Tanong
Ano ang Doulos for Christ World Harvest Ministry at ano ang Kanilang pinaniniwalaan?
Sagot
Ang Doulos for Christ World Harvest Ministry (DCWHM) ay isang Pentecostal-Charismatic na iglesya na itinatag ni Oriel Ballano, isang dating manggagawa ng Jesus is Lord Church Worldwide (JILCW). Ayon sa kay Ballano, "sinabi sa kanya ng Diyos na magkaroon siya ng isang ministeryo na lalago at magkakaroon ng maraming miyembro na magmumula sa mga campuses." Noong 1998, inumpisahan ni Ballano ang pagtuturo sa isang maliit na grupo ng magaaral mula sa Far Eastern University hanggang sa ang grupo ay maging isang iglesya at makilala sa tinatawag ngayon na Doulos for Christ.
Noong 2003, ginamit ni Ballano ang Government of 12 (G12), isang estratehiya sa pagpapalago ng iglesya na nilikha ni Cesar Castellanos, ang pastor ng International Charismatic Mission Church sa Bogota Colombia. Ang konsepto ng G12 vision ay ayon sa modelo ng cell church ng Yoido Full Gospel Church na pinangungunahan ni Yonggi Cho. Ayon kay Cesar Castellanos, pagkatapos niyang bumisita sa Yoido Full Gospel Church, sinabi sa kanya ng Diyos sa isang pangitain na ipatupad niya isang estratehiya sa pagpapalago ng iglesya na dapat ding ipatupad ng lahat ng iglesya para matagumpay na masunod ang Dakilang Utos ni Jesus sa Mateo 28:19-20 sa kasalukuyang henerasyon. Bilang isa sa mga tagapagsulong ng New Apostolic Reformation (NAR), pinaniniwalaan ni Castellanos ang kanyang sarili na isa sa mga apostol sa modernong panahon at ang kanyang iglesya ang ina ng lahat ng G12 na iglesya sa buong mundo. Sa kasalukuyan, si Ballano ang coordinator ng mga iglesya sa Pilipinas na gumagamit ng estratehiya ng G12 sa ilalim ni Cesar Castellanos.
Nang ipatupad ng Doulos for Christ World Harvest Ministry ang G12, nakaranas ito ng mabilis na pagdami ng miyembro. Ngayon, tinatayang may mahigit 20,000 miyembro na ang iglesya. Ang layunin ng DCWHM sa ministeryo ay "Ibigin ang Diyos at Ibigin ang tao," ang pangitain naman ay "magligtas ng mga kaluluwa at gumawa ng mga alagad," at ang hantungan ay "gawing tagapanguna ng mga tagapanguna ang bawat mananampalataya, upang maging daan ng pagbabago ng bansa." Noong Pebrero 2010, inordinahan si Ballano ng Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) para maging isang Obispo. Mula noon, mas madali ng nakapasok ang G12 sa mga iglesyang miyembro ng PCEC at naipakilala ang sistema nito ng paniniwala at pagsasanay na naging dahilan naman sa pagkakahati-hati ng maraming iglesya at denominasyon.
Istriktong ipinapatupad ng Doulos for Christ World Harvest Ministry ang "G12 ladder of Success" (mga hagdan sa tagumpay ng G12) na may apat na estratehiya: Magligtas, Magtipon, Magdisipulo, at Magsugo. Ang mga hagdang ito ng tagumpay ay magagawa sa pamamagitan ng pagdadaos ng tinatawag na Pre-encounter, Encounter God at post-encounter retreats sa mga target na tao. Ang mga tagapanguna naman ng mga cells ay kinakailangang dumaan sa pagsasanay na tinatawag na PEPSOL 1, 2 at 3. Ang mga libro ni Cesar Castellanos na gaya ng "Pre-Encounter," "Win through the G12 Vision — G12." "Change Your Spiritual DNA," "144: The Key to Multiplication," "Declarations of Power," "The Revelation of the Cross," "Successful Leadership through the Government of 12," atbp. ang mga pangunahing materyal na pinagkukunan ng katuruan. Hinihingi ang ganap na pagpapasakop at pagsunod sa mga miyembro at inirerekomenda ang pagbabasa sa libro na "Undercover" ni John Bevere para ituro sa mga miyembro na ang paglaban sa mga may awtoridad na inilagay ng Diyos sa iglesya ay paglaban sa Diyos at ang pagpuna sa mga lider ng G12 ay pagpapakita ng kawalan ng takot at paggalang sa Panginoon at isang gawain ng antikristo na aani ng hatol ng Diyos.
Ipinangangaral ni Oriel Ballano ang Ebanghelyo ng kasaganaan (Prosperity Gospel) at ginagamit ang eisegetical na paraan ng pagtuturo ng Bibliya (paglalagay ng sariling pakahulugan sa mga talata ng Bibliya). Normal ang spiritualizing at allegorizing ng mga teksto ng Bibliya para sa mga pastor at cell leaders ng G12. Halos lahat ng sermon ay puno ng kwento ng mga tagumpay sa buhay, positibong deklarasyon, mga pagbanggit sa mga linya ng kilalang mangangaral ng prosperity gospel gayundin ng mga biro at patawa para aliwin ang mga nakikinig. Laging nagtatapos ang mga sermon sa pagtuturo ng ikapu bilang ebidensya ng pananampalataya para maipagkaloob ng Diyos ang Kanyang masaganang pagpapala. Ang binhi sa Bibliya ay pera at kung magtatanim ka ng binhi ay aani ka sa hinaharap. Sa halip na paglago sa kaalaman tungkol sa Diyos at pagsunod sa Kanyang kalooban, ang binibigyang diin sa mga sermon ay paglikha ng kayamanan at pagkakaroon ng mataas na pagtingin sa sarili, pagpapaunlad sa sarili at panlupang tagumpay. Naniniwala din ang DCWHM sa dominion theology (paghahari ng mga Kristiyano sa lupa na siyang hudyat sa pagbabalik ni Cristo). Itinuturo ni Ballano na nakatakdang maghari ang mga Kristiyano sa mundo kaya dapat silang makilahok sa pagtatayo ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaabot ng kanilang hinaing sa gobyerno laban sa kurapsyon at mga batas na hindi sang-ayon sa Bibliya. Hinihimok niya ang mga miyembro na makilahok sa mga demonstrasyon at makisama sa ibang mga grupo na may parehong prinsipyo. Naniniwala din ang DCWHM sa pagsasalita ng ibang wika, sa mga makabagong hula, sa pagpapanumbalik ng posisyon ng mga apostol at propeta sa iglesya, at sa mga mahimalang tanda at kababalaghan. Ginagamit ni Ballano ang kwento ng kanyang sariling buhay mula sa kanyang pagiging mahirap hanggang siya ay yumaman para patunayan ang mahimalang pagkilos ng Diyos sa kanyang buhay.
Hindi mairerekomenda ang pagdalo sa DCWHM. May mga dating miyembro na umalis sa G12 ang ngayon ay nagpapatotoo gamit ang Social Media kung paanong naranasan nila ang manipulasyon at panghihiya ng kanilang dating mga cell leaders. Tinatakdaan sila na tapat na magbigay ng ikapu kasabay ang pangako ng pagyaman at sagot ng Diyos sa panalangin, pinagbebenta din sila diumano ng tiket ng mga kumperensya ni Ballano sa kanilang mga kaibigan at kakilala ngunit kailangan nilang bayaran ang mga tiket na hindi nila naibenta. May ilang mga miyembro na tumanda na rin at hindi nakapagasawa dahil pinapayuhan na hindi dapat magasawa hangga't hindi nakakabuo ng 144 na tagapanguna. Ang karamihan sa mga ito ay mga magaaral sa kolehiyo na nabulag ng pangako ng kalusugan at magandang hinaharap bilang bahagi ng mga mananagumpay na "maghahari" sa mundo. Ang mga nagpapahayag ng pagdududa sa mga paniniwala at pagsasanay ng DFCWHC ay pinagbabantaan ng pag-ani ng sumpa ng Diyos habang ang mga hayagan namang sumasalungat ay pinagtatawanan, hinihiya sa pulpito, sinisiraan sa grupo at itinitiwalag. Kamakailan lamang may isinampang kasong paninirang puri si Ballano laban sa dalawang dating miyembro na nadismiss dahil sa kawalan ng merito.
Habang malinaw na hindi naaayon sa Bibliya ang mga katuruan ng DCWHM at kinakikitaan ng mga katangian ng pagiging kulto, hindi naman imposible para sa Diyos na gamitin kahit ang pinakamaliit na katotohanan ng Kanyang salita na naipapangaral upang tawagin ang Kanyang mga hinirang mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan. Ngunit ang pananatili sa ganitong uri ng katuruan at kapaligiran ay isang pakikibaka para sa isang tunay na Kristiyano na pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:16). Sinabi ni Jesus na gagabayan ng Banal na Espiritu ang Kanyang mga anak sa buong katotohanan (Juan 16:13) at nakikilala nila ang Kanyang tinig (Juan 10:27). Isang bagay ang tiyak, ang lahat ng tunay na mga anak ng Diyos ay hindi mananatili sa kasinungalingan sa buong buhay nila dahil tiyak na mararanasan nila ang kumbiksyon, pagbibigay-liwanag, at pagtuturo ng Banal na Espiritu (Juan 16:14-18), gayundin ang pagiingat at mapagmahal na pagdidisiplina ng kanilang Diyos Ama (Hebreo 12:5-8).
Ano ang Doulos for Christ World Harvest Ministry at ano ang Kanilang pinaniniwalaan?