Tanong
Ano ang demythologization? Kailangan bang alisin ang mga alamat sa Bibliya upang maging kapanipaniwala ito?
Sagot
Ang konsepto ng demythologization/pagaalis ng alamat sa Bibliya ay nagmula kay Rudolf Bultmann, isang prominenteng teologo at iskolar ng Bagong Tipan sa ika-20 siglo. Pinaniniwalaan ni Bultmann na ang Bagong Tipan ay simpleng tala ng tao sa mga pakikipagugnayan ng manunulat sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ayon kay Bultmann, ginamit lamang ng mga manunulat ng Bibliya ang mga terminolohiya at mga konsepto na nauunawaan sa kanilang panahon, at ang mga terminolohiyang iyon ay likas na nakatali sa mga himala at supernatural na itinuturing ni Bultmann bilang mga alamat o mitolohiya.
Iminungkahi ni Bultmann na para maging katanggap-tanggap at napapanahon ang Bibliya sa modernong kaisipan, kailangang alisin ang mga alamat sa Bibliya. Sa ibang salita, dapat na alisin ang mga mistikal (halimbawa ang mga himala) na sangkap ng Bibliya para makita ang pangkalahatang katotohanan na nakatago sa likod ng mga kuwento dito. Para kay Bultmann, ang pangkalahatang katotohanan ay gumawa ang Diyos para sa ikabubuti ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Gayunman, ang tala ng Bibliya patungkol sa pagsilang ni Jesus sa isang birhen, ang Kanyang paglakad sa ibabaw ng tubig, ang pagpaparami sa tinapay at isda at maging ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay dapat na alisin dahil ang mga ito ay mga alamat na idinagdag lamang sa tunay na mensahe. Sa ngayon, maraming kapahayagan ng Kristiyanismo ang sumusunod sa linya ng kaisipang ito, nag-ugat man ito kay Bultmann o hindi. Ang matatawag natin ngayon na "mainline liberalism" o mga pangunahing liberal na denominasyon ay nagtitiwala sa isang Bibliyang inalisan ng mga alamat. Itinuturo ng liberalismo ang isang hindi tiyak na kabutihan ng Diyos at pagkakapatiran ng lahat ng tao ng may diin sa pagsunod sa halimbawa ni Kristo habang hindi pinaniniwalaan ang mga himala.
Nabigo si Bulltmann na maunawaan na ang mga mahimalang elemento (na tinatawag niyang "mistikal") ang mismong puso ng Ebanghelyo. Bukod pa rito, hindi totoo na mahina lamang ang pagiisip ng mga tao noong unang siglo kaya madali silang maniwala sa mga himala habang mas marunong ang mga modernong tao. Nang ibalita ng anghel kay birheng Maria na manganganak siya ng isang lalaki, alam na alam niya na hindi normal ang pangyayaring iyon (Lukas 1:34). Kailangan ding kumbinsihin ng anghel si Jose (Mateo 1:18–21). Alam ni Tomas na hindi pangkaraniwan ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesus pagkatapos niyang mamatay sa krus kaya't humingi siya ng matibay na ebidensya na makikita ng kanyang sariling mga mata bago siya maniwala (Juan 20:24–25).
Kailangang salungatin ni Pablo ang isang katuruan na lumigalig sa mga mananampalataya sa Corinto. Sa pagtatanggol sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli, ipinaliwanag ni Pablo na ang isang Ebanghelyo na walang himala ay hindi isang Mabuting Balita. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo ay isang napakahalagang katotohanan" (1 Corinto 15:4), at ito ay napatunayan sa kasaysayan at maaaring suriin ninuman (talata 5). "At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao" (mga tatalang 14–19).
Sa pagbubuod, hindi kailangang alisin ang mga himala sa Bibliya. Ang tinatawag ni Bultmann na mga alamat ay mga totoong himala, at ang mga himala ang puso ng Bagong Tipan – mula sa panganganak ng isang birhen, sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, sa Kanyang muling pagparito, at ang muling pagkabuhay ng mga mananampalataya. Ang totoo, ang kailangan ay dapat na maging kagaya ng pagiisip ng tao noong unang siglo ang modernong pagiisip at maging bukas sa mga hindi pangkaraniwang pagkilos ng Diyos.
English
Ano ang demythologization? Kailangan bang alisin ang mga alamat sa Bibliya upang maging kapanipaniwala ito?