Tanong
Dinidinig ba ng Diyos ang aking mga panalangin?
Sagot
Nadidinig ng Diyos ang lahat ng panalangin. Siya ay Diyos. Walang lingid sa Kanyang kaalaman (Awit 139:1–4). Siya ay may ganap na kapamahalaan sa lahat ng Kanyang mga nilikha (Isaias 46:9–11). Kaya hindi dapat itanong kung dinidinig ba ng Diyos ang ating bawat panalangin (dahil tiyak na dinidinig Niya), kundi kung sasagutin ba ng Diyos ang ating mga panalangin sa paraang gusto natin.
Nais ng Diyos na manalangin tayo. Ginawa Niya ang panalangin na isang kasangkapan upang masiyahan tayo sa Kanya (Pahayag 3:20), maipahayag ang ating mga kasalanan (1 Juan 1:9), hilingin sa Kanya na katagpuin ang ating mga pangangailangan (Awit 50:15), at makasang-ayon tayo sa Kanyang kalooban (Jeremias 29:11–12; Lukas 22:42). Isang uri lamang ng panalangin ang tiyak na sasagutin ng OO ng Diyos. Inilalarawan sa Lukas 18:13–14 ang panalangin ng pagsisisi. Kung tatawag tayo sa Diyos sa isang mapagpakumbabang pagsisisi, patatawarin Niya tayo at pawawalang sala.
Gayunman, sa pagsasaalang alang sa panalangin, mahalagang tandaan na hindi lahat ng mga pangako sa Kasulatan ay isinulat para angkinin ng Kanyang mga anak. Sa Lumang Tipan, karamihan ng mga pangako ay para sa bansang Israel at sa lahat ng nakipag-isa sa kanila. Sa Bagong Tipan, ang mga pangako ay isinulat para sa mga tagasunod ni Hesus. Maling paggamit sa Kasulatan ang humugot ng ilang magkakahiwalay na talata at piliting ilapat ang mga iyon sa anumang sitwasyon na ating nais, maging sa panalangin. Bagama’t alam ng Diyos at naririnig Niya ang lahat ng panalangin, may mga pagkakataon na hindi Niya tutugunin ang ating mga panalangin.
1. Kung pinipili natin na magpatuloy sa kasalanan sa halip na magsisi at magbago, hindi didinggin ng Diyos ang ating mga panalangin. Sa Isaias 1:15, sinasabi ng Panginoon, “At pagka inyong iginagawad ang inyong mga kamay, aking ikukubli ang Aking mga mata sa inyo: oo, pagka kayo’y magsisidalangin ng marami, hindi Ko kayo didinggin: ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.” Sinasabi sa Kawikaan 28:9, “Siyang naglalayo ng Kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kaniyang dalangin ay karumadumal.”
Halimbawa: Dalawang tao na nagsasama ng hindi kasal at namumuhay sa pakikiapid, ngunit nananalangin para sa pagpapala ng Diyos sa kanilang pagsasama.
2. Kung nananalangin tayo para sa ating makasariling pagnanais, hindi diringgin ng Diyos ang ating mga dalangin. Sinasabi sa Santiago 4:3, “Kayo’y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka’t nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.”
Halimbawa: Isang taong hindi na nasisiyahan sa kanyang tatlong taong gulang pa lamang na kotse, kaya nananalangin siya para sa isang bago at mamahaling kotse.
3. Kung humihingi tayo ng isang bagay na hindi ayon sa Kanyang kalooban para sa atin. Sinasabi sa 1 Juan 5:14, “At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa Kaniya, na kung tayo’y humingi ng anomang bagay na ayon sa Kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo Niya.”
Halimbawa: Nananalangin tayo ng taimtim para sa bagong trabaho, ngunit ang plano ng Diyos para sa atin ay manatili sa ating kasalukuyang trabaho at maging mabuting patotoo para sa ating mga katrabaho.
4. Kung humihingi tayo ng walang pananampalataya. Sa Markos 11:24 sinabi ni Hesus, “Kaya nga sinasabi Ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.” Gayunman, ang pananampalataya ay hindi paniniwala para sa isang bagay; ito ay paniniwala sa persona ng Diyos. Ang ating pananampalataya ay dapat na nakatuon sa katangian ng Diyos at sa Kanyang nais na pagpalain at aliwin tayo. Sa tuwing tayo’y nananalangin, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya na dinidinig Niya tayo at ibibigay Niya ang ating bawat kahilingan na naaayon sa Kanyang kalooban para sa atin (1 Juan 5:14–15).
Halimbawa: Nananalangin tayo sa Diyos na ibigay Niya ang ating pinansyal na pangangailangan ngunit patuloy tayong nagaalala at nagsasabi sa ating pamilya at mga kamanggagawa na hindi ibibigay ng Diyos ng ating pangangailangang pinansyal.
Ang Diyos ay banal at ninanais Niya na tayo rin naman ay maging banal na kagaya Niya (Levitico 22:32; 1 Pedro 1:16). Kung ninanais natin na maging banal, nalulugod Siya na ipagkaloob ang ating mga kahilingan sa isang paraan na magpapatuloy tayo sa ating paglago sa ating espiritwal na buhay. Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y magsisipanatili sa Akin, at ang mga salita Ko’y magsisipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin at gagawin sa inyo” (Juan 15:7). Ang lihim sa panalangin ay ang pananatili kay Kristo upang kung anuman ang ating hinihiling ay naaayon sa kanyang kalooban (Awit 37:4). Sa ganitong paraan lamang tayo magkakaroon ng pagtitiwala na tunay na dinidinig ng Diyos ang ating mga dalangin at ipagkakaloob Niya ang mga iyon.
English
Dinidinig ba ng Diyos ang aking mga panalangin?