Tanong
Ano ang Dome of the Rock?
Sagot
Ang Dome of the Rock ay dambana ng mga Muslim na itinayo sa Temple Mount sa Jeruslem noong AD 691. Ang Dome of the Rock ay bahagi ng mas malaking banal na dako para sa mga Muslim na sumasakop sa makabuluhang bahagi ng lugar na kilala rin bilang Mount Moriah (Bundok ng Moria) sa Jerusalem. Kinuha ang pangalang Dome of the Rock mula sa katotohanang ito ay natayo sa pinakamataas na bahagi mg Bundok ng Moria, ang lugar na pinaniniwalaan ng mga Hudyo at mga Kristiyano kung saan handang ihandog ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac bilang haing handog sa Dios (Genesis 22:1-14).
Ang lugar na ito rin ang itinuturing na giikan ni Arauna, ang Jebuseo, kung saan itinayo ni David ang altar para sa Panginoon (2 Samuel 24:18). Ito rin ay malapit o kung saan mismo nakatayo ang Templo ni Herodes bago ito winasak ng Hukbong Romano noong AD 70. May ilang naniniwala na ito marahil ang mismong lugar ng Dakong Kabanal banalan na bahagi ng Templo ng mga Hudyo kung saan pumapasok ang Punong Saserdote minsan isang taon para sa pagtubos sa mga kasalanan ng Israel.
Ang Dome of the Rock ay bahagi ng mas malaking Islamic area na kilala bilang Noble Sanctuary o Al-Haram al Sharif. Mahigit sa 14 hektarya ang sakop ng lugar na ito at nasa loob nito ang Al-Aqsa Mosque at ang Dome of the Rock. Matapos sakupin ng mga Muslim ang Jerusalem noong AD 637, itinalaga ng mga pinuno ng Islam ang Dome of the Rock noong AD 685. Inabot ng halos pitong taon bago ito natapos at ngayon ito ay isa sa mga pinakamatandang istraktura ng Islam.
Ang lugar ng Temple Mount kung saan naroon ang Dome of the Rock at ang Al-Aqsa Mosque ay natayo noong unang siglo sa ilalim ng pamumuno ni Herod the Great bilang bahagi ng pagtatayo niyang muli ng pangalawang templo ng mga Hudyo. Si Hesus ay sumamba sa Templo ni Herodes, at doon winika ni Hesus ang hula patungkol sa pagkawasak nito (Mateo 24:1-2). Ang hula ni Hesus ay natupad nang ang templo ay winasak ng hukbong Romano noong AD 70.
Ang Temple Mount, ang lugar kung saan naroon ang Dome of the Rock, ay mahalaga hindi lamang sa mga Muslim na may hawak nito ngayon, kundi sa mga Hudyo at mga Kristiyano rin naman. Bilang lugar kung saan dati nakatayo ang Templo ng mga Hudyo, ang Temple Mount ay itinuturing na pinakabanal na dako sa Judaismo at ang lugar na pinaniniwalaan ng ilang mga Hudyo at Kristiyano na siyang pagtatayuan ng pangatlo at panghuling templo. Ang lugar ding ito ang pangatlo sa pinakabanal na lugar ng Islam. Dahil sa kahalagahan nito kapwa para sa mga Hudyo at mga Muslim, ang Temple Mount ay lugar na matinding pinagtatalunan o pinag aagawan ng Palestinian Authority at ng Israel.
Ang Dome of the Rock ay isang malaking istraktura at madaling makita sa maraming kuhang larawan (photograph) ng Jerusalem. Hindi lamang ito nasa tuktok ng Bundok ng Moria, ito rin ay nakatayo sa mataas na plataporma na nagtataas dito ng 16 na talampakan sa kabuuan ng lugar ng Temple Mount. Sa loob nito, sa gitna ng Dome, ay ang pinakamataas na lugar ng Bundok ng Moria. Ang batong ito ay may sukat na 60 por 40 talampakan at nakataas ng may anim na talampakan mula sa sahig ng dambana. Habang maraming tao ang nagkakamali sa kanilang pagaakala na ang Dome of Rock ay isang mosque, ito ay itinayo bilang dambana para sa mga manlalakbay na nais sumamba sa Diyos (pilgrims), bagamat ito ay malapit sa isang mahalagang mosque ng mga Muslim.
May ilang naniniwala na ang Dome of the Rock ay itinayo dahil ayon sa isang alamat ng Islam, dinala diumano ni anghel Gabriel si Propeta Muhamad sa Bundok ng Moria at mula doon ay umakyat sa langit at nakatagpo ang lahat ng mga propeta na nauna sa kanya. Gayon din nakita niya ang Dios na nakaupo sa Kanyang trono na napapalibutan ng mga anghel. Gayunman, ang kuwentong ito ay wala sa mga teksto ng Islam hanggang makalipas ang ilang dekada matapos matayo ang dambana, na nagdala sa ilan sa paniniwala na ang pangunahing dahilan ng pagkakatayo ng Dome ay upang ipagdiwang ang tagumpay ng Islam laban sa mga Kristiyano sa Jerusalem at hindi upang parangalan ang ipinapalagay na pagakyat ni Muhamad sa langit.
Nang masakop ng Israel ang bahaging iyon ng Jerusalem matapos ang anim na araw na giyera (six-day war) noong 1967, pinahintulutan ng mga pinuno ng Israel ang isang relihiyosong grupo ng Islam na magkaroon ng kapangyarihan sa Temple Mount at sa Dome of Rock upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan. Mula noon, ang mga hindi Muslim ay limitadong pinahihintulutang pumunta sa lugar na iyon ngunit hindi pinahihintulutang manalangin sa Temple Mount.
English
Ano ang Dome of the Rock?