Tanong
May kakayahan ba ang mga demonyo/masamang espiritu na sumapi sa mga bagay na walang buhay gaya ng alahas o rebulto?
Sagot
Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang ideya na may kakayahan ang mga demonyo/masasamang espiritu na sumapi sa mga pisikal na bagay na walang buhay. Sa katotohanan ang paniniwalang ito ay kasama sa mga pamahiin at mga gawain ng mga kulto at hidwang pananampalataya.
May mga nagsasabi na ang mga talata gaya ng Gawa 19:19, kung saan sinunog ng mga dating salamangkero ang kanilang mga aklat tungkol sa mahika ay nagpapatunay na ang mga bagay na iyon ay sinasapian ng mga demonyo. Ngunit hindi ito ang itinuturo ng talata. Sinunog ng mga bagong mananampalatayang ito ang kanilang mga aklat tungkol sa mahika upang maiwasang kumalat pa ang kasinungalingan at upang ipakita na sila'y mga mananampalataya na ni Hesus.
Itinala sa Bibliya ang mga kuwento tungol sa mga hindi mananampalataya na pinahihirapan o sinasapian ng mga demonyo. Ngunit ang mga kuwentong iyon ay hindi tungkol sa pagsapi o pagdikit ng mga demonyo sa mga bagay bagay na walang buhay. Maaaring makatawag ng pansin ang mga gamit sa okultismo sa mga masasamang espiritu at dahil ginagamit nila ang mga bagay bagay sa kanilang gawain, maaaring maakit ang masasamang espiritu sa mga bagay na iyon. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na nakasapi mismo sa mga bagay na ito ang mga demonyo. Kung lalapit kay Kristo ang mga taong nakibahagi sa mga gawain ng okultismo, lagi silang pinapayuhan na umiwas sa mga kagamitan at aklat tungkol sa okultismo, hindi dahil ang mga bagay na iyon ay may mga demonyo kundi dahil ang mga bagay na iyon ay maaaring pagmulan pa ng tukso na gamiting muli sa hinaharap.
Ang mga mananampalataya ni Kristo ay hindi dapat na matakot sa mga demonyo, bagama't dapat tayong maging mapagbantay at alerto sa kanilang mga pagtukso (1 Pedro 5:8). Ang susi ay ang pagpapasakop sa Diyos at paglakad sa katotohanan araw-araw: "Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo" (Santiago 4:7). Ang mga naglagak ng kanilang pananampalataya kay Kristo ay walang dapat katakutan ayon sa pahayag ni Apostol Juan, "Mga anak, kayo'y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan" (1 Juan 4:4).
English
May kakayahan ba ang mga demonyo/masamang espiritu na sumapi sa mga bagay na walang buhay gaya ng alahas o rebulto?