settings icon
share icon
Tanong

Bakit laging nagiging sanhi ng pagkakahati-hati ang doktrinang Kristiyano?

Sagot


Itinuturing ng ilang Kristiyano ang salitang “doktrina” na halos gaya ng pagmumura. Ang laging naiisip ng tao sa salitang doktrina ay “dapat itong iwasan dahil nagiging sanhi ito ng pagkakahati hati ng mga Kristiyano” at ninanais ng Diyos na magkaisa ang mga Kristiyano gaya ng sinasabi sa Juan 17:21, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.” Habang totoo nga na nagiging sanhi ng pagkakahati-hati ang doktrina, kung ang paghihiwalay ay dahil sa isang mahalagang katuruan ng Bibliya, hindi ito maituturing na masama. Idineklara ni Apostol Pablo, “Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita” (2 Timoteo 4:3). SInabi naman sa Tito 1:9–2:1, “Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang…Nguni't magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling.”

Higit sa anumang bagay, nakasalalay sa doktrina ang pananampalatayang Kristiyano. Ang doktrina tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo (Juan 1:1, 14), ang Kanyang paghalili sa krus para sa mga makasalanan (2 Corinto 5:21), ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli (1 Corinto 15:17), at ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9) ay lubhang napakahalaga at hindi dapat baguhin. Kung pawawalang bisa ang alinman sa mga doktrinang ito, wala ng kabuluhan at magiging hungkag ang pananampalataya. May mga doktrina sa pananampalatayang Kristiyano na napakahalaga gaya ng Trinidad, ang pagkasi ng Diyos sa Kasulatan, at ang katotohanan ng walang hanggang hantungan ng lahat ng tao. Kung ang alinman sa mga katuruang ito ang nagiging sanhi ng pagkakahati-hati sa Iglesya, dapat itong mangyari, dahil dapat na humiwalay ang isang tunay na Kristiyano sa mga taong tumatanggi sa mga doktrinang ito.

Gayunman, mayroon ding mga pagkakahati-hati sa katawan ni Kristo dahil sa mga doktrina na hindi gaanong mahalaga gaya ng mga nabanggit sa itaas. Ang halimbawa ng mga doktrinang ito ay ang panahon ng pagdagit sa mga mananampalataya, batang mundo laban sa matandang mundo, karismatiko laban sa mga hindi karismatiko, pre-milenyalismo laban sa amillenialismo, at iba pa. Mahalaga ang mga doktrinang ito. Ngunit maaaring hindi karapatdapat ang mga doktrinang ito na maging sanhi ng pagkakahati-hati sa iglesya. May mga dedikado at mga mananampalatayang tunay na nagmamahal kay Kristo ang kabilang sa magkabilang grupo. Hindi tayo dapat na maghiwalay dahil sa mga bagay na hindi gaanong mahalaga o pagdudahan man ang katotohanan ng pananampalataya ng isang tao dahil sa pagkiling sa isa sa mga isyung nabanggit.

May tamang antas ng pagkakabaha-bahagi dahil sa mga hindi gaanong mahalagang doktrinang Kristiyano. Dapat na magkaisa ang Iglesya at magkakapareho ang layunin, prayoridad, at ministeryo. Kung may mga isyu sa doktrina na nagiging hadlang sa pagkakaisa sa layunin sa ministeryo, mas makabubuti para sa isang tao na maghanap ng ibang iglesya sa halip na maging dahilan ng gulo at pagkakahati-hati sa iglesya. Ang ganitong uri ng paghihiwalay ang naging dahilan ng marami sa mga hiwalayan at pagkakaroon ng maraming denominasyon sa loob ng pananampalatayang Kristiyano. May ilang nagbibiro na ang hiwalayan ng Iglesya ang pinakamadaling paraan para makapagtayo ng isang bagong iglesya. Ngunit kung ang paghihiwalay dahil sa isang hindi gaanong mahalagang doktrina ay kinakailangan upang mapigilan ang kaguluhan at pagaaway-away, dapat talaga itong mangyari.

Kung isasantabi lamang ng bawat isa ang mga pagkiling, at maling pagpapalagay, at tatanggapin ang itinuturo ng Bibliya, hindi magiging problema ang pagkakahati-hati. Ngunit lahat tayo ay nagkasala at nagtataglay pa rin ng makasalanang kalikasan (Mangangaral 7:20; Roma 3:23). Hinahadlangan tayo ng kasalanan na perpektong maunawaan at maisapamuhay ang Salita ng Diyos. Ang hindi pangunawa at hindi pagpapailalim sa mga doktrinang Kristiyano ang nagiging dahilan ng pagkakahati-hati, hindi ang mismong doktrina. Dapat talagang maghiwalay kung ang nakataya ay ang mga pangunahing doktrina. Minsan, kinakailangan din ang paghihiwalay dahil sa mga hindi gaanong mahalagang doktrina (ngunit paghihiwalay sa isang mas mababang antas). Ngunit hindi dapat na isisi sa doktrina ang dahilan ng paghihiwalay. Sa katotohanan, ang doktrinang Kristiyano ang tanging daan sa tunay, ganap, at Biblikal na pagkakaisa sa loob ng katawan ni Kristo. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit laging nagiging sanhi ng pagkakahati-hati ang doktrinang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries