Tanong
Ano ang ibig sabihin na dinala tayo ng Diyos sa kaligtasan?
Sagot
Ang talata kung saan malinaw na sinasabi na dinala tayo ng Diyos sa kaligtasan ay ang Juan 6:44 kung saan sinabi ni Hesus, “Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.” Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na “dinala” ay helkuo, na nangangahulugang “hilahin” (sa literal na kahulugan o sa pigura ng pananalita). Malinaw na ito ay nagpapahiwatig ng pagkilos lamang ng nagdala at walang partisipasyon ang dinala. Ang Diyos ang nagdadala sa atin sa kaligtasan; tayong mga dinala ay walang aktibong papel sa prosesong ito ng pagliligtas sa atin ng Diyos. Walang duda na tumugon tayo sa pagtawag ng Diyos, ngunit ang mismong pagdadala sa atin ay sa Kanyang pagkilos lamang.
Ang salitang Helkuo ay ginamit sa Juan 21:6 upang tukuyin ang paghila sa isang mabigat na lambat na puno ng isda patungo sa pampang. Sa Juan 18:10 makikita natin si Pedro na nagdala ng kanyang tabak, at sa Gawa 16:19, ginamit ang salitang helkuo upang ilarawan kung paanong dinala ng mga tao sina Pablo at Silas sa harap ng mga pinuno. Malinaw na walang bahagi ang lambat sa paghila sa mga isda papunta sa pampang, ang tabak ni Pedro ay wala ring kinalaman sa pagdadala ni Pedro at walang partisipasyon sina Pablo at Silas sa pagdadala sa kanila ng mga tao sa harap ng mga pinuno. Sa ganito ring paraan masasabi ang ginagawang pagdadala ng Diyos sa mga tao sa kaligtasan. May ilan na dinadala na sumasangayon, may ilan na dinadala na hindi sumasangayon, ngunit sa huli, madadala silang lahat, bagamat wala silang bahagi kahit na anuman sa pagdadala sa kanila ng Diyos sa kaligtasan.
Bakit kailangan tayong dalhin ng Diyos sa kaligtasan? May isang simpleng dahilan. Kung hindi Niya tayo dadalhin sa kaligtasan, hindi tayo lalapit sa Kanya sa ating sariling kagustuhan. Ipinahayag ni Hesus na walang taong makalalapit sa Kanya malibang ilapit sila sa Kanya ng Ama (Juan 6:65). Ang taong walang Espiritu ng Diyos ay walang kakayahang lumapit sa Diyos, o may pagnanais man na kusang lumapit sa Kanya. Dahil matigas ang kanilang puso at pinagdilim ng kasalanan ang kanilang isip, ang mga taong patay sa kasalanan ay hindi nagnanasa sa Diyos at sa katotohanan ay kaaway ng Diyos (Roma 5:10). Nang sabihin ni Hesus na walang makalalapit sa Kanya malibang ilapit ng Ama, inilalarawan Niya ang kawalang kakayahan ng mga makasalanan at ang pangkalahatang kundisyon ng lahat ng tao. Napakadilim ng puso ng isang taong makasalanan na hindi niya mismo nalalaman ang nilalaman nito: “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?” (Jeremias 17:9). Kaya nga, sa pamamagitan lamang ng mahabagin at mabiyayang pagdadala ng Diyos sa atin sa kaligtasan kaya tayo naligtas. Sa pagliligtas sa mga makasalanan, pinagliliwanag ng Diyos ang kanilang isip (Efeso 1:18), binabago ang kanilang kagustuhan upang turuang gustuhin Siya, iniimpluwensyahan ang kanilang kaluluwa, na kung hindi mangyayari ay mananatiling nasa kadiliman at lumalaban sa Diyos. Ang lahat ng ito ay kinapapalooban ng proseso ng pagdadala ng Diyos sa makasalanan patungo kay Kristo.
Masasabi na tinatawag ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang tinatawag na pangkalahatang tawag at kakaiba sa tinatawag na epektibong pagtawag sa mga hinirang ng Diyos. Ang mga talata gaya ng Awit 19:1-4 at Roma 1:20 ay nagpapatunay sa katotohanan na malinaw na nakikita at nauunawaan ng tao ang walang hanggang kapangyarihan at kalikasan ng Diyos sa mga bagay na Kanyang nilikha, “kaya’t wala na silang maidadahilan.” Ngunit patuloy pa ring tinatanggihan ng tao ang Diyos samantalang ang mga naniniwalang may Diyos ay hindi magkakaroon ng pananampalataya sa Kanya malibang dalhin sila ng Diyos kay Kristo. Yaon lamang mga tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng espesyal na kapahayagan – sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu at biyaya ng Diyos ang lalapit kay Kristo.
May mga kaparaanan kung paanong ang mga tinawag ng Diyos ay dinadala ng Diyos sa karanasan ng kaligtasan. Una, inusig tayo ng Banal na Espiritu sa ating mga kasalanan at binigyan tayo ng pangunawa sa ating pangangailangan ng kaligtasan (Juan 16:8). Ikalawa, binubuhay Niya tayo at binibigyan ng pagnanais sa mga espiritwal na mga bagay na dati-rati ay hindi natin nararanasan. Bigla, nabuksan ang ating mga tainga at ang ating puso ay natutong magtiwala sa Kanya at naging interesado tayo sa Kanyang mga Salita. Nagumpisang maunawaan ng ating espiritu ang mga espiritwal na katotohanan na dating hindi natin nauunawaan: “Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (1 Corinthians 2:14). Panghuli, nagkaroon tayo ng mga bagong pagnanais. Binigyan Niya tayo ng isang bagong pusong umiibig sa Kanya, isang pusong nagnanais na kilalanin at sundin Siya at nagnanais na lumakad sa isang “bagong buhay” (Roma 6:4) na Kanyang ipinangako para sa atin. English
Ano ang ibig sabihin na dinala tayo ng Diyos sa kaligtasan?