settings icon
share icon
Tanong

Ano ang doktrina ng mga apostol?

Sagot


Ang salitang ugat ng salitang “apostol” ay nangangahulugang “isang isinugo.” Ang simpleng kahulugan naman ng salitang “doktrina” ay “katuruan.” Kaya ang doktrina ng mga apostol ay ang katuruan na dumating sa atin sa pamamagitan ng mga apostol, ang mga taong personal na pinili ni Cristo para ipahayag ang kanyang mga katuruan sa mundo. Ang labindalawang alagad ang naging mga apostol (Marcos 3:14) maliban kay Judas na tumiwalag sa huli. Pinalitan si Judas ni Matias sa Gawa 1:21–26. Si Matias ay isang kandidato para sa pagka-apostol dahil “nakasama namin siya (ng ibang mga apostol) sa buong panahon na nanahang kasama namin ang Panginoong Jesus, mula noong bawtismo ni Juan hanggang Siya ay iniakyat sa langit.” Tila kinukumpirma ng Banal na Espiritu ang pagpiling ito. Pinili din ng Diyos si Saulo ng Tarso na maging isang apostol upang ipangaral ang mensahe ng Ebanghelyo sa mga Hentil ng hindi tinatanggihan ang pagkadagdag kay Matias sa grupo (Gawa 9:15). Malalaman natin ang katuruan ng mga apostol sa pamamagitan ng Bagong Tipan. Ang malaking bahagi ng Bagong Tipan ay isinulat ng mga apostol o ng mga taong may malapit na kaugnayan sa mga apostol.

Ang Ebanghelyo ayon kay Mateo ay isinulat ni apostol Mateo, isa sa mga orihinal na labindalawang alagad.

Ang Ebanghelyo ayon kay Marcos ay isinulat ni Marcos na binanggit sa aklat ng mga Gawa na kasa-kasama ni Pablo sa kanyang ilang paglalakbay bilang misyonero. Sinasabi din sa kasaysayan ng Iglesya na si Marcos ay malapit kay Pedro at ang kanyang ebanghelyo ay ayon sa pangaral ni Pedro.

Ang Ebanghelyo ayon kay Lucas at ang mga Gawa ng mga Apostol ay isinulat ni Lucas. Si Lucas ay kasama ni Pablo sa kanyang ministeryo at isang saksi sa marami sa mga pangyayari sa aklat ng mga Gawa. Bagama’t hindi siya saksi sa buhay ni Jesus, nagsagawa siya ng maingat na pakikipanayam na maaaring kinabibilangan ng mga panayam sa mga apostol (Lucas 1:3). Ang marami sa mga materyales sa kanyang ebanghelyo ay katulad sa mga isinulat ni Marcos at ni Mateo, kaya malinaw na ginamit niya ang mga apostol para panggalingan ng kanyang mga isinulat.

Ang Ebanghelyo ayon kay Juan, gayundin ang mga sulat na 1, 2 at 3 Juan at ang aklat ng Pahayag ay isinulat ni apostol Juan, isa sa labindalawang alagad.

Ang mga aklat ng Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica, 1 at 2 Timoteo, Tito, at Felimon ay isinulat na lahat ni Pablo na isang apostol.

Ang aklat ng Santiago ay isinulat ni Santiago, isang kapatid sa ina ng Panginoong Jesus, na lider ng Iglesya sa Jerusalem. Tiyak na siya ay nakasaksi sa malaking bahagi ng buhay ni Jesus. Hindi siya tinawag na apostol, pero siya ay tinawag para maging isang matanda sa iglesya at naglingkod kasama ng mga apostol. Tinawag ni apostol Pablo si Santiago sa Galacia 1:9 na “isa sa mga haligi ng iglesya” kasama ng mga apostol na sina Pedro at Juan. Kapuna-puna na si Santiago ay hindi pa mananampalataya bago mabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesu Cristo at magpakita sa kanya. Sinasabi sa 1 Corinto 15:7 na nagpakita si Jesus kay Santiago at pagkatapos ay sa “lahat na mga apostol,” na maaaring nagpapahiwatig na si Santiago ay itinuturing na isang apostol noong panahong isinulat ni Pablo ang 1 Corinto.

Ang Una at Ikalawang Pedro ay isinulat ng apostol na si Pedro.

Ang aklat ni Judas ay isinulat ng isa pang kapatid sa ina ng Panginoong Jesus na nakaranas din na maging saksi sa malaking bahagi ng buhay at pagtuturo ni Jesus. Gaya ni Santiago, naging mananampalataya lamang siya pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.

Ang aklat ng Hebreo ay ang tanging aklat sa Bagong Tipan na hindi kilala ang manunulat. Hindi siya isang saksi sa ministeryo ng Panginoon dito sa lupa, pero ang kanyang aklat ay base sa mga patotoo ng mga saksi, gaya ng kanyang sinasabi sa Hebreo 2:3: “Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo.”

Ang doktrina ng mga apostol ay may kapamahalaan at napakahalaga sa ating pangunawa sa mga bagay na ginawa ng Diyos para sa atin. Binabanggit ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang isang naitatag na kalipunan ng doktrina na tinatawag sa tuwina na “ang pananampalataya” o “ang ebanghelyo.” Binanggit sa Judas 1:3 ang “pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal.” Mariing kinondena ni Pablo ang mga taong binabago o pinipilipit ang nilalaman ng ebanghelyo sa Galacia 1:6–9: “Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo. Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo!”

Sa listahan ng mga kaloob sa iglesya, inilista ni Pablo ang pagiging apostol bilang isa sa mga kaloob na pundasyon ng iglesya (Efeso 2:20). Pagkatapos na maitayo ang pundasyon ng iglesya, at maitala na ang mga katuruan ng mga apostol sa Kasulatan, ang papel na ginagampanan ng mga apostol ay hindi na kinakailangan. May pangangailangan pa sa ngayon para sa mga mangangaral, tagapagturo, at mga misyonero para ipangaral ang Salita ng Diyos (ang doktrina ng mga apostol) sa buong mundo (Tingnan ang Mateo 28:19–20; Juan 17:20).

May ilang iglesya sa ngayon na may salitang “apostolic” sa kanilang pangalan. Para sa ilan, maaaring ito ay nangangahulugan na naniniwala sila na umiiral pa rin sa iglesya ang mga kaloob para sa mga apostol. Kung ganito ang kanilang paniniwala, ito ay maling pangunawa sa katuruan ng Bagong Tipan patungkol sa pagiging apostol. Para sa iba, maaaring nangangahulugan ito na nais nilang bigyang diin ang katuruan ng mga apostol gaya ng itinuturo sa Bagong Tipan. Kung ito ang kanilang talagang ginagawa, ito ay isang magandang bagay. Isang denominasyon na ang pangalan ay “Apostolic Church” ang nagsasabi na masugid nilang sinusunod ang mga katuruan ng mga apostol pero sa kasamaang palad, naniniwala sila na kinakailangan sa kaligtasan ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig at ang kaligtasan ay sinusundan ng pagkakaroon ng mga kaloob bilang tanda ng kaligtasan. Habang makikita natin ang mga halimbawa ng mga kaloob bilang tanda na ginamit sa aklat ng mga Gawa, hindi itinuturo ng mga apostol na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan o magkakaroon ang bawat Kristiyano ng mga mahimalang kaloob. Sa kasong ito, bagama’t ang pangalan nila ay may salitang “apostolic,” ang kanilang katuruan naman ay hindi itinuro ng mga apostol.

Noong magsimula ang iglesya, itinala ni Lucas na “inilaan ng mga unang mananampalataya ang kanilang sarili sa mga “katuruan ng mga apostol” (Gawa 2:42). Ang ibig sabihin, nakatalaga sila sa pagaaral at pagsunod sa mga doktrina ng mga apostol. Sa puntong ito, sila ay matalino. Kung ang iglesya sa panahon ngayon ay magiging matalino, itatalaga din nila ang kanilang sarili sa katuruan ng mga unang tagapagtayo ng iglesya sa mundo, ang mga taong pinili ng Panginoon!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang doktrina ng mga apostol?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries