
Napakarami nating matututunan sa buhay ni David. Siya ay isang lalaking ayon sa puso ng Diyos (1 Samuel 13:13–14; Gawa 13:22)! Unang ipinakilala sa atin si David pagkatapos na pilitin ng mga tao ang Diyos na gawing hari si Saul (1 Samuel 8:5, 10:1). Hindi si Saul nakapasa sa pamantayan ng Diyos bilang hari. Habang patuloy na nagkakamali si haring Saul, isinugo ng Diyos si Samuel para hanapin ang Kanyang piniling hari, ang pastol na si David na anak ni Jesse (1 Samuel 16:10, 13).
Pinaniniwalaan na si David ay nasa 12 hanggang 16 na taong gulang ng pahiran ng langis ni Samuel bilang hari ng Israel. Siya ang pinakabata sa mga anak ni Jesse at sa pananaw ng tao, tila hindi siya karapat-dapat na piliin para maging isang hari. Inakala ni Samuel na si Eliab, ang pinakamatandang kapatid ni David ang hinirang ng Diyos. "Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso" (1 Samuel 16:7). Pito sa mga anak na lalaki ni Jesse ang dumaan sa harap ni Samuel, ngunit wala isa man sa kanila ang pinili ng Diyos. Si David na pinakabata sa lahat ay nagpapastol noon ng mga tupa. Kaya tinawag nila si David at pinahiran ni Samuel si David ng langis."Mula noon, sumakanya na ang Espiritu ni Yahweh" (1 Samuel 16:13).
Sinasabi din ng Bibliya na umalis ang Espiritu ng Panginoon mula kay haring Saul at pinahirapan siya ng isang masamang espiritu (1 Samuel 16:14). Ipinayo ng mga alipin ni Saul na magpatawag siya ng manunugtog ng flauta at inirekomenda ng isa sa kanyang mga tagapayo si David na sinasabi, "Si Jesse na isang taga-Bethlehem ay may isang anak na magaling tumugtog. Siya po ay matapang na mandirigma, mahusay magsalita at magandang lalaki. Nasa kanya si Yahweh" (1 Samuel 16:18). Dahil dito naging tagapaglingkod ni haring Saul si David (1 Samuel 16:21). Nasiyahan si Saul sa batang si David at naging isa si David sa mga tagadala ng kanyang kalasag.
Agad na naglaho ang kasiyahan ni Saul kay David ng makilala ito at naging isang magaling na mandirigma. Sa isa sa mga pinakakilalang kuwento sa Bibliya, pinatay ni David si Goliath. Nakikipagdigmaan noon ang mga Filisteo sa mga Israelita at kinakantyawan ng kanilang kampeong si Goliath na mula sa Gat ang pwersang militar ng Israel. Iminungkahi nila na magkaroon ng duwelo sa pagitan ni Goliath at ng sinumang mandirigma sa Israel na mangangahas lumaban sa kanya. Ngunit wala ni isa man sa hukbo ng Israel ang nais lumaban kay Goliath dahil sa takot. Ang mga kapatid ni David ay kabilang sa mga kawal ng Israel; pagkatapos na kantyawan ni Goliath ang mga Israelita sa loob ng apatnapung araw, binisita ni David ang kanyang mga kapatid sa labanan at narinig ang pagyayabang ni Goliath. Itinanong ng batang pastol, "Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?" (1 Samuel 17:26). Nagalit ang mga nakatatandang kapatid ni David at inakusahan si David ng kayabangan at sinabing dumating para lamang manood sa labanan. Ngunit patuloy na nagtanong si David tungkol sa isyu.
Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. Pagdating kay Saul, sinabi ni David, "Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya" (1 Samuel 17:32). Hindi naniniwala si Saul na kayang gawin ito ni David dahil hindi ito nagsanay bilang isang kawal. Ang tanging maipagmamalaki ni David ay ang kanyang pagiging isang pastol, at laging maingat na pagbibigay ng papuri sa Diyos. Pumatay si David ng mga leon at oso na sumisila sa kanyang mga tupa at inangkin niya na mamamatay ang higanteng Filisteo dahil sa "ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy." Idinugtong pa ni David, "Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon" (1 Samuel 17:36–37). Pumayag si Saul sa kundisyon na susuutin ni David ang kanyang kalasag sa pakikipaglaban. Ngunit hindi sanay si David sa pagsusuot ng kalasag kaya't iniwanan nito ang kalasag ni Saul. Dinala lamang ni David ng kanyang tirador at nanguha ng limang makikinis na bato, ang kanyang bag sa pagpapastol at ang kanyang tungkod. Hindi natakot si Goliath kay David ngunit hindi rin natakot si David sa higante. Sinabi ni David kay Goliath, "Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel" (1 Samuel 17:45–46). Ang pagtitiwala ni David sa Diyos at ang Kanyang sigasig para sa Kanyang kaluwalhatian ay kahanga-hanga. Pinatay ni David si Goliath. Naging isa rin siyang ganap na mandirigma sa hukbo ni Saul at hindi na muling nagpastol ng mga tupa ng kanyang ama.
Dumating ang panahon na ang anak ni Saul na si Jonathan ay "napamahal kay David" (1 Samuel 18:1). Malaki ang aral na makukuha natin ngayon sa pagkakaibigan nina David at Jonathan. Bagama't hari ang kanyang ama at siya ang dapat magmama ng trono, pinili ni Jonathan na suportahan si David. Naunawaan at tinanggap niya ang plano ng Diyos at pinrotektahan ang kanyang kaibigang si David laban sa kanyang mamamatay-taong ama (1 Samuel 18:1–4, 19—20). Inilalarawan ni Jonathan ang kapakumbabaan at walang kundisyong pag-ibig (1 Samuel 18:3; 20:17). Sa panahon ng paghahari ni David pagkatapos na mamatay si Saul at Jonathan, humanap si David ng sinumang nanggaling sa lahi ni Jonathan at nagpakita siya ng kagandahang loob sa mga ito alang-alang kay Jonathan (2 Samuel 9:1). Malinaw na parehong minahal at pinarangalan ng dalawa ang isa't isa.
Pagkatapos ng insidente kay Goliath, nakilala ng husto si David sa buong kaharian. Ang sigawan sa kampo ay masakit sa tenga ni Saul dahil umawit ang mga tao ng mga papuri para kay David at minaliit si haring Saul na siyang dahilan ng hindi humuhupang galit at selos ni Saul kay David (1 Samuel 18:7–8).
Nagwakas sa pagpatay ang pagseselos ni Saul kay David. Una niyang sinubukang patayin si David sa pamamagitan ng pagaalok dito na maging kanyang manugang. Inialok ni Saul ang kanyang anak na babae para sa paglilingkod ni David sa kanyang hukbo. Sa kababaang loob, tumutol si David at ibinigay ni Saul ang kanyang anak na babae sa ibang lalaki (1 Samuel 18:17–19). Umibig ang isa pang anak na babae ni Saul na ang pangalan ay Micol kay David kaya't muling inalok ni Saul si David. Muling tumanggi si David dahil sa kawalan ng kayamanan at ng kakayahan na magbayad ng halaga para kay Micol na anak ng hari. Hininging kapalit ni Saul ang pinagtulian ng isandaang Filisteo at umasa ito na mapapatay si David ng kanyang mga kaaway. Nang makapatay si David ng dalawandaang Filisteo at dinoble ang hinihinging kabayaran para kay Micol, natanto ni Saul na wala siyang laban kay David at lalong sumidhi ang kanyang pagkatakot dito (1 Samuel 18:17–29). Binalaan ni Jonathan sina Micol at David sa plano ni Saul na patayin si David at ginugol ni David ang mga sumunod na taon ng kanyang buhay sa pagtakas mula sa hari. Sumulat si David ng ilang mga awit sa panahong ito, kabilang ang Awit 57, 59, at 142.
Bagama't hindi tumigil si Saul sa paghabol kay David para ito patayin, hindi kailanman gumanti o nagtangka si David na saktan ang kanyang hari at hinirang ng Diyos (1 Samuel 19:1–2; 24:5–7). Nang mamatay si Saul, nagluksa si David (2 Samuel 1). Kahit na alam ni David na siya ang piniling kahalili ni Saul, hindi niya pinilit na maging hari ayon sa kanyang sariling kagagawan. Iginalang niya ang kapamahalaan ng Diyos at iginalang ang mga pinuno na inilagay ng Diyos at nagtiwala na gagawin ng Diyos ang Kanyang kalooban ayon sa Kanyang itinakdang panahon.
Habang tumatakas kay Saul, bumuo si David ng isang malakas na hukbong sandatahan at sa kapangyarihan ng Diyos, tinalo niya ang sinumang humarang sa kanyang daranaan na laging hinihingi muna sa Diyos ang Kanyang pagsang-ayon at tagubilin bago sumuong sa labanan, isang saloobin na kanyang ipinagpatuloy bilang hari (1 Samuel 23:2–6; 9–13; 2 Samuel 5:22-23). Nang maging hari, nanatili si David na isang makapangyarihang pinuno at sundalo. Inalala sa ikalawang Samuel 23 ang mga tagumpay ni David at ang tinatawag na "magigiting na lalaki ni David." Pinarangalan at ginantimpalaan ng Diyos si David at pinagkalooban siya ng tagumpay sa lahat ng kanyang ginawa (2 Samuel 8:6).
Nagsimulang kumuha ng mga asawa si David. Naging asawa niya si Abigail, isang balo sa Carmel noong panahong tumatakas siya kay Saul (1 Samuel 25). Naging asawa din ni David si Ahinoam ng Jezreel. Ibinigay ni Saul ang unang asawa ni David na si Micol sa ibang lalaki (1 Samuel 25:43–44). Pagkamatay ni Saul, pinahiran ng langis si David bilang hari sa publiko sa angkan ni Juda (2 Samuel 2:4), at kinailangan niyang labanan ang angkan ni Saul bago maging ganap na hari sa buong Isarael sa edad na tatlumpo (2 Samuel 5:3–4). Nang maging hari, muli niyang kinuha si Micol bilang asawa (2 Samuel 3:14). Nilupig din ni David ang Jerusalem at binawi iyon mula sa mga Jebuseo at lumawak ng lumawak ang kanyang kapangyarihan dahil kasama niya ang makapangyarihang Panginoon (2 Samuel 5:7).
Nabihag ng mga Filisteo ang Kaban ng Tipan sa panahon ni Saul (1 Samuel 4). Pagbalik nito sa Israel, nanatili ang kaban sa isang bahay sa Kiriath Jearim (1 Samuel 7:1). Nais ni David na ibalik ang Kaban sa Jerusalem. Ngunit hindi sinunod ng buo ni David ang mga tagubilin sa pagdadala ng kaban at kung sino ang dapat na pumasan dito. Naging dahilan ito ng kamatayan ni Uzzah na sa gitna ng mga selebrasyon ay hinawakan nito ang kaban upang protektahan. Sinaling ng Diyos si Uzzah at namatay ito sa tabi ng kaban (2 Samuel 6:1–7). Dahil sa takot sa Panginoon, ipinagpaliban ni David ang pagkuha sa kaban at hinayaan itong manatili sa bahay ni Obed-Edom (2 Samuel 6:11).
Pagkalipas ng tatlong buwan, ipinagpatuloy ni David ang planong pagbabalik ng kaban sa Jerusalem. Sa pagkakataong ito, sinunod niya ang mga tagubilin ng Diyos sa pagdadala ng kaban. Sumayaw din siya ng buong kaya sa harapan ng Panginoon (2 Samuel 6:14). Nang Makita ni Micol na nagpupuri si David sa ganitong paraan, "ikinahiya niya ito sa kanyang puso" (2 Samuel 6:16). Tinanong niya si David kung paanong bilang hari ay nakaya niyang gawin ang gayong kahihiyan sa harap ng mga tao. "Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko" (2 Samuel 6:21–22). Naunawaan ni David na ang tunay na pagsamba ay para lamang sa Diyos. Hindi tayo sumasamba ayon sa pananaw ng iba kundi dahil sa ating mapagpakumbabang tugon sa Diyos (Juan 4:24).
Pagkatapos na manirahan si David sa palasyo at makipagpayapa sa kanya ang kanyang mga kaaway, ninais niyang magtayo ng templo para sa Panginoon (2 Samuel 7:1–2). Unang sinabi ni propeta Nathan kay David na gawin niya ang kanyang nais. Ngunit pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Nathan na hindi si David ang magtatayo ng templo para sa Kanya. Sa halip, ipinangako ng Diyos na itatatag niya ang angkan ni David sa trono ng Israel. Kasama sa pangakong ito ang hula na si Solomon ang magtatayo ng templo. Ngunit binanggit din ang pagdating ng Mesiyas (si Jesus), ang Anak ni David na maghahari magpakailanman (2 Samuel 7:4–17). Tumugon si David sa kapakumbabaan at pagkamangha: "Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh (2 Samuel 7:18; tingnan din ang 2 Samuel 7:18–29 para sa buong panalangin ni David). Bago siya namatay, gumawa si David ng paghahanda para sa templo. Ang dahilan ng Diyos sa hindi pagpayag kay David na magtayo ng templo ay ang pagbububo ni David ng napakaraming dugo, ngunit ang anak ni David ay magiging isang lalaki ng kapayapaan at hindi ng digmaan. Si Solomon ang magtatayo ng templo (1 Cronica 22).
Ang dahilan ng sobrang pagbububo ng dugo ni David ay dahil sa kanyang pakikipagdigma. Sa isang nakahihilakbot na insidente, namatay din ang isa sa magigiting na kawal ni David. Bagama't si David ay isang lalaki na ayon sa puso ng Diyos, siya din ay isang taong makasalanan. Habang nakikipaglaban ang kanyang mga kawal isang tagsibol, nanatili si David sa palasyo. Mula sa bubungan, nakita niya ang isang magandang babaeng naliligo. Nalaman niya na ang babeng iyon ay si Batsheba na asawa ni Urias na isang Heteo, isa sa kanyang magigiting na kawal na nasa digmaan. Ipinakuha ni David si Bathsheba. Sinipingan ni David si Bathsheba at nabuntis niya ito. Ipinatawag ni David si Urias mula sa labanan at umasa na matutulog ito at sisipingan ang kanyang asawa para mapaniwala na kanyang anak ang isisilang ni Batsheba. Ngunit tumanggi si Urias na umuwi sa kanyang bahay habang nakikipagdigma ang kanyang mga kasama. Kaya nagpadala si David ng sulat kay Urias para hayaan itong mamatay sa digmaan. Pagkamatay ni Urias, kinuha ni David si Bathsheba para maging asawa (2 Samuel 11). Ipinapakita ng insidenteng ito sa buhay ni David na kahit ang mga taong ating sobrang iginagalang ay nakikipaglaban din sa kasalanan. Nagsisilbi din itong babala sa atin laban sa mabilis na pagdami ng tukso at pagbagsak sa kasalanan.
Kinompronta ni propeta Nathan si David tungkol sa kanyang kasalanan kay Bathsheba. Tumugon si David sa pamamagitan ng pagsisisi. Isinulat niya ang Awit 51 sa panahong ito. Sa Awit na ito natin makikita ang kapakumbabaan ni David at ang kanyang tunay na saloobin para sa Panginoon. Bagama't sinabi ni Nathan kay David na mamamatay ang kanyang anak kay Bathsheba dahil sa kanyang kasalanan, nagmakaawa si David sa Panginoon para sa buhay ng kanyang anak. Napakalapit ng relasyon ni David sa Diyos na anupa't handa siyang magpumilit sa pananampalataya at pag-asa na magbabago ang isip ng Diyos. Nang ilapat ng Diyos ang Kanyang hustisya, ganap iyong tinanggap ni David (2 Samuel 12). Sa kuwentong ito, makikita din natin ang biyaya at kapamahalaan ng Diyos. Si Solomon na pumalit sa trono ni David na pinanggalingan ni Jesus ay pangalawang anak ni David kay Batsheba.
Sinabi din ng Diyos kay David na laging may mamamatay sa tabak sa kanyang angkan dahil sa kanyang mga kasalanan. At mula nga noon, nagkaroon ng problema sa pamilya ni David. Ang ilan sa mga ito ay ang panggagahasa ni Amnon kay Tamar na naging dahilan ng pagpatay ni Absalom kay Amnon at ng pag-agaw ni Absalom sa trono kay David. Sinabi din ni Nathan kay David na ang kanyang mga asawa ay sisipingan ng isa sa malapit sa kanya; at hindi iyon magaganap ng lihim gaya ng kanyang ginawa kay Bathsheba kundi sa publiko. Naganap ang hulang ito ng sipingan ni Absalom ang mga asawa ng kanyang ama sa bubungan ng palasyo na nakikita ng lahat (2 Samuel 16).
Si David ang manunulat ng marami sa mga Awit. Sa kanyang mga sinulat, makikita natin kung paano niya hinanap at niluwalhalti ang Diyos. Lagi siyang itinuturing bilang isang pastol na naging hari at isang mandirigmang manunulat. Tinatawag siya ng Kasulatan na "kalugod-lugod na mangaawit ng Israel" (2 Samuel 23:1). Ang buhay ni David ay puno ng emosyon ng tao—isang karaniwang batang pastol na may malaking pananampalataya sa katapatan ng Diyos na iginalang ang kanyang mga pinuno, tumakas para iligtas ang kanyang buhay, at naging isang hari na naging pamantayan ng lahat ng sumunod na hari sa Israel. Umani siya ng maraming tagumpay sa digmaan. Bumagsak din siya sa isang malaking kasalanan, at nagdusa ang kanyang pamilya dahil doon. Ngunit sa lahat ng ito, lumapit si David sa Diyos at nagtiwala sa Kanya. Kahit na sa kanyang mga sinulat na Awit, noong pinanghihinaan siya ng loob, makikita natin na itinataas niya ang Kanyang mga mata sa kanyang Manlilikha at pinuri Siya sa lahat ng sitwasyon. Ang pagtitiwalang ito sa Diyos at ang kanyang patuloy na paghahangad ng mabuting relasyon sa Diyos ay isa sa mga dahilan kung bakit siya tinawag na isang lalaking ayon sa puso ng Diyos.
Ipinangako ng Diyos kay David ang isang haring magmumula sa kanyang angkan na ang paghahari ay magpakailanman. Ang walang hanggang haring iyon ay si Jesus, ang Mesiyas, ang "Anak ni David."
English
Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni David?