settings icon
share icon
Tanong

Kailan masasabi na tunay na naaayon sa Bibliya ang isang doktrina?

Sagot


Maituturing lamang na naaayon sa Bibliya ang isang doktrina kung malinaw na itinuturo ang doktrinang iyon sa Bibliya. Maaaring hindi naaayon sa Bibliya ang isang katuruan (salungat sa itinuturo ng Bibliya), wala sa Bibliya (hindi itinuturo sa Bibliya o hindi binanggit sa Bibliya), nakabase sa Bibliya (konektado sa katuruan ng Bibliya) o Biblikal (naaayon sa Bibliya).

Ang hindi Biblikal na doktrina ay anumang katuruan na sumasalungat sa malinaw na katuruan ng Bibliya. Halimbawa, ang katuruan na nagkasala si Hesus ay hindi naaayon sa Bibliya. Sumasalungat ito sa maraming mga talata sa Bibliya gaya ng Hebreo 4:15: “Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan.”

Ang isang katuruan naman na wala sa Bibliya o ekstra-biblikal ay anumang doktrina na hindi direktang itinuturo sa Bibliya. Maaaring ito ay masama o mabuti. Halimbawa, ang pagpili ng kandidato sa isang demokratikong halalan ay isang positibong gawain bagama’t hindi tuwirang itinuturo sa Bibliya. Ang pagdaraos ng ilang piyesta ay maaaring ituring na hindi masama o hindi rin mabuti. "May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip” (Roma 14:5). Ang anumang katuruan sa pagdaraos ng Mahal na Araw, halimbawa ay hindi makikita sa Bibliya.

May ibang katuruan na maaaring nakabase sa mga prinsipyo ng Bibliya, bagama’t hindi direktang itinuturo sa Bibliya. Halimbawa, hindi binabanggit sa Bibliya ang paninigarilyo. Ngunit nakatitiyak tayo na dapat na iwasan ang gawaing ito base sa itinuturo ni Pablo sa 1 Corinto 6:19-20, "O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili; Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.” Kung sumasang-ayon sa prinsipyo ng Bibliya ang isang katuruan, maaari natin iyong ituro ng may lakas ng loob dahil naaayon iyon sa itinuturo ng Bibliya.

Ang Biblikal na doktrina o doktrinang naaayon sa Biblya ay mga katuruan na malinaw na itinuturo sa Bibliya. Ang mga halimbawa nito ay ang paglikha ng Diyos sa lupa at langit (Genesis 1:1), ang pagiging makasalanan ng sangkatauhan (Roma 3), ang pagsilang kay Hesus ng isang birhen (Mateo 1:20-25; Lukas 1:26-38), ang pisikal na kamatayan at literal na pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo (1 Corinto 15:3-11), ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9), ang pagkasi ng Diyos sa Kasulatan (2 Timoteo 3:16-17), at marami pang iba.

Nagkakaroon ng problema sa tuwing naguguluhan ang mga tao sa pagkakaiba ng mga kategoryang ito. Halimbawa, ang pagtuturo na hindi mahalagang doktrina ang kapanganakan ni Hesus sa pamamagitan ng isang birhen at pagtuturo na malaya ang isang tao na maniwala o hindi sa doktrinang ito ay pagtanggi sa isang susing katuruan ng Bibliya. May mga tao naman na itinuturo ang isang doktrina na hindi makikita sa Bibliya na tila isang Biblikal na doktrina. Ang opinyon at pananaw ng isang tao ay tinitimbang sa pamamagitan ng Kautusan ng Diyos. Karaniwang nangyayari ito sa istilo ng pananamit, istilo ng musika, at pagpili ng pagkain. Kung itinuturo natin ang "turo ng tao na gaya ng turo ng Diyos” (Markos 7:7), nagiging gaya tayo ng mga Pariseo na mariing kinondena ng Panginoong Hesu Kristo.

Ang dapat nating maging layunin ay magturo ng malinaw at matibay ng mga katuruang malinaw na itinuturo sa Bibliya. Sa mga katuruan na hindi malinaw na makikita sa Bibliya, hindi tayo dapat na maging dogmatiko. Gaya ng sinasabi ng marami, “Sa mga pangunahing katuruan, pagkakaisa, sa mga hindi malinaw na itinuturo sa Bibliya, pagkakaiba-iba; sa lahat ng bagay, pag-ibig.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan masasabi na tunay na naaayon sa Bibliya ang isang doktrina?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries