Tanong
Ano ang mga depekto ng teorya ng ebolusyon?
Sagot
Ang mga Kristiyano, maging ang mga hindi Kristiyano ay laging nagtatanong kung tama ang teorya ng ebolusyon. Ang mga nagpapahayag ng pagdududa tungkol sa teorya ng ebolusyon ay laging tinatawag na ‘hindi siyentipiko’ o ‘makaluma’ ng mga nasa kampo ng ebolusyon. May mga pagkakataon na ang popular na pananaw sa ebolusyon ay tila napatunayan na nila ng walang pagdududa ang kanilang paniniwala at walang makikitang butas ang siyensya upang pabulaanan ito. Sa katotohanan, may ilang siyentipikong depekto sa teorya ng ebolusyon na nagbibibigay ng dahilan upang pagdudahan ito. Ipagpalagay na ang mga katanungang ito ay hindi makakapagpabulaan sa ebolusyon, ipinakikita naman nila na ang teorya ay ganap na mapapasubalian.
Maraming kaparaanan kung paanong ang teorya ng ebolusyon ay mapapabulaanan gamit ang siyenya, ngunit ang mga kritisismong ito ay tiyak: May hindi mabilang na halimbawa ng katangian ng genes, sistema ng ekolohiya, katangian ng mga enzymes at iba pang katotohanan na napakahirap na gawing pangsuporta sa teorya ng ebolusyon. Ang mga detalyadong paglalarawan ng mga ito ay sobrang teknikal at lampas sa nasasakop ng ganito kaiksing pagbubuod. Sa pangkalahatan, tiyakang masasabi na hindi pa nakapagbigay ang Siyensya ng kapanipaniwala at hindi mapapasubaliang mga sagot kung paanong ang ebolusyon ay nagaganap sa antas ng molekula, lahi, o kahit sa ekolohiya.
Ang mga depekto ng teorya ng ebolusyon ay maaaring hatiin sa tatlo. Una, ang pagkakasalungatan sa pagitan ng ‘punctuated equilibrium’ at ‘gradualism.’ Ikalawa, ang problema sa pagpapaliwanag ng ‘microevolution’ patungo sa ‘macroevolution.’ Ikatlo, ang kaparaanan kung paanong ang teoryang ito ay naaabuso sa paggamit nito para sa pangangatwirang pilosopikal.
Una, may pagkakasalungatan sa pagitan ng ‘punctuated equilibrium’ at ‘gradualism.’ May dalawang pangunahing posibilidad kung paanong ang ebolusyon ay maaaring maganap. Ang depektong ito sa teorya ng ebolusyon ay hindi matatanggihan dahil ang dalawang ideya ay sinasabing may kaugnayan sa isa’t isa ngunit may mga ebidensya na nagpapakita na hindi sila sumusuports sa bawa’t isa. Ipinahihiwatig ng ‘gradualism’ na nakaranas ng isang kalagayan ng mutasyon sa parehong antas ang mga organismo na nagresulta sa isang ‘maayos’ na transisyon mula sa sinaunang anyo hanggang sa mga bagong anyo. Ito ay orihinal na pagpapalagay na ginagamit sa teorya ng ebolusyon. Sa kabilang banda, ipinahihiwatig ng ‘punctuated equilibrium’ na ang mutasyon ay naimpluwensyahan ng kakaiba at hindi sinasadyang pagkakataon. Kaya nga, ang mga organismo ay makararanas ng mahabang panahon ng mabagal na ebolusyon na ginagambala ng maiiksing bugso ng mabilis na ebolusyon.
Masasabing kinokontra ng rekord ng mga fossils ang ‘gradualism.’ Sinasabi nito na biglang lumabas ang mga organismo at nagpakita ng mabagal na pagbabago sa mahabang panahon. Ang mga pagaaral sa rekord ng mga fossil ay napalawak na sa nakalipas na mahigit na isang siglo, at habang natatagpuan ang mga fossils, mas lalong napapabulaanan ang teorya ng ‘gradualism.’ Ang hindi mapagkakatiwalaang reputasyon ng ‘gradualism’ sa rekord ng mga fossil ang naging dahilan ng teorya na tinatawag na ‘punctuated equilibrium.’
Ang rekord ng fossil ang maaaring sabihing sumusuporta sa ‘punctuated equilibrium,’ ngunit muli, may malaking problema. Ang pangunahing pagpapalagay tungkol sa ‘punctuated equilibrium’ ay nagaganap ito sa napakakaunting species, na mula sa parehong malaking populasyon. Makakaranas ang mga ito ng ilang mutasyon na makabubuti sa kanilang lahat sa lahat ng pagkakataon. Madaling makikita kung gaano ito kaimposible. Pagkatapos, ang ilang mga miyembro ay kumpletong hihiwalay mula sa pangunahing populasyon upang ang kanilang bagong genes ay maipasa sa susunod na henerasyon (isa pang hindi kapanipaniwalang pangyayari). Dahil sa pagkakaiba-iba ng mga may buhay, ang ‘kahangahangang aksidenteng ito’ ay kailangang mangyari sa lahat ng panahon.
Ang mga nagaaral sa siyensiya ay nagdududa din sa mga benepisyo na maaaring ibigay ng ‘punctuated equilibrium.’ Ang paghiwalay ng ilang miyembro mula sa isang mas malaking populasyon ay magreresulta sa pagpaparami sa isang maliit na grupo lamang . Ang resultang ito ay magpapababa ng abilidad sa pagpaparami, pagkakaroon ng abnormalidad sa genes at iba pa. Sa esensya, sa halip na sumuporta ang pangyayari sa tinatawag na ‘survival of the fittest,” ito ay pipinsala sa mga organismo.
Sa kabila ng pagaangkin ng iba, ang ‘punctuated equilibrium’ ay hindi isang mas maaayos na bersyon ng ‘gradualism.’ May magkakaiba silang pagpapalagay tungkol sa mekanismo sa likod ng ebolusyon at sa paraan kung paano kumikilos ang mga mekanismong iyon. Wala sa dalawang paliwanag ang kasiya-siya kung paanong ang buhay ay naging napakalawak at balanse. Ang totoo, walang kapanipaniwalang opsyon ang magagamit sa pagpapaliwanag sa teorya ng ebolusyon bukod sa dalawang ito.
Ang ikalawang depekto ay ang problema ng nagpapatuloy na ‘microevolution’ patungo sa ‘macroevolution.’ Ipinakikita ng mga pagaaral sa laboratoryo na ang organismo ay may kakayahang bumagay sa kapaligiran nito. Kaya nga ang mga bagay na may buhay ay may kakayahan na baguhin ang sariling nilang ‘biology’ upang iangkop ang sarili sa bagong kapaligiran. Gayunman, ang mga parehong pagaaral ay nagpapakita na ang mga pagbabagong iyon ay may hangganan at hindi nababago ang mismong organismo. Ang maliliit na pagbabagong ito ay tinatawag na ‘microevolution.’ Maaaring magresulta ang ‘microevolution’ sa mga malalaking pagbabago gaya ng matatagpuan sa mga aso. Ang lahat ng aso ay miyembro ng parehong species at makikita kung gaano ang pagkakaiba-iba sa kanila. Ngunit kahit na ang pinaka-agresibong pagpapalahi ay hindi nagpabago sa kaanyuan ng aso o naging ibang hayop man ito. May limitasyon kung gaano magiging maliit, malaki, o marami ang balahibo ng aso sa pamamagitan ng pagpapalahi. Sa pageeksperimento, walang dahilan upang ipalagay na ang isang species ay maaaring magbago ng anyo at maging ganap na isang bagong specie.
Ang pangmatagalang ebolusyon, o tinatawag na ‘macroevolution,’ ay tumutukoy sa mga malalaking pagbabago sa organismo. Gingawang Chihuahua o German Shephard ng ‘microevolution’ ang isang asong gubat. Ginagawa namang baka o bibe ng ‘macroevolution’ ang isang dating isda. May napakalaking pagkakaiba sa proporsyon at epekto sa pagitan ng ‘microevolution’ at ‘macroevolution.’ Ang depektong ito sa teorya ng ebolusyon ay maliwanag na makikita sa mga eksperimento na hindi sumusuporta sa kakayahan ng maraming maliit na pagbabago ang pagbago sa anyo ng isang species at gawing isang panibagong species.
Ang panghuli ay ang depektibong aplikasyon ng ebolusyon. Hindi ito isang depekto sa teoryang pang siyentipiko, kundi isang kamalian sa paraan kung paanong ang teoryang ito ay inaabuso para sa hindi pangsiyentipikong layunin. Mayroon pa ring napakaraming katanungan tungkol sa komposisyon ng buhay na hindi nasasagot ng teorya ng ebolusyon. Ngunit sa kabila nito, marami ang ginagamit ang teoryang ito ng pinagmulan ng buhay mula sa biolohikal patungo sa isang metapisikal na pagpapaliwanag. Sa tuwing aangkinin ng isang tao na pinabubulaanan ng teorya ng ebolusyon ang relihiyon, espiritwalidad o ang pagkakaroon ng Diyos, ginagamit nila ang teoryang ito sa hindi nito dapat paggamitan. May kinikilingan man o wala, ang teorya ng ebolusyon ay laging ginagamit na kasangkapan ng mga taong tahasang tumatanggi sa Diyos upang labanan ang relihiyon.
Sa pangkalahatan, napakaraming matibay na ebidensya sa siyensya na kumukwestyon sa teorya ng ebolusyon. Ang mga depektong ito ay maaaring masolusyunan ng siyensya o maaaring wasakin nito ang teorya ng ebolusyon sa bandang huli. Hindi namin alam kung alin sa dalawa ang mangyayari, ngunit ito ang aming natitiyak: ang mga depekto ng teorya ng ebolusyon ay malayo pang malutas at tunay na maaari itong pabulaanan gamit ang mismong siyensya.
English
Ano ang mga depekto ng teorya ng ebolusyon?