Tanong
Bakit nilikha ng Diyos ang napakalaking kalawakan at ang iba pang mga planeta kung ang buhay ay narito lamang sa mundo?
Sagot
Ang kaisipan kung mayroong nilikhang may buhay ang Diyos sa ibang planeta ay kahalihalina. Sinasabi sa Awit 19:1 na “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!” Ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos, ikaw man o ako, o ang mga hayop, o mga anghel, o ang mga bituin at mga planeta, ay nilikha para sa Kanyang kaluwalhatian. Sa tuwing nakikita natin ang makapigil hiningang tanawin ng Milky Way o sa ating pagsilip sa Saturn sa pamamagitan ng teleskopyo, namamangha tayo sa mga gawa ng Diyos!
Isinulat ni David sa Awit 8:3, “Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay, pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.” Sa tuwing nakikita natin ang hindi mabilang na bituin, pagkatapos ay mabasa ang mga natuklasan ng mga siyentipiko tungkol sa libu libong mga galaxies, na ang bawat isa ay naglalaman ng milyun milyong bituin, nanggigilalas tayo at nagkakaroon ng banal na pagkatakot sa isang Diyos na napaka-makapangyarihan upang gawin ang lahat ng ito na tinatawag na gawa ng Kanyang mga kamay! Gayundin, sinasabi sa atin sa Awit 147:4 na “Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin, isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.” Imposible para sa tao na malaman ang eksaktong bilang ng mga bituin sa kalawakan; ngunit hindi lamang alam ng Diyos kung ilan ang mga bituin na Kanyang nilikha kundi alam din Niya ang pangalan ng bawat bituin! “Ako ang lumikha sa pundasyon ng daigdig, ako rin ang naglatag sa sangkalangitan; kapag sila'y aking tinawag, agad silang tutugon” (Isaias 48:13).
Ang kalawakan at ang mga planeta ay nilikha para sa kaluwalhatian ng Diyos. Alam natin na ang mga bituin at planeta sa labas ng ating Solar System ay umiiral at ang mga ito rin ay nilikha para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang isang patuloy na lumalaking kalawakan ay isang haka-haka na hindi pa napapatunayan. Ang sumunod na bituin na mas malayo sa ating araw ay mahigit na 4 na light years ang layo sa ating araw, at ang layong ito ay napakaliit lamang na bahagi sa ating kalawakan, lumalaki man ito o hindi.
Tungkol sa kung may nilikhang may buhay ba ang Diyos sa ibang planeta, simpleng hindi natin ito nalalaman at malalaman. Hanggang sa ngayon, wala pang nakikitang ebidensya na may nabubuhay sa ibang planeta sa labas ng ating Solar System. Kung isasaalang-alang ang nalalapit na pagwawakas ng mundo, mahirap isipin na lalawak pa ang kaalaman ng tao na sapat upang makabisita tayo sa ibang mga galaxy bago dumating ang Panginoon. Kung mayroon man o walang buhay sa ibang planeta, ang Diyos ang Manlilikha at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at ang lahat ng mga bagay ay Kanyang nilikha para sa Kanyang kaluwalhatian.
English
Bakit nilikha ng Diyos ang napakalaking kalawakan at ang iba pang mga planeta kung ang buhay ay narito lamang sa mundo?