Tanong
Ano ang kaligtasan? Ano ang doktrina ng Kristiyano sa kaligtasan?
Sagot
Ang kaligtasan ay pagkalibre mula sa panganib at pagdurusa. Ang pagliligtas ay nangangahulugan ng pagiingat at pagaalis sa panganib. Ang salita ay nagdadala ng ideya ng tagumpay, kalusugan at pagpapanatili. Minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang naligtas o kaligtasan sa pagtukoy sa panandalian at pisikal na kaligtasan gaya ng pagkaligtas ni Pablo sa bilangguan (Filipos 1:9).
Kadalasan ang salitang "kaligtasan" ay nangangahulugan ng kaligtasang espiritwal o kaligtasan sa walang hanggang parusa. Nang sabihin ni Pablo sa bantay bilanggo sa Filipos kung ano ang dapat niyang gawin upang maligtas, tinutukoy ni Pablo ang kanyang hantungan sa walang hanggan (Mga Gawa 16:3-31). Inihalintulad ni Hesus ang kaligtasan sa pagpasok ng tao sa kaharian ng Diyos (Mateo 19:24-45).
Saan tayo naligtas? Sa doktrina ng Kristiyano sa kaligtasan, tayo ay naligtas sa "poot" o sa paglalapat ng Diyos ng hustisya sa ating mga kasalanan (Roma 5:9; 1 Tessalonica 5:9). Ang ating kasalanan ang naghiwalay sa atin sa Diyos at ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). Ang Biblikal na kaligtasan ay patungkol sa kaligtasan mula sa konsekwensya ng kasalanan at dahil doon ito ay nangangahulugan ng pagpapatawad at pag-aalis ng kasalanan.
Sino ang gumagawa ng kaligtasan? Tanging ang Diyos lamang ang makapag-aalis ng kasalanan at makapagliligtas sa atin sa Kanyang parusa dahil sa ating mga kasalanan (2 Timoteo 1:9; Tito 3:5).
Paano nagliligtas ang Diyos? Sa doktrina ng Kristiyano sa kaligtasan, iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Juan 3:17). Ang kamatayan ni Hesus sa Krus at ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli ang dahilan ng ating kaligtasan (Roma 5;10: Efeso 1:7). Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng biyaya at ito ay regalo ng Diyos na hindi kayang bayaran ng sinuman (Efeso 2:5, 8) at ito'y makakamtan lamang sa pamamagitan ng pananalig kay Hesu Kristo (Mga Gawa 4:12).
Paano matatanggap ng isang tao ang kaligtasan? Ang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. Una, kailangan muna niyang marinig o malaman ang tungkol sa Ebanghelyo - ang Mabuting Balita tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo (Efeso 1:13). Pagkatapos, kailangan niyang manalig at buong pusong ilagak ang pananampalataya kay Hesus (Roma 1:16). Nakapaloob dito ang pagsisisi, ang pagbabago ng isipan patungkol sa kasalanan at kay Kristo (Mga Gawa 3:19), at pagtawag sa pangalan ng Panginoon (Roma 10:9-10, 13).
Ang pakahulugan ng Kristiyano sa doktrina ng kaligtasan ay "ang pagliligtas, sa biyaya ng Diyos, mula sa walang hanggang parusa dahil sa kasalanan" at ito ay ipinagkakaloob sa mga tumanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. Kalakip dito ang kundisyon ng Diyos na pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Ang kaligtasan ay makakamtan sa pamamagitan lamang ni Kristo at wala ng iba pa (John 14:6; Mga Gawa 4:12) at nakadepende sa Diyos kung sino ang kanyang pagkakalooban ng kaligtasan at iingatan hanggang wakas.
English
Ano ang kaligtasan? Ano ang doktrina ng Kristiyano sa kaligtasan?