Tanong
Ang digmaan ba sa langit sa Pahayag 12 ay naglalarawan sa orihinal na pagbagsak ni Satanas o digmaan sa pagitan ng masasama at mabubuting anghel sa huling panahon?
Sagot
Ang huling malaking digmaan ng mga anghel at ang ganap na pagpapatalsik kay Satanas mula sa langit ay inilarawan sa Pahayag 12:7–12. Sa mga talatang ito, nakita ni Juan ang isang malaking digmaan sa pagitan ni Arkanghel Miguel kasama ang mga anghel ng Diyos laban sa Dragon (si Satanas) at sa kanyang mga anghel (mga demonyo). Mangyayari ito sa huling panahon, sa panahon ng dakilang kapighatian. Dahil sa kanyang pagmamataas at delusyon na kaya niyang pantayan ang Diyos, pangungunahan ni Satanas ang huling pagaaklas laban sa Diyos. Ngunit hindi patas ang magiging labanan. Agad magagapi ang dragon at ang kanyang mga demonyo at patatalsikin sila sa langit magpakailanman.
Alam natin na ang labanang ito ay magaganap sa hinaharap dahil sa konteksto ng Pahayag 12. Sinasabi sa talata 6 na tatakas ang babae (Israel) sa dragon (Satanas) “papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo dalawandaan at animnapung (1,260) araw (o tatlong taon at kalahati).” Nagsimula ang talata 7 sa salitang, “At pagkatapos.” Habang tumatakas ang Israel, sisiklab ang digmaan sa kalangitan. Ang pagtakas ng babae sa Pahayag 6 ay tumutugma sa sinabi ni Hesus para sa mga Hudyong naninirahan sa Judea na “dapat tumakas papunta sa kabundukan” kapag nakita na nilang nagaganap sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganan (Mateo 24:16). Sa kalagitnaan ng Kapighatian, ipapakita ng Antikristo ang kanyang tunay na kulay, pagkatapos ibibilanggo si Satanas sa banging walang hangganan ang lalim, at mahimalang iingatan ng Diyos ang Israel sa loob ng 1,260 araw (tatlong taon at kalahati, o ikalawang bahagi ng Kapighatian).
Isang pangkaraniwang maling pangunawa ng marami na nakakulong na si Satanas sa impiyerno pagkatapos niyang magkasala. Malinaw sa maraming sitas ng Kasulatan na nakakapunta pa si Satanas sa langit pagkatapos ng kanyang unang rebelyon. Sa Job 1:1—2:8, humarap si Satanas sa Diyos upang akusahan si Job sa pagkakaroon ng maling motibo sa pagsamba sa Diyos. Sa Zacarias 3, muling huamarap si Satanas sa Diyos upang akusahan si Josue, ang punong saserdote. Gayundin, inilahad ni propeta Micaya ang tungkol sa isang pangitain kung saan nakatayo ang mga masasamang espiritu sa presensya ng Diyos sa 1 Hari 22:19–22. Kaya nga, kahit na pagkatapos niyang magkasala, nakakapunta pa rin si Satanas sa langit sa presensya ng Diyos.
Sa panahong ito, may limitado pa ring kakayahan si Satanas na makapasok sa langit at kakayahang labanan ang mga anghel ng Diyos (Daniel 10:10–14). Ngunit pagkatapos ng digmaan na nakatala sa Pahayag 12, tuluyan ng sasarhan ang langit para kay Satanas at sa kanyang mga kampon (talata 8) at sa planetang ito na lamang sila makakakilos (talata 9). Babawasan ng Diyos ang kanyang kalayaan, kaya nga magkakaroon siya ng matinding poot dahil alam niyang “kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya” (talata 12).
Magkakaroon ng malaking pagdiriwang sa kalangitan dahil pagbabawalan na sa langit ang matagal ng taga-sumbat at pagbabawalan na siya magpakailanman na paratangan ang mga hinirang. Gayunman, labis na magdurusa ang mga naninirahan sa daigdig pagkatapos ng digmaang ito dahil ibubuhos ni Satanas ang kanyang galit sa lupa bukod pa sa pagpapatikim ng natitirang hatol ng Diyos sa sangkatauhan.
Malaki ang nakasalalay sa digmaan sa pagitan ni Miguel at ni Satanas. Pagkatapos na matalo ng mga banal na anghel si Satanas at ang kanyang mga kampon, isang malakas na tinig mula sa langit ang magsasabi,” “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos” (Pahayag 12:10). Makikibahagi din ang mga hinirang ng Diyos sa tagumpay na ito: “Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos” (talata 11).
English
Ang digmaan ba sa langit sa Pahayag 12 ay naglalarawan sa orihinal na pagbagsak ni Satanas o digmaan sa pagitan ng masasama at mabubuting anghel sa huling panahon?