Tanong
Ano ang deism / deismo? Ano ang pinaniniwalaan ng mga deista?
Sagot
Sa esensya, ang deismo ay ang paniniwala na mayroong Diyos ngunit hindi Siya direktang sangkot sa mga nangyayari sa mundo. Inilalarawan ng deismo ang Diyos na tulad sa isang dakilang "manggagawa ng orasan" na pagkatapos na gawin at paganahin ay iniwanan at pinabayaan na iyon. Naniniwala ang isang deista na umiiral ang Diyos at nilikha Niya ang mundo, ngunit hindi Siya direktang nakikialam sa Kanyang nilikha. Tinatanggihan ng mga deista ang Trinidad, ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya, ang pagkadiyos ni Kristo, ang mga himala, at ang supernatural na gawain ng pagtubos ni Jesus sa makasalanan at ang kaligtasan. Para sa deismo, hindi sangkot ang Diyos sa mga nangyayari sa mundo at hindi Siya nagmamalasakit sa tao. Isang sikat na deista si Thomas Jefferson at lagi niyang tinutukoy sa kanyang mga panulat ang salitang "probidensya" para sa mga nangyayari sa mundo sa halip na direktang pagkilos ng Diyos.
Tahasang hindi naaayon sa Bibliya ang deismo. Punong-puno ang Bibliya ng mga tala ng mga himala. Sa katotohanan, ang buong Bibliya ay ang mismong talaan ng pagkilos ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Sinasabi sa Daniel 4:34-35, "Pagkatapos ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman. Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan, ang paghahari niya'y magpakailanman. Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga; ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makakatutol sa kanyang ginagawa?" Ang mundo, ang buong kasaysayan, at ang buong sangkatauhan ay pawang kumpol lamang ng putik sa mga kamay ng Diyos (Roma 9:19-21). Ang pinakadakilang "pakikialam" ng Diyos sa Kanyang sangnilikha ay noong Siya'y magkatawang tao sa Persona ni Jesu Cristo (Juan 1:1, 14; 10:30). Namatay si Jesu Cristo, ang Diyos sa anyong laman, upang tubusin ang Kanyang sangnilikha mula sa kasalanan na ipinasan Niya sa kanyang sarili (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21).
Madaling maunawaan kung bakit maituturing na isang lohikal na posisyon ang deismo. May ilang mga bagay sa mundo na tila nagbabadya na hindi aktibo ang Diyos sa mga nangyayari sa mundo. Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay sa mundo? Bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga inosenteng tao? Bakit hinahayaan ng Diyos na magkaroon ng kapangyarihan ang masasamang tao? Tila ang katuruan tungkol sa isang inaktibong Diyos ang sagot sa mga suliraning ito. Gayunman, hindi ipinakikilala ng Bibliya na ang hindi aktibo o hindi nagmamalasakit ang Diyos. Ipinakikilala ng Bibliya ang Diyos na may ganap na kapamahalaan, bagama't hindi Siya kayang maunawaan sa Kanyang kabuuan. Imposible para sa atin na ganap na maunawaan ang Diyos at ang Kanyang mga kaparaanan. Ipinapaalala sa atin ni Pablo sa Roma 11:33-34, "Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat, "Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon? Sino ang maaaring maging tagapayo niya?" Idineklara ng Diyos sa Isaias 55:9, "Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan."
Hindi dapat na maging dahilan ang ating kabiguan na maunawaan ang Diyos at ang Kanyang mga pamamaraan para magduda tayo sa Kanyang pagiral (ateismo at agnostisismo) at sa Kanyang pagkilos sa ating mundo (deismo). Umiiral ang Diyos at aktibong kumikilos sa ating mundo. Ang lahat ng nagaganap sa mundo ay nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at kapangyarihan. Sa katunayan, isinaayos Niya ang lahat sa simula pa lamang upang ganapin ang Kanyang walang hanggang plano. "Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin…" (Isaias 46:10-11). Tahasang hindi ayon sa Bibliya ang deismo. Ang pananaw na ito ay isang simpleng kabiguan sa pagtatangkang ipaliwanag ang hindi kayang ipaliwanag ng isip ng tao.
English
Ano ang deism / deismo? Ano ang pinaniniwalaan ng mga deista?