Tanong
Sino si Eba sa Bibliya?
Sagot
Si Eba sa Bibliya ay ang asawa ni Adan, ang unang tao na nilikha ng Diyos. Si Eba ang ina ni Cain, Abel at Set at ng "iba pang mga anak na lalaki at anak na babae" (Genesis 4:1–2, 25; 5:4). Si Eba ang unang babae, ang unang asawa, at ang ikalawang tao sa mundo.
Ang pangalang Eba ay nanggaling sa salitang Hebreo na 'chavâh,' na ang ibig sabihin ay "ang nabubuhay" o "buhay." Tinawag siyang "Eba" dahil siya ang ina ng lahat ng taong nabubuhay sa mundo (Genesis 3:20). Nilikha siya ng Diyos pagkatapos na pumili si Adan ng angkop na makakasama mula sa ibang nilikha ngunit wala siyang natagpuang kagaya niya. Kaya nilikha ng Diyos si Eba bilang katulong ni Adan. Nilikha si Eba ayon sa wangis ng Diyos, gaya ni Adan (Genesis 1:27).
Binigyan ng Diyos sina Adan at Eba ng isang utos habang naninirahan sa hardin ng Eden. Sinabi Niya sa kanila na huwag nilang kakainin ang bunga ng puno na tinatawag na "puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama" dahil sa araw na kumain sila ng bunga niyon, tiyak na sila'y mamamatay (Genesis 2:17). Hindi sinasabi sa Bibliya kung gaano katagal tumira sina Adan at Eba sa hardin ng Eden bago sila kumain ng bawal na bunga, ngunit may isang yugto ng panahon na natukso si Eba na kumain ng bawal na bunga. Nadaya siya ng ahas (1 Timoteo 2:13–14) na karaniwang pinaniniwalan na isang nilalang na ginamit ni Satanas. Itinanim ni Satanas sa isip ni Eba ang pagdududa sa Salita ng Diyos ng tanungin nito si Eba kung totoong pinagbawalan sila ng Diyos na kumain ng bunga ng puno (Genesis 3:1). Pagkatapos, itinanim ng ahas kay Eba ang isang kasinungalingan: " Ngunit sinabi ng ahas, "Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama" (Genesis 3:4–5). Kumuha si Eba ng ilang bunga at kumain at binigyan si Adan na kumain din naman. Agad nilang naunawaan ang hindi nila dating nauunawaan—nabuksan ang kanilang mga mata patungkol sa mabuti at masama. Ngunit hindi nagsinungaling ang Diyos—nagkaroon ng kamatayan dahil sa pagsuway nina Adan at Eba.
Dumating ang kamatayan sa buong sangkatauhan dahil natukso sina Adan at Eba na magkasala ayon sa kanilang sariling pagpapasya. May dalawang partikular na sumpa ang ibinigay ng Diyos kay Eba at sa lahat ng kanyang magiging anak na babae. Una, pararamihin ng Diyos ang sakit na kanilang mararanasan sa pagbubuntis at panganganak. Ikalawa, magkakaroon ng problema sa relasyon ng lalaki at babae (Genesis 3:16). Ang dalawang sumpang ito ay napatunayang totoo sa buhay ng bawat babae sa buong kasaysayan. Gaano man ang pagsulong ng medisina ang ating makamtan, laging ang pagdadalang-tao ay masakit at mahirap para sa isang babae. At kahit gaano maging maunlad at progresibo ang sosyedad, nanatiling may paligsahan sa kapangyarihan sa pagitan ng lalaki at babae, isang labanan ng kasarian na puno ng kaguluhan.
Si Eba ang ina ng lahat na nabubuhay at ang una ding nakaranas ng mga nasabing sumpa. Gayunman, matutubos si Eba maging si Adan sa pamamagitan ng ikalawang Adan, si Jesu Cristo na isang taong walang kasalanan (Roma 5:12–14). "Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo.. . . 'Ganito ang sinasabi sa kasulatan, "Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay"; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay'" (1 Corinto 15:22, 45).
English
Sino si Eba sa Bibliya?