settings icon
share icon
Tanong

Ano ang doktrina na paghalili?

Sagot


Ang paghalili ay isa sa mga pangunahing tema ng Bibliya. Itinatag ng Diyos ang prinsipyo ng paghalili sa Hardin ng Eden noong magkasala sina Adan at Eba. Sa pagpatay ng isang hayop para takpan ang kanilang kahubaran (Genesis 3:21), sinimulan ng Diyos na ipinta ang larawan kung paano maibabalik ang sangkatauhan sa tamang relasyon sa Kanya. Ipinagpatuloy ang temang ito sa kanyang lahing hinirang, ang bayang Israel. Sa pagbibigay sa kanila ng Kautusan, ipinakita sa kanila ng Diyos ang Kanyang kabanalan at ang kanilang kawalan ng kakayahan na maabot ang kabanalang iyon. Pagkatapos, pinagkalooban Niya sila ng isang panghalili para bayaran ang halaga ng kanilang pagkakasala sa anyo ng paghahandog ng dugo (Exodo 29:41-42; 34:19; Bilang 29:2). Sa pamamagitan ng paghahandog ng walang malay na hayop ayon sa mga itinakdang alituntunin ng Diyos, maaaring mapatawad ang mga kasalanan ng tao at para siya makapasok sa presensya ng Diyos. Namamatay ang hayop bilang panghalili sa makasalanan na siyang nagpapahintulot sa tao para makalaya at mapawalang sala. Sinasabi sa Levitico 16 ang tungkol sa kambing na panakip butas, kung saan ipinapatong ng matatanda sa Israel ang kanilang kamay sa ulo nito na sumisimbolo sa paglilipat ng mga kasalanan ng mga tao sa kambing. Pagkatapos ay pakakawalan ang kambing sa ilang habang dala-dala palayo ang kasalanan ng mga tao.

Ang tema ng paghalili ay makikita sa buong Lumang Tipan bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoong Jesu Cristo. Hayagang itinatampok sa pista ng Paskuwa ang isang panghalili. Sa Exodo 12, binigyan ng Diyos ng tagubilin ang Kanyang bayan na maghanda para sa darating na mamumuksa na papatay sa mga panganay ng bawat pamilya bilang hatol sa Egipto. Ang tanging paraan para makaligtas sa salot na ito ay ang pagkuha ng isang perpektong Kordero (isang batang tupa o kambing), pagpatay dito, at pagpapahid ng dugo nito sa mga gilid at hamba ng pintuan ng kanilang mga bahay. Sinabi sa kanila ng Diyos, “Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto” (Exodo 12:13). Ang korderong pampaskuwang iyon ang panghalili para sa bawat panganay na lalaki na tatanggap dito.

Dinala ng Diyos ang temang ito ng paghalili sa Bagong Tipan sa pagdating ni Jesus. Inihanda niya ang plataporma upang maunawaan ng sangkatuhan ang eksaktong gagawin ni Jesus sa Kanyang pagdating, Sinasabi sa 2 Corinto 5:21, “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.” Kinuha ng perpektong kordero ng Diyos ang kasalanan ng mundo, ibinigay ang Kanyang buhay at namatay bilang ating kahalili (Juan 1:29; 1 Pedro 3:18). Ang tanging katanggap-tanggap na handog para sa kasalanan ay isang perpektong handog. Kung mamatay man tayo para sa ating sariling kasalanan, hindi iyon magiging sapat na kabayaran. Hindi tayo perpekto. Tanging si Jesus lamang na perpektong tunay na tao at tunay na Diyos, ang nakaabot sa pamantayan ng Diyos Ama at kusang loob na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin (Juan 10:18). Wala tayong magagawa upang iligtas ang ating sarili, kaya ang Diyos ang gumawa noon para sa atin. Ginawang napakaliwanag ng hula sa Isaias 53 ang tungkol sa kamatayan ni Cristo bilang panghalili sa atin: “Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;

siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap” (talata 5).

Ang paghalili sa atin ni Jesus ay perpekto hindi gaya ng mga handog na hayop sa Lumang Tipan. Sinasabi sa Hebreo 10:4, "sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan." Maaring sabihin ninuman, “Ibig mong sabihin, ang lahat ng mga handog ng mga Judio ay walang kabuluhan?” Nililinaw ng manunulat na ang dugo ng mga hayop ay walang halaga. Ang dugong iyon lamang ang sumisimbolo sa dugo ni Jesus na siyang tunay na may halaga. Ang halaga ng sinaunang paghahandog ay ang hayop na kahalili ng tao para sa panandaliang panahon at iyon ang nagtuturo sa paparating na paghahandog ni Cristo na pang magpakailanman (Hebreo 9:22).

May ilang mali ang akala na dahil namatay naman si Jesus para sa kasalanan ng sanlibutan, ang lahat ng tao ay pupunta sa langit isang araw. Hindi ito tama. Ang panghaliling kamatayan ni Cristo ay dapat na ilapat sa bawat puso, kagaya ng kung paanong ang dugo ng Korderong Pampaskuwa ay kailangang personal na ipahid sa pintuan (Juan 1:12; 3:16-18; Gawa 2:38). Bago tayo maging mga “katuwiran ng Diyos sa kay Jesus,” dapat na palitan ang ating lumang makasalanang kalikasan para sa Kanyang Banal na kalikasan. Iniaalok ng Diyos ang Panghalili, ngunit dapat nating personal na tanggapin ang Panghalili sa pamamagitan ng pagtanggap kay Cristo sa pananampalataya (Efeso 2:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang doktrina na paghalili?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries