settings icon
share icon
Tanong

Deconstructionism – ito ba ay isang tamang paraan ng interpretasyon sa Bibliya?

Sagot


Ang deconstructionism ay isang teorya ng tekstwal na kritisismo o interpretasyon sa Bibliya na naniniwala na walang iisang tamang kahulugan ang mga teksto sa Bibliya. Sa puso ng teorya ng interpretasyon ng deconstructionism ay ang dalawang pangunahing ideya. Una, ang ideya na walang talata o teksto ang maaaring magpahayag ng iisang mapagkakatiwalaan, hindi nagbabago at maliwanag na mensahe para sa sinumang nakikinig o nakakabasa. Ikalawa, ang mga manunulat ng teksto ay hindi responsable sa nilalaman ng kanyang sinulat kaysa sa mga impersonal na pwersa ng kultura gaya ng lengwahe at hindi namamalayang ideolohiya. Kaya nga ang pinakapangunahing palagay ng deconstructionism ay salungat sa malinaw na katuruan ng Ebanghelyo na may nagiisang katotohanan at maaari natin itong malaman (Deuteronomio 32:4; Isaias 65:16; Juan 1:17-18; Juan 14:6; Juan 15:26-27; Galacia 2:5).

Ang paraan ng interpretasyon sa Bibliya ng mga deconstructionist ay nagmula sa pananaw ng modernismo kaya nga ito ay isang simpleng pagtanggi sa pagkakaroon ng nagiisang katotohanan, na isa sa pinakamapanganib na lohika na maaaring magkaroon ang sinuman. Ang pagtanggi sa nagiisang katotohanan ay isang kamalian sa lohika at isang pananaw na kinokontra ang sarili. Walang sinuman ang makatatanggi sa iisang katotohanan dahil ang paggawa nito ay isang pagpwersa na magpahayag ng nagiisang katotohanan – na walang nagiisang katotohanan. Kung inaangkin ng sinuman na walang bagay na matatawag na nagiisang katotohanan, tanungin mo siya, “Tiyak ka ba sa pananaw na iyan?” kung sabihin niya na “oo,” kung gayon nagpahayag siya ng nagiisang katotohanan na kontra sa kanyang sariling paniniwala.

Gaya ng iba pang pilosopiya na nagmula sa post modernism, itinataas ng deconstructionism ang kalayaan ng tao at pinagpapasyahan kung ano ang katotohanan sa pamamagitan ng katalinuhan ng tao. Kaya nga, ayon sa isang post-modernist, ang lahat ng katotohanan ay nagbabago at walang nagiisang katotohanan. Sa kaibuturan ng postmodernism at deconstructionism ay ang pagmamataas. Iniisip ng isang deconstructionist na kaya niyang matuklasan sa kanyang sariling kakayahan ang personal o pangmaramihang motibo sa likod ng sinasabi ng Kasulatan at dahil dito, kaya niyang malaman kung “ano talaga ang sinasabi” ng Kasulatan. Ang resulta nito ay isang pansariling interpretasyon sa mga talatang pinagaaralan. Sa halip na tanggapin ang aktwal na itinuturo ng Bibliya, napakamapagmataas ng isang deconstructionist sa pagaangkin na kaya niyang malaman ang motibo sa likod ng mga isinulat sa Bibliya at kaya niyang malaman ang “tunay” at “nakatagong” kahulugan ng mga teksto. Gayunman, kung ituturing na lohikal na konklusyon ang pananaw ng deconstructionism, ang mga natuklasan ng mga deconstructionist ay kailangan din nilang muling ianalisa upang maunawaan kung ano talaga ang nasa likod ng kanilang interpretasyon. Ang walang katapusang paikot ikot na pangangatwirang ito ay isang kabiguan. Sa tuwing iniisip ng isang tao kung gaano kadepektibo ang pananaw na ito, dapat nating alalahanin ang sinasabi sa 1 Corinto 3:19, “Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.’”

Hindi pinagaaralan ng isang deconstructionist ang Bibliya upang malaman ang layunin ng manunulat sa halip, sinisikap niya na malaman ang motibong pangkultura at pangsosyedad sa likod ng mga Kasulatan. Limitado lamang ng kanyang imahinasyon ang isang deconstructionist sa kanyang interpretasyon sa Kasulatan. Para sa isang deconstructionist, walang tama o maling interpretasyon at ang kahulugan ng teksto ay kung ano ang gustong ipakahulugan ng mambabasa. Hindi natin maubos maisip kung ano ang mangyayari sa mga legal na dokumento gaya ng Huling Testamento ng namatay kung uunawain ang mga ito sa ganitong paraan. Nabigong kilalanin ng ganitong paraan ng pangunawa sa Kasulatan ang pundasyong katotohanan na ang Bibliya ay ang paraan ng pagpapakilala ng Diyos sa sangkatauhan at ang kahulugan ng mga talata sa Bibliya ay nagmula sa Diyos at hindi sa tao.

Sa halip na magaksaya ng panahon sa pakikipagdebate sa isang deconstructionist, dapat nating ituon ang ating pansin sa pagtatampok sa Panginoong Hesu Kristo at pagbibigay diin sa kasapatan at awtoridad ng Kasulatan. Ipinahayag sa Roma 1:21-22 ang kalagayan ng mga naniniwala sa teorya ng post modernism gaya ng deconstructionism: “Kahit na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Deconstructionism – ito ba ay isang tamang paraan ng interpretasyon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries