Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Depresyon? Paano ba malalabanan ng Kristiyano ang depresyon?
Sagot
Ang depresyon ay isang karaniwang kundisyon na nararanasan ng milyon milyong tao, Kristiyano man o hindi. Yaong mga dumaraan sa depresyon ay maaaring makaranas ng masidhing kalungkutan, galit, kawalang pag-asa, pagkapagod at marami pang ibang sintomas. Maaaring makaramdam sila ng kawalang kabuluhan at tangkaing magpakamatay, mawalan ng interes sa mga tao at mga bagay na dati nilang kinagigiliwan. Ang depresyon ay bunga ng masasakit na pangyayari sa buhay gaya ng pagkatanggal sa trabaho, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, diborsyo o problema sa isip gaya ng pagiging biktima ng pang aabuso at kawalan ng tiwala sa sarili.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat tayong mapuno ng kagalakan at pagpupuri (Filipos 4:4; Roma 15:11) dahil nais ng Diyos na magkaroon tayo ng masayang buhay. Hindi ito madali para sa isang taong nakararanas ng depresyon ngunit ito'y maaaring mabigyang solusyon sa pamamagitan ng panalangin, pagaaral ng Bibliya, pagkakaroon ng isang grupo na makatutulong sa pagdadala ng problema, pakikisama sa mga kapwa mananampalataya, pagtatapat ng kasalanan o kabigatan, pagpapatawad at pagpapayo. Kailangan nating gumawa ng hakbang upang hindi tayo malunod sa ating sariling mga suliranin. Kailangan nating ituon ang ating atensyon sa ibang mga bagay. Ang depresyon ay laging mabibigyang kalutasan kung itutuon natin ang ating atensyon palayo sa ating sarili patungo sa iba at sa Panginoong Hesu Kristo.
Ang depresyon na sanhi ng kawalan ng balanse sa pisikal na kundisyon ay dapat na ipasuri sa isang manggagamot. Maaaring hindi ito resulta ng masasakit na pangyayari sa buhay kaya't ang mga sintomas ay hindi kayang labanan sa karaniwang paraan. Salungat sa palagay ng maraming Kristiyano na ang depresyon ay laging resulta ng kasalanan, ang depresyon ay maaring resulta din ng pisikal na karamdaman na kailangang malapatan ng kagamutang medikal o kaya ay propesyonal na pagpapayo. Oo nga't kaya ng Diyos na pagalingin ang lahat ng uri ng sakit o karamdaman, ngunit sa maraming pagkakataon, ang pagkonsulta sa isang manggagamot para sa depresyon ay katulad din ng pagpapakonsulta para sa isang normal na sakit.
May ilang mga bagay na maaring gawin ng sinumang dumadaan sa depresyon upang mabawasan ang kanilang pagkabahala. Kailangan nilang manatili sa Salita ng Diyos kahit na hindi nila nararamdaman na nais nila itong gawin. Maaari tayong dalhin ng emosyon palayo sa Diyos ngunit ang Salita ng Diyos ay matibay na saligan ng katotohanan at hindi nagbabago. Kailangan nating magkaroon ng matibay na pananalig sa Diyos at mangapit sa Kanyang mga pangako kung dumaraan tayo sa mga pagsubok at tukso. Sinasabi ng Salita ng Diyos na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok na higit sa ating makakaya (1 Corinto 10:13). Kahit na ang pagdaan sa depresyon ay hindi kasalanan, tayo ay mananagot pa rin sa Diyos sa ating aksyon sa panahon ng kahirapan maging ang ating paghingi ng tulong sa mga propesyonal. Sinabi sa Hebreo 13:15, "Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan."
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Depresyon? Paano ba malalabanan ng Kristiyano ang depresyon?