settings icon
share icon
Tanong

Ano ang dobleng predestinasyon?

Sagot


Ang dobleng predestinasyon ay ang paniniwala na lumikha ang Diyos ng ilang tao na ang layunin Niya sa pagbuhay sa mga taong iyon ay upang dalhin sila sa impiyerno. Naaayon ba sa Bibliya ang konseptong ito? Siyasatin natin ang kasagutan sa tanong na ito sa pamamagitan ng Aklat ng Roma na may dalawang pangunahing tema.

Ang unang tema ng akalat ng Roma ay ang katuwiran ng Diyos. Ang mensahe mismo ng Ebanghelyo ang nagpapakita sa katuwiran ng Diyos (Roma 1:16–17). Ang katotohanang ito ang nilalaman ng mensahe ng Ebanghelyo na sa pamamagitan ng pananampalataya, idinideklara ang tao na matuwid sa harapan ng Diyos (Roma 4—5). Ito ang sentrong paglalarawan sa mensahe ng Ebanghelyo - si Hesu Kristo - na nagbigay sa tao ng pagasa na maging matuwid sa harapan ng Diyos (Roma 6—7). Si Kristo ang mensahe ng Ebanghelyo na nagpapakita kung paanong mamumuhay ang tao ng isang matuwid na pamumuhay (Roma 12).

Ang isa pang tema na matatagpuan sa Aklat ng Roma ay ang poot ng Diyos. Ipinakilala ang poot ng Diyos - at nahahayag ang poot na ito - laban sa lahat ng makasalanan (Roma 1:18). Nalalaman ng sangkatauhan na mayroong Diyos, ngunit tinatanggihan nila ang Diyos sa kanilang pagiisip at sa kanilang mga gawa (Roma 1:21–22). Kaya nga, ang poot ng Diyos ay ang pagpapabaya sa tao sa kanilang pamumuhay ayon sa kanilang maibigan (Roma 1:24, 26, 28), na isang buhay na hiwalay sa Diyos at siyang magbubulid sa kanila sa kapahamakan (Roma 1:28–32). Tinanggihan ng tao ang Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay, at pinabayaan sila ng Diyos sa kanilang makasalanang kalagayan. Tanging ang personal na pagkilos na Diyos sa makasalanan ang makakapagbago sa kanya at makapipigil sa kanyang pagpunta sa kapahamakan dahil sa kasalanan kung saan pinatigas niya ang kanyang sarili.

Ngayon mababasa natin sa Roma 9:22, ang ganito, "Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira?" Maraming tao ang nagaakala na itinuturo ng talatang ito na gumawa ang Diyos ng mga sisidlan para sa Kanyang poot. Ngunit hindi ito ang sinasabi ng talata. Sinasabi ng talata na nararanasan na ng tao ang poot ng Diyos. Ang Diyos ang nagtitiis para sa mga sisidlang ito - mga sisidlang inihanda na ang kanilang sarili para sa kapahamakan dahil ayaw nilang iwanan ang kanilang mga kasalanan at manumbalik sa Diyos.

Tingnan natin ang sumunod na talata: Roma 9:23, "At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian." Pansinin na pumili na ang Diyos ng mga partikular na tao noon pa man para sa Kanyang kaluwalhatian. Sa ibang salita, bago pa lalangin ang sanlibutan, pumili na ang Diyos ng mga tao upang maging Kanyang mga anak upang maluwalhati Niya ang Kanyang sarili (tingnan ang Efeso 1:4). Hindi dito sinasabi na pumili ang Diyos ng mga tao para dalhin Niya sa impiyerno. Hindi kailanman sinabi sa Bibliya ang tungkol sa dobleng predestinasyon o ang tungkol sa pagpili ng Diyos sa ilan para dalhin sa impiyerno. Ang mga nasa ilalim ng poot ng Diyos ay nasa kanilang kalagayang iyon dahil tinanggihan nila ang Diyos hindi dahil itinulak sila ng Diyos sa kalagayang iyon. Ang mga binigyan naman ng katuwiran ng Diyos kay Kristo ay maliligtas dahil pinili sila ng Diyos upang Kanyang maging mga anak. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang dobleng predestinasyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries