settings icon
share icon
Tanong

Mahalaga ba ang pagdedebosyon ng pamilya?

Sagot


Mahalaga ang debosyon ng pamilya para sa paglago ng buhay espiritwal sa labas ng simbahan upang maging mas aktibo at masidhi ang pananampalataya ng bawat isang miyembro. Ngunit ano ang ibig sabihin ng debosyong pampamilya?

Ang debosyong pampamilya ay isang itinakdang oras kung kailan ang mga magulang at mga anak ay magkakasamang nananalangin at nagaaral ng Bibliya. Ito ay isang itinakdang panahon upang magpalakasan sa isa't isa at paigtingin ang pagkakaisa at magkaroon ng iisang direksyon sa loob ng pamilya.

Ang pagiging intensyonal sa pagkakaroon ng panahon sa debosyon at paghubog sa pamilya sa pagkakaroon ng ganitong kaugalian ay mahalaga. Maaaring maging mitsa ang debosyong pampamilya sa pagkakaroon ng malalim na relasyon sa mga anak at samantalahin ang mga oportunidad na maipanalangin sila at manalanging kasama nila. Habang maaaring kailanganin ang pagbabago sa karaniwang iskedyul ng bawat miyembro ng pamilya, ang pagtatakda ng isang panahon sa debosyong pampamilya ay magdudulot ng masaganang pagpapala sa paglagong espiritwal ng bawat isa.

Malibang tayo mismong mga magulang ang magkaroon ng disiplina sa pagdedebosyon at pagaaral ng Salita ng Diyos sa ating sariling mga buhay una sa lahat, ang pagkakaroon ng debosyong pampamilya ay magiging kakaiba para sa ibang miyembro ng pamilya. Ngunit ang pagnanais na magsimula sa pagkakaroon ng personal na debosyon ay isang modelo para sa ating mga anak habang aktibo tayong nakikipagrelasyon sa buhay na Diyos. Ang ating sariling pagtatalaga sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin ay isang magandang patotoo bilang mga magulang tungkol sa ating pagpapahalaga sa ating sariling paglagong espiritwal. Kung ginagawa natin ang gawaing ito kasama ang ating mga anak, isang kahanga-hangang paglalakbay sa hinaharap ang inaasahan kasama ang ating mga anak. Ang katapatan at katiyagaan ang susi!

Ang layunin ay palakihin ang ating mga anak na nananatiling tapat sa Diyos hanggang sa kanilang pagtanda. Nais nating magpalaki ng mga anak na ginagamit ang panalangin, ang Salita ng Diyos, at ang matibay na pundasyon ng pamilya, mga kaibigan at komunidad ng iglesya bilang gabay sa kanilang pagdedesisyon sa buhay, sa pag-abot sa kanilang mga pangarap at sa kanilang mga relasyon.

Sinabi ng Diyos sa basnang Israel, "Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga" (Deuteronomio 6:6–7). Sinasabi sa atin sa Efeso 6:4, "Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon." Malinaw na dapat na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa daan ng Panginoon. Ang pakikipagrelasyon sa Diyos na magkakasama bilang isang pamilya sa pamamagitan ng panalangin at pagaaral ng Bibliya ay isang napakagandang paraan upang makamit ito. Sa pagdedebosyon bilang isang pamilya, hindi lamang natin natuturuan ang ating mga anak kundi nagiging modelo din tayo sa paguugali na maaaring maging sanhi ng kanilang paglagong espiritwal. Maraming beses na nahahamon ang ating pananampalataya sa ating pagtuturo sa ating mga anak. Mahalaga ang pagdedebosyon bilang isang pamilya para sa paglagong espiritwal ng buong pamilya.

Sa pagdedebosyon bilang isang pamilya, nakakapagtuon tayo ng pansin sa paghubog sa karakter ng ating mga anak. Gumamit ng mga talatang napapanahon sa sitwasyon at pangangailangan ng pamilya. Ito ang magbibigay daan upang maunawaan ng mga bata na maaari nilang ilapat sa pangaraw-araw nilang buhay ang mga katotohanan sa Bibliya kahit sa panahong ito. Makakatulong din ito upang kanilang malaman na mapagmalasakit at mapagmahal ang Diyos Ama at kasama natin Siya upang gumabay at magbigay sa atin ng karunungan sa ating pangaraw-araw na pamumuhay.

Habang tumatanda ang mga anak, makakatulong ang debosyong pampamilya upang ikonekta ang doktrina at teolohiya sa mga karanasan nila sa buhay. Ang pagkukumpara din sa ibang sistema ng pananampalataya ang tutulong sa kanila upang mahubog ang kanilang kakayahang mag-analisa upang mahubog pa ang kanilang pananampalataya.

Maliban sa debosyong pampamilya, maging mapagbantay sa mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos para makapagturo ng Kanyang Salita. Bihira, napakahalaga at hindi itinatakda ang ganitong mga pagkakataon. Ang mga pagkakataon na nagtatanong ang isang anak o nagpapahayag ng kanyang obserbasyon sa buhay ay mga oportunidad upang ibahagi ang pag-ibig at pagmamalasakit sa kanya ng Diyos. Maaaring hindi mo masagot ang isang katanungan sa isang partikular na sandali, ngunit maaari mong ipaalam sa iyong anak na narinig mo siya, pinahahalagahan mo ang kanyang katanungan at sasaliksikin ninyong magkasama ang kasagutan. Nagbubukas ito ng mga pintuan para sa pakikipagusap at nagiging isang buhay na representasyon ng pagkatawag sa atin ng Diyos ayon sa Efeso 6:4.

Maaaring maging bahagi ang debosyong pampamilya sa isang kahanga-hangang paglalakbay na magkakasama sa Panginoon. Maaari itong magpayabong sa pananampalataya ng ating mga anak, susuporta at magpapaunlad sa isang mas malaking bahagi ng komunidad ng pananampalataya.

Ang debosyong pampamilya ang susi sa pagpapalang tinutukoy sa Santiago 1:25: "Ang taong nagsasaliksik (kasama ang lahat ng miyembro ng pamilya) at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mahalaga ba ang pagdedebosyon ng pamilya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries