Tanong
Ano ang doktrina ng mga demonyo (1 Timoteo 4:1)?
Sagot
Sa maraming lugar sa Kasulatan, binabalaan tayo laban sa mga maling katuruan. Ang isa sa mga ito ay ang 1 Timoteo 4:1: “Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo.” Ang isang doktrina ay isang katuruan o hanay ng mga prinsipyo. Ang doktrina ng mga demonyo” ay mga bagay na itinuturo ng mga demonyo.
Maaaring magkaroon ng mabuti at masamang doktrina. Ang salitang doktrina ay maaaring tumukoy sa mga katuruan ng Bibliya ng isang iglesya o isang pastor. O sa kaso ng 1 Timoteo 4:1, ang mga hindi makadiyos na katuruan ni Satanas. Ang mga taong sumusunod sa mga doktrina ng mga demonyo ay “tatalikod sa pananampalataya.” Nangangahulugan na ang paniniwala sa doktrina ng mga demonyo ay isang seryosong bagay na kinapapalooban ng pagtalikod sa katotohanan ng Ebanghelyo ni Cristo.
Paano kumakalat ang mga doktrina ng mga demonyo? Ipinapahayag sila sa pamamagitan ng mga taong tagapagturo: “Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya” (1 Timoteo 4:2). Ang mga bulaang tagapagturong ito ay mga mapagpaimbabaw; na ang ibig sabihin at walang ebidensya ng tila kabanalan na kanilang ipinangangaral. Sila ay mga sinungaling; namumuhay sila sa kasinungalingan at nalalaman na ibinubulid nila ang iba sa pamumusong. At sila ay mga walang konsensya; nakahanap sila ng paraan, sa kanilang sariling isipan para bigyang katwiran ang kanilang mga kasinungalingan. Ang mga bulaang tagapagturo ay magaling makisama, nakakaakit, at magaling magsalita, ngunit hindi nila tinanggap mula sa Banal na Espiritu ang kanilang mensahe; sa halip, itinuturo nila ang mga suhestyon ng masasamang espiritu na ang gawain ay iligaw ang mga tao.
Ano ang eksaktong ibig sabihin ng mga doktrina ng mg demonyo? Ang konteksto ay nagbibigay sa atin ng ideya ng mga katuruan na dapat nating bantayan: “Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin” (1 Timoteo 4:2–5). Ayon sa mga talatang ito, hindi natin dapat pakinggan o paniwalaan ang sinuman o anumang grupo na nagbabawal sa pagaasawa o nagbabawal sa ilang uri ng pagkain, Ang sinuman o grupo na nagtuturo na ang kabanalan ay bunga ng pagpili ng kakainin o ganap na hindi pakikipagrelasyong sekswal ay nagsisinungaling.
Sa hardin ng Eden, nakarinig si Eba ng doktrina ng demonyo ng sabihin sa kanya ng ahas: “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Diyos na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?” (Genesis 3:1). Sa umpisa ng kanilang paguusap, kinuwestyon ni Satanas ang katuruan ng Diyos at pinalitan niya ng kanyang sariling turo ang turo ng Diyos. Ipinagpapatuloy ni Satanas ang pandaraya, pagdududa, at panlilinlang para ilayo ang mga tao sa katotohanan. Si Satanas ang ama ng kasinungalingan at mamamatay tao na sa pasimula pa (Juan 8:44) at ang mga doktrina na itinuro ng kanyang mga demonyo ay sa pamamagitan ng mga taong kusang nakikipagtulungan sa kanila para mailayo ang mga tao sa mga pagpapala ng Diyos.
Alam ni Satanas kung paano tayo mamanipulahin kaya napakaepektibo ng mga doktrina ng mga demonyo. Maaari nating malaman ang mga doktrina ng mga demonyo sa pamamagitan ng pagbababad sa katotohanan. Dapat tayong magbasa at magaral ng Bibliya. Kung alam natin kung ano ang itinuturo ng Diyos patungkol sa anumang paksa, ang anumang paglihis sa mga katuruang iyon ay kahina-hinala. Kung ayon sa Salita ng Diyos ang ating katuruan, hindi natin pakikinggan at susundin ang mga katuruan na maglalayo sa atin sa katotohanan.
English
Ano ang doktrina ng mga demonyo (1 Timoteo 4:1)?