Tanong
Ano ang dualismo?
Sagot
Sa teolohiya, ang konsepto ng dualismo ay ang pagpapalagay na may dawalang magkapantay na pwersa na naglalaban sa sansinukob - ang masama at mabuti. Sa Kristiyanong dualismo, ang Diyos ang kumakatawan sa mabuti, at si Satanas naman ang kumakatawan sa masama.
Gayunman, ang totoo, kahit na may kapangyarihan din si Satanas, ang kanyang kapangyarihan ay hindi kapantay ng kapangyarihan ng Diyos. Nilikha lamang ng Diyos si Satanas bilang isang anghel bago siya nagrebelde sa Diyos (Isaias 14:12-15; Ezekiel 28:13-17). Gaya ng sinasabi ng Kasulatan, "Mga anak, kayo'y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan" (1 Juan 4:4). Ayon sa Bibliya, walang dualismo at walang magkapantay na pwersa na tinatawag na mabuti at masama. Ang kabutihan na kinakatawan ng Makapangyarihang Diyos, ay ang pinakamakapangyarihang pwersa sa buong sansinukob. Ang kasamaan na kinakatawan ni Satanas ay isang mas mababang pwersa na walang laban sa kabutihan. Ang kasamaan ay laging nagagapi sa tuwing makakalaban nito ang kabutihan dahil ang Makapangyarihang Diyos, ang esensya ng kabutihan, ay pinakamakapangyarihan samantalang ang kasamaan na kinakatawan ni Satanas ay kapos ang kapangyarihan.
Ang katuruan na ang masama at mabuti ay magkapantay na pwersa na laging naglalaban, ang katuruang ito ay sumasalungat sa doktrina ng Bibliya na ang mabuti na kinakatawan ng makapangyarihang Diyos ang Siyang may buong kapangyarihan sa buong sansinukob. Dahil si Satanas ay walang kapangyarihan na tulad ng sa Diyos, at hindi magkakaroon ng kapangyarihan na kapantay ng sa Diyos, ang anumang katuruan na itinuturing na kapantay siya ng Diyos ay isang maling katuruan.
Ang katotohanan na pinalayas si Satanas sa langit dahil sa kanyang pagtatangka na makipantay sa Diyos ay hindi nangangahulugan na sumuko na si Satanas sa pagnanais na labanan ang Diyos. Ito ay makikita mismo sa katuruan ng dualismo na nagugat hindi sa Kasulatan kundi sa pilosopiya at karunungan ng tao.
Walang dualismo sa kahit saang bahagi ng sansinukob. May iisa lamang kapangyarihan na nananaig at iyon ay ang kapangyarihan ng Diyos gaya ng itinuturo sa atin ng Bibliya. Ayon sa Bibliya, may isa lamang walang hanggang kapangyarihan hindi dalawa. Kaya nga ang doktrina ng dualismo na mayroong magkapantay na kapangyarihan (mabuti at masama) na laging naglalaban ay isang maling katuruan.
English
Ano ang dualismo?