settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sinasapian o sa pagsapi ng demonyo?

Sagot


Makikita sa Bibliya ang ilang halimbawa ng mga taong sinapian o naimpluwensiyahan ng demonyo. Mula rito, makakakita tayo ng ilang mga palatandaan kung ang isang tao ay sinasapian o may impluwensiya ng demonyo at malalaman din natin kung papaano sinasapian ng demonyo ang isang tao. Narito ang ilang mga talata sa Bibliya: Mateo 9:32-33; 12:22; 17:18; Marcos 5:1-20; 7:26-30; Lucas 4:33-36; Lucas 22:3; Gawa 16:16-18. Sinasabi sa mga talatang nabanggit na ang pagsapi ng demonyo minsan ang nagiging sanhi ng mga pisikal na karamdaman, kagaya ng pagkapipi, pagkabulag at iba pa. Sa iba namang pagkakataon, si satanas ang dahilan sa paggawa ng masama ng isang tao. Si Judas ang isa sa pangunahing halimbawa nito. Sa aklat ng mga Gawa 16: 6-18 binigyan ng masamang espiritu ang isang aliping babae ng kakayahang malaman ang mga bagay na hindi kayang malaman ng isang ordinaryong tao. Sa kaso naman ng Gadareno na sinapian ng maraming demonyo, mayroon siyang kakaibang lakas, naglalakad ng walang saplot sa katawan, at nakatira sa isang sementeryo. Si haring Saul, matapos siyang magrebelde laban sa Diyos, ay pinayagang gambalain ng masamang espiritu (1 Samuel 16:14-15; 18:10-11; 19:9-10) at nagbunga ito sa kanyang pagiging walang sigla at matinding pagnanais na patayin si David.

Maraming iba't- ibang palatandaan ang maaaring makita sa isang tao na posibleng palatandaan ng pagsapi ng demonyo gaya ng pagka-disporma ng katawan na hindi maaaring ikonekta sa aktwal na problema sa pag-iisip. Maaring nagpapabagu-bago din ang personalidad ng isang sinasapian katulad ng kawalang-sigla o walang dahilang pagkagalit, hindi maipaliwanag na lakas, pagiging sobrang mahiyain o hindi pakikihalubilo sa ibang tao. Napakahalagang tandaan na halos lahat, kung hindi man lahat ng mga palatandaang ito ay maaaring mayroon pang ibang paliwanag sa medisina kaya huwag nating sabihin kaagad na ang isang taong walang-sigla o may sakit na epilepsy ay sinasapian ng demonyo. Sa kabilang dako, naniniwala ako na sa ating kultura, hindi na natin sineseryoso kadalasan ang kaugnayan ng pag-atake ng demonyo sa mga problemang saykolohikal.

Bukod sa pisikal, emosyonal at sa kakaibang lakas o kakaibang pag-iisip, maaari ding tingnan ang espiritwal na kalagayan ng isang tao kung nagpapakita ba ito ng impluwensiya ng demonyo. Maaring kasama rito ang hindi pagpapatawad (2 Corinto 2:10-11) at ang paniniwala at pagpapalaganap ng mga maling doktrina, lalong-lalo na ang pagbaluktot sa mga katuruan tungkol kay Kristo at sa Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan (2 Corinto 11:3-4,13-15; 1 Timoteo 4:1-5; 1 Juan 4:1-3).

Tungkol sa sa pagimpluwensya ng mga demonyo sa buhay ng mga Kristiyano, si Apostol Pablo ay nagpahiwatig na ang isang mananampalataya ay maaring maimpluwensiyahan ng demonyo (Mateo 16:23). Tinatawag ng ilan ang mga Kristiyanong nasa ilalim ng impuwensiya ng demonyo na "ginugulo ng demonyo" subalit hindi kailan man nagbibigay ng halimbawa ang Bibliya na ang isang tunay na mananampalatya ni Kristo ay puwede pang sapian at kontrolin ng demonyo. Karamihan sa mga iskolar ay naniniwala na ang isang Kristiyano ay hindi na maaaring sapian pa ng demonyo sapagkat nananahan na sa kanya ang Banal na Espiritu (2 Corinto 1:22; 5:5; 1 Corinto 6:19).

Hindi tayo eksaktong sinabihan kung papaanong ang isang tao ay sinasapian ng demonyo. Sa kaso ni Judas, binuksan niya ang kanyang puso sa masama (sa kanyang pagiging ‘gahaman sa salapi’ Juan 12: 6). Kaya posible na kung ang isang tao ay pinapayagan ang kanyang puso na pagharian ng paulit-ulit na kasalanan, ito ay nagiging imbitasyon sa demonyo upang pumasok. Tila ang pagsapi ng demonyo ay laging may kinalaman sa pagsamba sa mga diyus-diyosan at ang pagkakaroon ng mga kagamitan sa okultismo o mga anting anting at pamahiin. Paulit-ulit na itinuturo ng Bibliya na may kaugnayan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan sa pagsamba sa aktwal na mga demonyo (Levitico 17:7; Deuteronomio 32:17; Awit 106:37; 1 Corinto 10:20), kaya hindi na dapat ipagtaka na ang mga taong naging kabilang sa huwad na relihiyon na nagsasagawa ng mga ritwal ay bukas sa pagsapi ng demonyo.

Naniniwala ako ayon sa sinasabi ng mga talata sa Bibliya at maging sa mga karanasan ng mga misyonero na karamihan sa mga tao ay binubuksan ang kanilang sarili sa pagpasok ng demonyo sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga kasalanan o di kaya ay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga gawain ng okultismo, pagkakaroon ng anting anting, pagaaral ng mahika o aktwal na pakikipag-ugnayan sa mga demonyo.

Isang bagay ang hindi natin dapat kalimutan. Si satanas at ang kanyang mga demonyo ay walang magagawa kung hindi sila pahihintulutan ng Diyos na gawin ang kanilang gusto (Job 1, 2). Dahil dito, inaakala ni satanas na ginagawa niya ang ayon sa kanyang sariling kalooban ngunit sa katotohanan ang kanyang ginagawa ay nagagawa lamang niya dahil sa pahintulot ng Diyos dahil sa isang magandang layunin, kahit na sa kaso ng pagtataksil ni Judas. Ang ilang tao ay namamangha sa okultismo, mahika at mga gawain ng demonyo. Ito ay hindi matalinong gawain at hindi rin naaayon sa Bibliya. Kung sinisikap nating patuloy na makilala pa ang Diyos sa ating mga buhay at binabalot natin ang ating mga sarili ng Kanyang pananggalang at umaasa tayo sa Kanyang kalakasan (at hindi sa ating kalakasan) (Efeso 6:10-18), wala tayong dapat ikatakot sa mga demonyo, dahil ang Diyos ay may walang hanggang kamapahalaan at siyang makapangyarihan sa lahat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sinasapian o sa pagsapi ng demonyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries