Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa giyera o digmaan?
Sagot
Maraming tao ang nagkakamali kung nababasa nila ang Exodo 20:13 kung saan sinasabi, "Huwag kayong papatay", at pagkatapos ay ilalapat nila ang kautusang ito sa digmaan. Ngunit sa wikang Hebreo, ang ibig sabihin ng "pagpatay" sa talatang ito ay "intensyonal, pinagisipan o sinadyang pagpatay ng isang tao sa kanyang kapwa tao". Inutusan ng Diyos ang bansang Israel na makipagdigma laban sa ibang bansa (1 Samuel 15:3; Josue 4:13). Iniutos ng Diyos ang parusang kamatayan sa maraming uri ng krimen (Exodo 21:12, 15; 22:19; Levitico 20:11). Kaya nga ang Diyos ay hindi laban sa pagpatay sa lahat ng pagkakataon maliban sa kaso ng intensyonal na pagpatay o ‘murder.’ Ang digmaan ay hindi isang magandang bagay ngunit sadyang kinakailangan minsan. Sa mundo na puno ng makasalanang tao (Roma 3:10-18), ang digmaan ay hindi maiiwasan. Minsan, ang tanging paraan upang hadlangan ang masasamang tao sa paggawa ng mas maraming kasamaan sa mga walang malay ay sa pamamagitan ng giyera o digmaan.
Sa Lumang Tipan, inutusan ng Diyos ang mga Israelita na "paghigantihan ang mga Madianita para sa mga Israelita" (Bilang 31:2). Sinasabi naman sa Deuteronomio 20:16-17 "Ngunit huwag ninyong gagawin ito sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Huwag kayong magtitira ng anumang may buhay. Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amorreo, Cananeo, Perezeo, Heveo at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh." Sinasabi din sa 1 Samuel 15:18, "Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalec at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito." Kaya nga malinaw na ang Diyos ay hindi laban sa lahat ng digmaan. Ang Panginoong Hesus ay laging perpektong kasundo ng Ama sa lahat ng bagay (Juan 10:30) kaya hindi natin maaaring ikatwiran na ang digmaan ay kalooban lamang ng Diyos sa Lumang Tipan. Ang Diyos ay hindi nagbabago (Malakias 3:6; Santiago 1:17).
Ang pagbabalik na muli ni Hesus ay magiging puno ng karahasan. Inilalarawan sa Pahayag 19:11-21 ang pinakahuling digmaan sa pangunguna ni Kristo bilang pangulong heneral na siyang hukom at makikipagdigma ng buong katwiran (t.11). Ang digmaang ito ay magiging madugo (t.17-18) at karimarimarim. Kakainin ng mga buwitre ang laman ng lahat ng lalaban sa Kanya (t.17-18). Wala siyang habag sa Kanyang mga kaaway na Kanyang lubusang pupuksain at pagkatapos ay itatapon sa "lawa ng apoy ng nagbabagang asupre" (t. 20).
Isang pagkakamali ang sabihin na hindi sinusuportahan ng Diyos ang digmaan. Si Hesus ay hindi kunsintidor. Sa mundong ito na puno ng masasamang tao, ang digmaan ay kailangan minsan upang hadlangan ang mas malaking kasamaan. Kung hindi nagapi si Hitler noong ikalawang digmaang pandaigdig, ilang milyong tao pa kaya ang kanyang mapapatay? Kung ang digmaang Sibil sa Amerika ay hindi nangyari, ilang Afrikanong-Amerikano pa kaya ang kailangang magdusa bilang mga alipin?
Ang digmaan ay hindi magandang karanasan. May ilang digmaan na mas makatwiran ang layunin kaysa iba ngunit ang digmaan ay laging bunga ng kasalanan (Roma 3:10-18). Sinasabi sa Mangangaral 3:8 ang ganito, "Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot; ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan." Sa mundo na puno ng kasalanan, poot at kasamaan (Roma 3:10-18), ang digmaan ay hindi maiiwasan. Hindi dapat na nasain ng mga Kristiyano ang digmaan gayundin, hindi sila dapat na lumaban sa mga taong inilagay ng Diyos upang mamuno sa kanila (Roma 13:1-4; 1 Pedro 2:17). Ang pinakamabuting bagay na ating magagawa sa panahon ng digmaan ay ipanalangin na bigyan ng Diyos ng karunungan ang ating mga pinuno, ipanalangin ang kaligtasan ng ating kasundalohan, ipanalangin ang mabilis na resolusyon sa mga alitan at ipanalangin na huwag magkaroon ng maraming biktima ng digmaan sa magkabilang panig (Filipos 4:6-7).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa giyera o digmaan?