Tanong
Ano ang digmaan sa Armageddon?
Sagot
Ang salitang ‘Armageddon’ ay mula sa salitang Hebreo na Har-Magedone na ngangahulugang ‘Bundok ng Megiddo’ at naging kasingkahulugan ng digmaan sa hinaharap kung saan lulupigin ng Diyos ang hukbo ng antikristo gaya ng inihula sa Bibliya (Pahayag 16:16; 20:1-3, 7-10). Maraming tao ang sangkot sa labanang ito dahil ang lahat ng bansa ay magsasama-sama upang labanan si Kristo.
Ang eksaktong lugar kung nasaan ang lambak ng Armageddon ay hindi tiyak dahil walang bundok na tinatawag na Megiddo. Gayunman, dahil ang ‘Har’ ay maaari ding tumukoy sa isang burol, ang pinakamalapit na lokasyon ay ang bansa na nakapaligid sa kapatagan ng Megiddo, may 60 milya sa hilaga ng Jerusalem. Mahigit na dalawandaang digmaan na ang naganap sa rehiyong ito. Ang kapatagan ng Megiddo at ang kalapit na kapatagan ng Esdralon ang magiging sentro ng digmaan sa Armageddon na nasasakop ang buong bansang Israel hanggang sa timog sa siyudad ng Bozrah ng mga Edmotai (Isaias 63:1). Ang lambak ng Armageddon ay kilala dahil sa dalawang malaking tagumpay sa kasaysayan ng Israel: 1) Ang tagumpay ni Barak laban sa mga Cananeo (mga Hukom 4:15) at 2) Tagumpay ni Gideon laban sa mga Madianita (Mga Hukom 7). Ang Armageddon din ang lugar para sa dalawang malaking trahedya sa kasaysayan ng Israel: 1) Ang kamatayan ni Saul at ng kanyang mga anak (1 Samuel 31:8) at 2) Ang kamatayan ni Haring Oseas (2 mga Hari 23:29:30; 2 Cronica 35:22).
Dahilan sa mga pangyayaring ito, ang lambak ng Armageddon ay naging simbolo ng huling digmaan sa pagitan ng Diyos at ng kapangyarihan ng kadiliman. Ang salitang ‘Armageddon’ ay makikita lamang sa Pahayag 16:16, "At tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa dakong tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo." Ito ay tumutukoy sa pagsasama-sama ng mga hari na tapat sa antikristo para sa kanilang huling pakikidigma sa Israel. Sa Armageddon, ang mangkok ng poot ng Diyos (Pahayag 16:19) ay Kanyang ibubuhos at ang antikristo at ang kanyang mga kampon ay ibabagsak at matatalo. Ang Armageddon ay naging pangkalahatang terminolohiya na tumutukoy sa pagwawakas ng mundo, hindi lamang para sa digmaan na magaganap sa lambak ng Megiddo kundi sa mismong wakas ng panahon.
English
Ano ang digmaan sa Armageddon?