Tanong
Paanong pinatutunayan ng DNA ang pagkakaroon ng isang Manlilikha?
Sagot
Sa pagdaan ng mga siglo, nagprisinta ang mga naniniwala na may Diyos ng napakaraming argumento sa pagtatangka na patunayan na mayroong Diyos. Iba't ibang anyo ng argumentong kosmolohikal, ontolohikal, at moral ang binuo at isinaayos ng may malaking tagumpay. Ang isang argumento na laging ginagamit ng mga naniniwala sa Diyos ay ang argumento ng pagkakaroon ng disenyo sa mga nilikha. Maraming kilalang teologo at pilosopo ang gumamit ng argumentong ito mula kay Plato, Thomas Aquinas at marami pang iba.
Habang ang ilang bersyon ng argumento ng disenyo ay mabisa at hindi mapabulaanan ng marami, ang mga natuklasan ng siyensya kailan lang ang nagbigay ng mas maraming armas para sa mga gumagamit ng argumentong ito. Noong 1943, naipaliwanag ng mga mananaliksik na sina Francis Crick at James Watson ang istruktura ng DNA molecule. Sa pamamagitan nito, natuklasan nila na ang DNA ang nagiimbak ng partikular na impormasyon ng lahi at kabuuan ng tao sa anyo ng digital code na may apat na karakter. Ang impormasyong ito ay nakaimbak sa ayos ng apat na kemikal na kumakatawan sa mga mga letrang A, C, T, at G. Ang kaayusan ng mga kemikal na ito ang nagbibigay ng utos o instruksyon na kinakailangan upang mabuo ang mga kumplikadong molekula ng mga protina na siya namang tumutulong upang mabuo ang iba't ibang bahagi ng katawan gaya ng mata, pakpak, at mga binti.
Gaya ng sinabi ni Dr. Stephen C. Meyer, "Gaya ng lumalabas, ang mga partikular na rehiyon o lugar sa molekula ng DNA na tinatawag na coding regions ay may parehong katangian ng 'sequence specificity' o 'specified complexity' na may katangiang gaya ng mga isinulat na makabagong codes, teksto ng mga salita, at molekula ng mga protina. Kung paanong ang mga letra sa alpabeto ay maaaring magpahayag ng isang partikular na mensahe depende sa pagkakaayos, gayundin naman ang mga sequences ng nucleotide bases (ang A's, T's, G's, at C's) na nakasulat sa gulugod ng molekula ng DNA ay nagpapahayag ng eksaktong utos o instruksyon para sa pagbuo ng mga protina sa loob ng mga selula o cells."
Ang kakayahan ng molekula ng DNA na magdala ng impormasyon ay hindi mapapasubalian. Gayunman, ang katotohanan bang ito sa kanyang sarili ay kukumbinsi sa atin upang maniwala na may isang matalinong tagadisenyo na siyang sumulat ng mga impormasyong ito? Sinabi pa ni Meyer, "Gaya ng tala ng hieroglyphic, isang bahagi ng teksto sa isang libro, o software ng isang computer, kung mayroon kang impormasyon at tutuklasin mo ang pinanggalingan nito, tiyak na makikita mo ang isang katalinuhan. Kaya nga, kung makakakita ka ng impormasyon sa gulugod ng DNA molecule sa isang cell, ang pinamakatalinong konklusyon ayon sa ating paulit-ulit na karanasan ay may isang uri ng matalinong tagadisenyo na siyang pinanggalingan ng mga impormasyon doon."
Ang katangian ng DNA na magtaglay ng mayamang impormasyon ang nagbibigay ng karagdagang kumpirmasyon na ang ating mundo ay nilikha at idinisenyo ng Diyos. Gaya ng sinabi nI Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Roma, "Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip" (Roma 1:20). Ang mga salitang ito ni apostol Pablo na kinasihan ng Diyos ay tila mas lumiliwanag ang kahulugan sa ating panahon kaysa noong orihinal na isulat ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas.
English
Paanong pinatutunayan ng DNA ang pagkakaroon ng isang Manlilikha?